Panayam sa dalawang lider-rebolusyonaryo


May batayan ba ang ipinagmamalaki ng CPP-NPA? Kumusta na ba ang “matagalang digmang bayan”—ang pagkalahatang estratehiya na ginagamit ng CPP-NPA—at ang mga taong tila walang kapaguran na nagsusulong nito sa kanayunan? Dalawang rebolusyonaryong lider ang sumagot sa isang panayam ng Liberation International.

    New Peoples Army: Madudurog ba sa Hunyo 2010, o makakamit ang estratehikong pagkakapatas sa loob ng limang taon? (Contributed Photo)
New People's Army: Madudurog ba sa Hunyo 2010, o makakamit ang estratehikong pagkakapatas sa loob ng limang taon? (Contributed Photo)

Noong Marso 31, ipinagdiwang ng New People’s Army (NPA) ang ika-41 anibersaryo nito. Nauna rito, idineklara ng Communist Party of the Philippines (CPP), sa anibersaryo nito noong Disyembre 31, na hinahangad ng kilusang rebolusyonaryo ang strategic stalemate o estratehikong pagkakapatas sa loob ng limang taon.

Ninanais ng mga rebelde na maiangat nito ang NPA sa lakas na halos kapantay ng Armed Forces of the Philippines (AFP). Kabaligtaran ito ng sinasabi ni Pangulong Arroyo na malilipol ang NPA pagkatapos ng  kanyang termino sa Hunyo 2010.

May batayan ba ang ipinagmamalaki ng CPP-NPA? Kumusta na ba ang “matagalang digmang bayan” — ang pagkalahatang estratehiya na ginagamit ng CPP-NPA—at ang mga taong tila walang kapaguran na nagsusulong nito sa kanayunan?

Isinalin at inilalathala ng Pinoy Weekly ang ilang bahagi ng panayam ni Roselle Valerio, editor ng Liberation International, sa dalawang lider-rebolusyonaryo: ang mga tagapagsalita ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) na sina Fr. Santiago Salas para sa Eastern Visayas at si Salvador del Pueblo para sa Cagayan Valley.

Ang Liberation International ang pahayagan ng NDFP Information Office na nakabase sa The Utrecht, The Netherlands.

Ipinagmamalaki ng gobyernong Arroyo na madudurog nito ang rebolusyonaryong kilusan sa pagtatapos ng kanyang termino sa Hunyo 2010. Gaano na ito kalapit sa layuning ito? Gaano kalaki ang pinsalang idinulot ng Oplan Bantay Laya (OBL)?

Fr. Santiago Salas: Hindi ang rebolusyonaryong kilusan kundi ang rehimeng Arroyo ang mabibigo sa pagtatapos ng termino nito. Hindi posibleng maideklara ng rehimen ang tagumpay nito laban sa rebolusyonaryong kilusan. Patuloy na lumalakas ang NPA at nagsasagawa ng paparaming mga opensibang taktikal, habang bumabangon naman ang rebolusyonaryong kilusang masa, pinamumunuan ang taumbayan, at iniimpluwensiyahan ang nagkakaisang prente (united front).

Bago pa man ang dedlayn ng OBL sa 2010, matagal na itong idineklarang bigo, noon pang 2008. Katunayan, halos inamin ito mismo ng 8th Infantry Division ng Armed Forces of the Philippines noong huling bahagi ng 2009, kung saan ibinaba nito ang kanilang target—mula sa pagbigo sa rebolusyonaryong kilusan, naging pagpapaliit na lamang sa impluwensiya nito ang kanilang target sa katapusan ng termino ni Arroyo.

Walang prenteng gerilya sa rehiyon ang nalusaw dahil sa OBL. Hindi nagdurusa sa usaping militar ang NPA sa ilalim ng OBL, dahil pakikidigmang gerilya ang gamit nito. Sa pangkalahatan, siyam hanggang 10 sundalo ang namamatay sa bawat isang Pulang mandirigma.

Nananatiling buo at gumagana ang mga lokal na organo ng pampulitikang kapangyarihan, habang nag-iingat sa gitna ng mga operasyon ng kaaway…Paminsan, nagdurusa ang kabuhayan ng mga mamamayan dahil sa pagtarget ng operasyong militar sa mga sibilyan at komunidad. Pero tumindig ang mga mamamayan at dinepensahan ang kanilang mga karapatan, nagsagawa ng mga pakikibakang masa, at lumalahok sa produksiyon para suportahan ang NPA at ang digmang bayan.

Salvador del Pueblo: Isinasagawa ng rehimeng Arroyo, na desperadong pahinain o biguin ang mga rebolusyonaryong puwersa, ang pinakamarurumi at pinakamalulupit na atake laban sa mga mamamayan. Napinsala ng OBL ang buhay ng daan libong mga mamamayan sa rehiyon; binawi nito ang buhay ng daan-daang inosenteng sibilyan.

Sa unang bigwas ng OBL 2 sa Baggao, Cagayan, tinarget ng putok ng machine gun ng 17th Infantry Batallion ang apat na insonteng teenager na papunta sa isang piknik, noong Hulyo 2006. Gaya ng US Operation Phoenix sa Vietnam, tinuring ng rehimen ang bawat progresibong indibidwal at kahit simpleng sibilyan bilang “kaaway ng estado”…Sa maramihan at matagalang operasyong militar ng 5th Infantry Division, hindi bababa sa 426,300 indibidwal ang naging biktima ng paglabag sa karapatang pantao, gaya ng pagdukot, pananakit, sapilitang paglikas, food blockade, grave coercion at panghaharas, desecration of remains, hamletting, indiscriminate firing, at pang-aabusong seksuwal.

Bilyun-bilyong piso ang inilaan ng rehimen para sa pagsasanay ng mga tauhan sa pinakamaruming psychological warfare laban sa rebolusyonaryong kilusan. Sa rehiyon, pinangunahan ng Civilian Military Batallions Operation, na pinangungunahan ni Lt. Col. Loreto Magundayan Jr., ang kampanyang paninira sa NPA. Nag-imbento ito ng mga kasinungalingan hinggil sa umano’y paghina o pagkabigo ng rebolusyonaryong kilusan sa rehiyon, gaya ng kung papaano raw nadurog ang Benito Tesorio Command ng NPA sa Southern Isabela noong 2008.

Nakikiisa ang NDFP sa Cagayan Valley sa pagsusuri ng mga rebolusyonaryong puwersa sa buong bansa na walang nakamit ang OBL, maliban sa lalong patingkarin ang pagkabulok ng sistema at ang pagiging matuwid ng armadong pakikibaka ng mga mamamayan.