Noong Marso 23, sa ika-4 na buwang paggunita sa masaker sa Ampatuan, muling nagmartsa patungong Mendiola ang mga mamamahayag, kasama ang proresibong mga grupo, para kondenahin ang kawalang katarungan sa 58 na biktima ng masaker. Pinangunahan ang pagkilos ng November 23 Movement, National Union of Journalists of the Philippines (NUJP), at Philippine Center for Photojournalism (PCP). Lumahok din ang mga party-list na Kabataan, Anakpawis, at Bayan Muna. (Darius Galang)Ayon kay Joan Bondoc (pinaka-kanan), photojournalist ng Philippine Daily Inquirer at PCP, nakalulungkot ang mabagal na usad ng hustisya. Naunang ibinunyag ni Rowena Paraan ng NUJP na noong Pebrero 17 pa nakasuspinde ang pagdinig sa pangunahing suspek na si Andal Ampatuan Jr. nang dahil sa iba't ibang delaying tactics. Sinabi rin ni Atty. Benjamin Luis ng Center for International Law, isa sa mga abogado ng mga biktima, na naglabas kamakailan ang Department of Justice ng utos na nagbabawal sa mga abogado na magsalita sa publiko o sa midya hinggil sa kaso. (Darius Galang) Mamamahayag ang 32 sa biktima ng masaker sa Ampatuan, na kinondena ng buong daigdig. Nakiisa sa kilos-protesta ang International Federation of Journalists, na muling nagsagawa ng fact-finding mission ngayong Marso para alamin ang kalagayan ng mga pamilya ng biktima at ang tinatakbo ng kaso. (Darius Galang)Nag-alay ng kandila para sa mga biktima ang mga lumahok sa protesta, kabilang ang mamamahayag na si Howie Severino (pinaka-kaliwa). (Darius Galang)Ayon sa mga mamamahayag at progresibong mga grupo, hindi sila makakalimot sa masaker hangga't hindi napapanagot ang mga salarin nito at ang gobyernong Arroyo na pangunahing responsable sa kultura ng impunidad at karahasan sa bansa. (Darius Galang)
"Hindi tayo mapapagod na manawagan sa mga kinauukulan na lalo pang pangalagaan at itanghal ang kapakanan at mga karapatan nating mga alagad ng komunikasyon at midya para sa walang maliw na pakikipaglaban at pagtaguyod sa kapakanan ng sambayanan,” ayon sa pahayag ng UP College of Mass Communication.
Sa isang sitwasyong patuloy na pinapaslang ang mga peryodista at manggagawa sa midya at kinokompromiso ang kalayaan sa pamamahayag, ano pa ba ang puwedeng gawin ng mga ordinaryong taong katulad natin para mabago ang kasalukuyang kalakaran?