99 kalamidad tumama sa bansa sa unang bahagi ng taon
Hindi pa man ganap na dumarating ang panahon ng mga bagyo, umabot na sa 99 na kalamidad, natural man o gawa ng tao, ang tumama sa bansa, mula Enero hanggang Hunyo ngayong taon. Ayon sa Citizens’ Disaster Response Center (CDRC), umabot sa 579,540 pamilya o 3,405,707 Pilipino ang naapektuhan ng mga kalamidad na ito. Sa […]

Hindi pa man ganap na dumarating ang panahon ng mga bagyo, umabot na sa 99 na kalamidad, natural man o gawa ng tao, ang tumama sa bansa, mula Enero hanggang Hunyo ngayong taon.
Ayon sa Citizens’ Disaster Response Center (CDRC), umabot sa 579,540 pamilya o 3,405,707 Pilipino ang naapektuhan ng mga kalamidad na ito.
Sa 99 kalamidad, 20 ang may kaugnayan sa panahon. Kabilang sa mga kalamidad na dulot ng panahon ang patguyot at baha, at ito rin ang nagdudulot ng pinakamaraming bilang ng mga taong apektado.
Umabot sa 79 naman ang gawa ng tao, kabilang ang sunog, na nagdulot ng 41 kaso ng pagkamatay.
Paliwanag ni Lourdes Louella Escandor, executive director ng CDRC, mas maliit ang bilang na ito kumpara sa noong nakaraang taon. Gayunman, hindi dapat maging kampante ang mga mamamayan.
“Umaasa pa tayo ng mas maraming bagyo, baha at landslides sa susunod na mga buwan,” ani Escandor.
Sinabi pa ni Escandor na kailangng ihanda ng mga komunidad, laluna ng maralitang mga komunidad, ang kakayahang mabawasan ang bulnerablidad nila sa kalamindad.
Mahalaga umano ang paghahanda at kooperasyon ng buong komunidad para mabawasan ang mga bulnerabilidad.
Pinangungunahan ng CDRC ang promosyon ng community-based disaster management sa bansa, sa pamamagitan ng pambansnag network nito ng mga rehiyunal na mga sentro at organisasyong masa.
Noong nakaraang taon, nang salantain ng Bagyong Ondoy at Pepeng ang bansa, isa ang naturang organisasyon sa mga nanguna sa pagtugon sa kagyat na pangangailangan ng mga apektadong komunidad, kabilang ang pamamahagi ng relief at rehabilitasyon.