Zineulat

Sex sa School


Hindi naman lingid sa ating kaalaman na ang sex, gender at sexualidad ay normal na bahagi ng buhay ng tao, bata man o matanda. Ngunit bakit tila traumatiko para sa marami ang mabanggit man lamang ang salitang sex sa loob ng klasrum. Bakit ba hindi natin masabi-sabi o mailathala ang mga salitang “titi, puke, bayag, tinggil, suso, utong, kantot, uring” at marami pang ibang “bulgar” o “bastos” na mga salita, gayong bahagi ito ng ating katawan at bahagi ng ating kultura at kaakuhan?

Hindi naman lingid sa ating kaalaman na ang sex, gender at sexualidad ay normal na bahagi ng buhay ng tao, bata man o matanda. Ngunit bakit tila traumatiko para sa marami ang mabanggit man lamang ang salitang sex sa loob ng klasrum. Bakit ba hindi natin masabi-sabi o mailathala ang mga salitang “titi, puke, bayag, tinggil, suso, utong, kantot, uring” at marami pang ibang “bulgar” o “bastos” na mga salita, gayong bahagi ito ng ating katawan at bahagi ng ating kultura at kaakuhan? Hindi nga ba’t dahil hindi natin masabi ang naturang mga salita’y gumagamit tayo ng mga heuristikong termino tulad ng “bird” para sa titi, “flower” para sa puke, at “talik” at “siping” para sa sex (kahit na ang orihinal naman talagang kahulugan ng talik ay “sayaw” at siping ay “tabi”) upang “matukoy” pa rin ang mga “bulgar” o “bastos” na mga bahagi at aksyon ng ating katawan.

Dapat isakonteksto natin na ang ganitong reaksyon ay bunga ng pangkabuuang historikal na pagdaklot ng pyudalismo at kolonyalismong Kastila sa ating kultura, politika at ekonomiya. Itong pyudal at kolonyal na tradisyon ng “pananahimik” at “paglilihim” pagdating sa usapin ng sex ang ipinamana sa atin ng mga kolonisador na Kastila. Itinuro ng mga kolonisador na Kastila na ang pag-uusap, pagbibiro, paghihipuan, at anupamang pisikal, mental at berbal na aksiyong kakabit ng sex ay itinuturing na kasalanang may karampatang kaparusahan.

At ito pa rin ang kalakha’y pumapayungyong sa atin — ang nakapangyayari o dominanteng moralistikong kaisipan ang nagsasabi na hindi dapat isama ang “sex education” sa batayang kurikulum ng pag-aaral. Natatakot pag-usapan ang sekswal na katawan at sekswal na aktibidad ng tao sapagkat sinabi ng namana nating tradisyong kolonyal na Kastila at Katolikong Kastila na bawal pag-usapan ang sex o anumang may kinalaman sa sex. Ang dapat marahil igiit at ipamutawi ay ang usapin ng “sex education” ay hindi naman dapat tungkol lamang sa pakikipagtalik. At ito ang dapat siguruhin, laluna’t ang komon na persepsyon o pagkatakot ng mamamayan, laluna ng mga magulang, at minsan kahit ng porsiyento ng kaguruan, pagdating sa “sex education” ay baka tungkol lamang ito sa sex.

Sa usapin ng kung mayroong mabuti o masamang epekto ito sa mga mag-aaral, nararapat alalahanin na kung maayos ang batayang kurikulum at malinaw ang layunin kung bakit pinag-uusapan ang sex, gender at sexualidad sa edukasyon ng kabataan, tinataya na mas makapagbibigay kaalaman ito sa estudyante tungkol sa mga batayang responsibilidad sa usapin ng sex, gender at sexualidad. Madalas kong sabihin sa aking mga klase na “With great sex comes great responsibility!” Nangangahulugan kasi ito na anumang usaping sexual ay dapat tinatalakay nang may kaakibat na responsibilidad at kahandaan, laluna sa bahagi ng nagtuturo. Mas maaga mong maibukas sa isip ng mamamayan ang usapin ng sex, gender at sexualidad, mas maaga siyang magiging aware na dapat responsable ang tao sa kaniyang sariling katawan at sexualidad at sa katawan at sexualidad ng ibang miyembro ng lipunan.

Dapat ay magkaroon ng seminar maging ang mga guro, administrador at magulang upang matiyak na ang paghawak at pagturo ng sex education ay responsable at politically correct. Ibig kong sabihin rito ay dapat tingnan na maging ang mga guro, administrador at magulang ay kailangang mapalawig ang isipan at damdamin tungkol sa nosyon ng pag-aaral tungkol sa sex, gender at sexualidad, laluna kung ang pinagtuturuang eskwelahan o ang pinagmulang kaisipan o kultura ay sarado konserbatibo. May tatanggap at mayroong hindi tatanggap. Pero ang mahalaga’y magkaroon ng malawak na pagpapaliwanag sa lahat ng sektor. Isang bagong komprehensibong edukasyon ang kailangan.

May magugulat at hindi tatanggap habang mayroon namang susubukan ito at titingnan kung ano ba ang magiging epekto sa kanilang mga estudyante at anak. Pero sa pangkabuuan, panahon na para tiyak na mailahok ito sa kurikulum, ngunit kailangang tiyakin na ang usapin ng sex, gender at sexualidad ay hindi pasibo, moralistiko, pyudal, atrasado, patriarkal at elitista. Dapat ito ay mapagpalaya, bukas sa iba’t ibang uri ng sexualidad, inuunawa ang iba’t ibang kultural at politikal na usapin pagdating sa sex education.

Sa panahon ngayon na mayroong “democratization of sex” o “demokratisasyon ng sex” sa pamamagitan ng mga makabagong teknolohiya at lunsaran tulad ng internet at cellphones, nararapat na maging mas masigasig ang pamahalaan, ang mga mamamayan at ang buong sektor ng edukasyon sa pagtalakay ng sex, gender at sexualidad. Sa sobrang palasak at kalakha’y iresponsable ng pagpresenta ng konsepto ng sex sa telebisyon, diyaryo, internet, mga elektronikong gaheto (gadget) at iba pa, nararapat na may matino, politically correct at mapagpalayang “sex education” na nakapaloob sa batayang kurikulum ng edukasyon, upang makatulong sa pagbaklas ng pyudal at reaksyunaryong paggigiit ng iilang dominante sa bansa.