Istorya ng Linggo

Foul play sa kamay ng tropang Kano?


Isang Pinoy na namatay habang nagtatrabaho bilang interpreter ng mga tropang Amerikano sa Marawi City ang hinihinalang naging biktima ng karumal-dumal na krimen. Pero pilit umanong itinatago ng mga awtoridad ang ebidensya nito.

Hindi naniniwala si Myrna Cardeno (kaliwa) na nagbigti ang kanyang asawa na interpreter ng mga tropang Kano. Ayon kay Bai Ali Indayla (kanan) ng Kawagib Moro Alliance for Human Rights, dapat imbestigahan ng gobyerno ang kaso. (Ilang-Ilang Quijano)
Hindi naniniwala si Myrna Cardeño (kaliwa) na nagbigti ang kanyang asawang si Gregan, na interpreter ng mga tropang Kano. Ayon kay Bai Ali Indayla (kanan) ng Kawagib Moro Alliance for Human Rights, dapat imbestigahan ng gobyerno ang kaso. (Ilang-Ilang Quijano)

Pinaiimbestigahan ng mga grupong pangkarapatang pantao ang pagkamatay ni Gregan Cardeño, isang 33-anyos na interpreter para sa mga tropang Amerikano sa Marawi City, na nagbigti umano sa loob ng kampo ng 103rd Infantry Brigade ng Philippine Army hatinggabi noong Pebrero 2.

Pero hindi naniniwala ang pamilya Cardeño at mga grupong kabilang sa Justice for Gregan Cardeño Movement na nagpatiwakal ito. Sa isang press conference sa Quezon City ngayong araw, inihayag nila ang suspetsang foul play, at nanawagan sa mga awtoridad ng indipendiyenteng imbestigasyon sa pangyayari.

Batay umano ito sa pakikipag-usap ni Gregan sa kanyang pamilya bago siya namatay, sa mga sugat na natagpuan sa kanyang bangkay, at sa umano’y mga tangkang pagtatakip sa ebidensya ng mga opisyal ng Philippine National Police (PNP), Philippine Army, at Joint Special Operations Task Force ng US.

Ito ang unang napabalitang insidente ng pagkamatay ng isang Pinoy habang nasa empleyo ng mga tropang Amerikano, na nananatili sa bansa para sa Balikatan Exercises sa ilalim ng kontrobersiyal na Visiting Forces Agreement.

“Walang malinaw na sagot kung paano namatay si Cardeño. Kaya mariin kaming naniniwalang foul play ang nangyari,” sabi ni Bai Ali Indaya, tagapagsalita ng Kawagib (Moro Alliance for Human Rights) at isa sa mga convenor ng Justice for Gregan Cardeño Movement.

Nagsagawa ang iba’t ibang grupong pangkarapatang pantao ng fact-finding mission noong Marso 2 hanggang 4 sa Zamboanga City at Marawi City para imbestigahan ang pangyayari, nang humingi ng tulong ang pamilya Cardeño.

Misteryosong sirkumstansiya

Ayon kay Myrna Cardeño, nag-aplay ang kanyang asawang si Gregan sa Skylink Security and General Services, isang kontraktor ng mga tropang US na naka-base sa Zamboanga City.

Noong Pebrero 1, inihatid pa ni Myrna ang kanyang asawa sa Edwin Andrew Airbase sa nasabing siyudad, kung saan isinakay siya umano sa helikopter  ng tatlong sundalong US.

Pero sa halip na dalhin sa Cotabato City para sa kanyang magiging trabaho dapat sa Camp Siongco sa Datu Odin Sinsuat, Maguindanao, dinala siya sa Camp Ranao sa Datu Saber, Marawi City. Ito ang isinumbong ni Gregan sa kanyang asawa at kapatid na si Carivel sa mga palitan ng mga text messages at tawag sa telepono noong Pebrero 2.

“Nang nag-usap kami sa telepono, iyak siya nang iyak. Sinabi niyang gusto na niyang makauwi. Iba raw ang trabahong ipinapagawa sa kanya,” kuwento ni Myrna.

Hindi binanggit ni Gregan kung ano ang ipinapagawa sa kanya ng mga Amerikano.

Kinabukasan, nakatanggap ng tawag si Myrna mula kay SPO3 Ali Guibon Rangiris, hepe ng yunit ng PNP na rumesponde sa insidente, at sinabihang nagbigti umano ang kanyang asawa sa kuwarto gamit ang mga nilubid na bedsheet.

“Hindi kami makapaniwala na nagpakamatay siya. Noong Enero 30 lamang, matapos mapirmahan ang kontrata sa Skylink, masayang-masaya siya dahil makakapagtrabaho na siya at makakapagtayo ng negosyo,” sabi ni Myrna, na may tatlong naulilang anak.

Pinangakuan ng Skylink si Gregan ng P60,000 buwanang sahod sa loob ng tatlong buwan. Kinontrata ang Skylink ng Dyn Corporation International, isa sa pinakamalaking pribadong kontraktor ng militar ng US, na naka-base sa Virginia sa Estados Unidos.