Rahima Jamal, 19
Isang tula ng batikang manunulat na si Rogelio Ordonez tungkol sa malupit na sinapit ng isang OFW sa Gitnang Silangan.
kalansay na nakatingala sa langit
ang punong kabalyero
wala ang naglalagablab na mga bulaklak
berde pa iyon noong enero
pero ngayo’y tinakasan ng mga dahon
hinipan at itinaboy sa naninilaw na damuhan
ng nilalagnat na marso at abril
di na makikita ni rahima jamal
ang muling paghihilamos ng dugo
ng punong kabalyero
di na maririnig ang musika ng dasal
sa bawat takipsilim
sa lupang binaog ng pambubusabos
di na malalasap ang lamukot ng durian
ang tamis-asim ng pinya’t dalandan.
tatlong buwan nang nasa morge
sa ospital ng saif obaidullah
sa ras al-khaimah
ang bangkay ni rahima jamal
labing-siyam na taong gulang
nang lagutan ng buhay
matapos alilain ni mohammad sala sultan
labis na napinsala ang ulo
namuo ang dugo sa nabasag na bungo
di malaman kung binambo ng amo
o ilang ulit na iniuntog sa semento
dahil tumangging maging kabayo.
tatlong buwan nang nasa morge
sa ospital ng saif obaidullah
sa ras al-khaimah
ang bangkay ni rahima jamal
di maiuwi sa mindanaw
maiyakap man lamang
sa kalansay ng punong kabalyero
mabenditahan man lamang
ng sampagita’t ilang-ilang
maalayan man lamang
ng galyetas at biskotso
bago ihatid sa huling hantungan
sa gubat ng amarillo’t cadena de amor
ng makahiya, kugon at damong-ligaw.
nakahimlay pa rin sa morge si rahima
mahimbing namang natutulog
ang buratserong konsul na pilipino
katalik sa pangarap ang birhen ng antipolo
sa palasyo naman ng mga indio
ngiting-aso si gloria arroyo
nilalaro sa isip pagkapit-tuko sa puwesto
sino ba si rahima jamal?
alila lamang mula sa mindanaw
di naman anak ng dugong bughaw
o apo man lamang ng “mararangal” sa gobyerno
bakit pasasakitin ang bumbunan
di man maiuwi ang kanyang bangkay?
bumulwak sana ang habag sa puso ng emir
ni sheik saqr bin mohammad al-qassimi
baka siya na lamang ang pag-asa
upang makauwi sa wakas si rahima
sa tierra pobreza.
ilan na ba ang rahima jamal
na ikinalat na parang layak
ng buhawi ng dalita’t inhustisya
nandayuhan saanmang sulok ng planeta
makatakas lamang sa bartolina
ng mga pangarap sa tierra pobreza?
nagdurugo tuloy ang utak ko
tuwing lumalangoy sa mga ugat nito
ang lahat ng rahima jamal sa mundo
nag-aalimpuyo tuloy ang sirit ng dugo
tulad nang agasang walang humpay
at mamatay si elham mahdi shuee
ang dose anyos na dalagitang yemeni
na sapilitang ipinakasal kahit bubot pa
ang katawan at puri
tatlong araw lamang, tatlong araw lamang
makaraan ang marahas na pulot-gata
sumabog ang kanyang bahay-bata
inulila ng hininga sa ospital ng hajja
mapalad si elham mahdi shuee
kaysa banyagang mga rahima jamal
di na kailangang iuwi pa sa yemen
ang parang yelo niyang bangkay
kailan naman iuuwi
ang embalsamadong mga rahima
sa tierra pobreza?