Taumbayan, sinisi ni Marcos Jr. sa pagbaha
Mas may pananagutan ang administrasyong Marcos Jr. dahil sa mga palpak na flood control projects at pagkunsinti sa mga proyektong mapangwasak ng kalikasan.
Sinisi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang taumbayan sa malawakang pagbaha na dulot ng habagat at Bagyong Carina noong Hul. 24, dalawang araw matapos niyang ibida sa State of the Nation Address ang 5,500 flood control project na “matagumpay” aniyang naipagawa ng administrasyon.
Ayon kay Marcos Jr., “napakaraming flood control projects” ng gobyerno pero pumalpak dahil sa pagkakalat ng basura ng mamamayan.
“Sana matuto na ‘yong tao, huwag naman kayong nagtatapon ng basura,” sabi ni Marcos Jr. nang bisitahin ang mga nasalanta sa Valenzuela at Navotas noong Hul. 26.
Pero walang naramdamang “matagumpay” na flood control project ang mga taga-Baseco sa Port Area, Maynila. Mahigit 1,100 ang napilitang lumikas mula sa mga nasalantang kabahayan sa baybayin ng Manila Bay.
“Hindi namin alam kung totoo ba ‘yon. Wala pa namang nayari [na proyekto] dito. Mabagal ‘yong trabaho nila kaya pagdating ng ganitong sakuna, naapektuhan dito,” sabi ni Atillano Flotina, nasalantang residente ng Baseco.
Marami aniyang nalubog na kabahayan nang tumaas ang tubig at alon dahil hindi natapos ang ginagawang flood control project sa kanilang barangay.
“Pinalakihan daw nila ‘yong gutter para ‘yong alon hindi na makahampas dito. Kaso, dapat ginawa nila ‘yan [noong tag-init], hindi ganitong tag-ulan, tagbagyo. Tingnan mo ngayon andaming nasira dito,” ani Flotina.
Ibinalik naman ng Kilusang Mayo Uno (KMU) ang sisi kay Marcos Jr. dahil ang administrasyon nito ang tunay anilang nagpalala ng pinsala sa mamamayan at bansa.
“Habang tayo, nakakaranas ng pinsala dulot ng kalamidad, papogi ang inaatupag ni Marcos Jr. Nagpa-meeting at nagpa-picture na namimigay ng ayuda habang itinatanggi ang katotohanan na hindi itinutuon ang napakalaking pondo sa pagdaragdag ng personnel at pagpapataas ng kakayahan sa disaster response, recovery at rehabilitation,” sabi ni Jerome Adonis, secretary general ng KMU.
Umabot na sa 36 ang namatay dahil sa ulan at bahang dulot ng habagat at Bagyong Carina. Nasa 4.5 milyong indibidwal ang nasalanta habang 794,000 ang nawalan ng bahay, batay sa huling tala ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Isinailalim sa State of Calamity ang buong NCR at mga probinsya ng Bataan, Bulacan, Pampanga, Cavite at Batangas, gayundin ang mga bayan ng Cainta, San Mateo at Rodriguez (Montalban) sa Rizal at Baco at Pinamalayan sa Oriental Mindoro.
Nasaan ang pondo?
Hindi totoong kasalanan ng mamamayan o kalikasan ang pagbaha. Ayon sa mga siyentista ng Advocates of Science and Technology for the People (Agham), pangunahing may pananagutan sa sakuna ang administrasyon ni Marcos Jr. dahil sa mahina nitong programa sa disaster risk reduction and management at palpak na flood control projects na batbat din ng korupsiyon.
Sa suri ng grupo, umapaw ang mga ilog at estero sa NCR dahil sa dami ng ibinuhos na ulan ng habagat at Bagyong Carina. Napakalaki rin ng mga humampas na alon dahil sa hanging habagat sa mga baybayin ng Maynila, Bulacan at Cavite na maaaring nagpatindi ng baha.
Pero kahit gumastos ng daan-daang bilyong piso para sa mga proyekto na nakadisenyo dapat para sa pinakamatinding lagay ng panahon, hindi pa rin napigilan ang pagbaha.
“Saan napunta ang bilyong pondo?” tanong ng Agham.
Panglima sa may pinakamalaking pondo sa 2024 National Budget ang flood control projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH). Si Marcos Jr. mismo ang nagtulak para mabigyan ng P255 bilyon ang mga proyekto noong 2023.
Gumastos ng P208.55 bilyon ang gobyerno para sa ibinidang flood control projects noong SONA, kabilang ang inutang na P12.13 bilyon para sa Metro Manila Flood Management Project. Sinimulan ito noon pang 2017 sa pangakong ayusin ang 36 lumang pumping stations at magtayo ng 20 pang bago. Tinutukan rin nito ang sistema ng pagkolekta at pagtatapon ng basura para mabawasan ang napupunta sa mga daang-tubig.
Sabi ng Metro Manila Development Authority (MMDA), “operational” ang lahat ng 71 pumping stations nito sa NCR, pero hindi kinaya ang matinding buhos ng ulan. Hanggang 30mm kada oras lang ang kayang saluhin ng mga ito, habang 74mm kada oras naman ang bumagsak na ulan.
“Hindi naman masisi ‘yon na kasalanan ng tao kasi may pera naman ang gobyerno. Kung ikinilos nila ‘yon hindi inilagay sa bulsa, sigurado maiiwasan, mapaghandaan nila [ang kalamidad]. Tulad niyang mga kanal, kung lagi lang may naglilinis, hindi naman mababara ‘yan. May mga tao naman ‘yan, may mga pondo naman. Nand’yan ang DPWH at MMDA, kung inaayos nila ‘yong mga imburnal, mga daluyan ng tubig, hindi magbabara ‘yan,” sabi naman ni Flotina.
Ayon sa Agham, kailangan ding isaalang-alang ang panlipunan at pangkalikasang aspekto na nagpatindi ng epekto ng baha, lalo na’t dalawang taon nang pinakamataas ang Pilipinas sa World Risk Index, talaan ng mga bansa na higit na nanganganib sa mga kalamidad at sakuna.
Reklamasyon
Lumikas mula sa aplaya ng Baseco si Rita Diaz nang malubog ang bahay nila dahil sa malalaking alon. Hindi aniya sila ang dapat sisihin kundi ang naghakot ng buhangin na dapat sana’y sumasalag sa mga alon.
“Bakit naman kasalanan ng tao? Baka kasalanan no’ng matataas na tao kasi nagpapahakot sila ng buhangin. Kasi ‘yong dapat na haharang [sa alon],” aniya.
Kuwento naman ni Flotina, dati na silang nakakaranas ng bagyo pero hindi ganito katindi ang naging pagbaha.
“Hindi namin alam kung dahil ba ‘yan sa ginagawang pagbuhos ng buhangin, pangtambak diyan sa MOA (Mall of Asia),” aniya.
Para sa Kalikasan People’s Network for the Environment, nagpalala ng baha ang kaliwa’t kanang proyektong reklamasyon sa mahigit 47,000 ektaryang baybayin ng Manila Bay. Pinakamalaki ang proyekto ng San Miguel Corporation na 2,500 ektaryang airport sa Taliptip sa bayan ng Bulakan, Bulacan.
Sabi ni Jonila Castro, advocacy officer ng Kalikasan at tagapagsalita ng AKAP KA Manila Bay, winawasak ng reklamasyon ang natural na pansalag sa baha, storm surge at coastal erosion kaya lalong bulnerable ang mga lungsod sa palibot ng Manila Bay.
Isa rin sa pinakamalaking proyektong reklamasyon ang 318 ektaryang Manila Waterfront City Development Project ng pamilya ni Sen. Sherwin Gatchalian, kasosyo ang malalaking negosyanteng Chinese.
Pinasuspinde na ni Marcos Jr. ang 22 proyektong reklamasyon sa Manila Bay noong Agosto 2023, kasunod ng matinding pagbaha sa Bulacan at Pampanga dahil sa mga bagyong Egay at Falcon.
Pero sa pagmo-monitor ng grupong Pamalakaya Pilipinas, nagpatuloy ang operasyon ng mga ito sa Cavite, Pasay, Bulacan at Bataan. Dalawang bagong proyekto rin ang inaprubahan pa ng Philippine Reclamation Authority sa Bacoor at Navotas.
Kalbong gubat
Itinuturo ring dahilan ng matinding pagbaha ang pagkakalbo sa Upper Marikina River Watershed (UMRW) dahil sa quarrying, pagmimina at mga hydropower project sa kagubatang bahagi ng Sierra Madre sa Rizal.
Ayon sa Agham, nasa 19 na proyektong minahan ang may operasyon sa 3,622 ektaryang kagubatan ng Rizal.
Nakaapekto rin sa watershed ang konstruksiyon ng Kaliwa-Kanan Dam at pagpapalawak ng Wawa Dam. Ayon sa grupo, winawasak ng dalawang hydropower project ang mga ilog at nagpapatindi ng pagbaha sa mga mababang lugar.
Mas malala rin ang pinsala ng baha dahil sa pagtatayo ng mga housing project ng gobyerno sa mga bahaing lugar.
“Kasalanan ito ng gobyernong nagpapakabulag sa pera. Kaya kahit masira ang mga kabundukan para sa minahan ay pinapayagan nila. Pinutol ang mga puno dahil sa illegal logging kaya matindi ang landslide,” sabi ni Mimi Doringo, secretary general ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay).
Para kay Dr. Susan Balingit ng Citizen’s Disaster Response Center (CDRC), dapat kaakibat ng paghahanda sa kalamidad ang pangangalaga sa kalikasan at pagtitiyak ng kabuhayan at pabahay ng mamamayan.
“Ang matinding pagbaha at laganap na landslides ay bunga ng walang-habas na pagwasak sa kalikasan. Pinalala pa ang epekto ng bagyo ng kawalan ng programang pabahay at pangkabuhayan para sa mga mahihirap at bulnerableng sektor,” aniya.
Pananagutan ni Marcos Jr.
Sa pagsusuri ng Agham, ang tunay na dahilan ng malawakang pagbaha sa kasagsagan ng habagat at Bagyong Carina ay ang nagsama-samang masamang epekto ng palpak at kinurakot na flood control projects at ng mga mapanirang proyektong reklamasyon sa Manila at quarrying at pagmimina sa Sierra Madre na inaprubahan ng gobyerno.
Nakalbo ang kagubatan at natambakan ng burak ang mga ilog dahil sa quarrying at malakihang pagmimina, na nagpalala sa pinsala ng baha. Ginulo naman ng mga proyektong reklamasyon ang natural na daloy ng tubig-baha sa mga baybaying rehiyon, na nakahadlang sa natural na paglabas ng tubig sa dagat.
Sa suri ng mga siyentista, may malinaw na pananagutan ang gobyernong Marcos Jr. sa pagkamatay, pagkawasak at paghihirap ng mamamayan sa nagdaang sakuna ng baha.
“Kung gusto talaga nating mabuhay sa isang climate-ready, malusog, at ligtas na kapaligiran, dapat panagutin natin ang mga lider at gobyerno para sa tumitinding sakuna na kinakaharap natin. Sa pangmatagalan, dapat makibaka ang mamamayan para magkaroon ng isang gobyernong responsible at may pananagutan, hindi gaya ng mayroon tayo ngayon na naninisi sa mga biktima para sa sakunang baha na siya naman ang may kasalanan,” sabi ng Agham.
Nanawagan naman ang KMU sa mamamayan na sama-samang kumilos at magtulungan para makabagon mula sa sakuna at panagutin ang mga tunay na may sala sa pagdurusa ng mamamayan.
“Sa panahong ito ng pagsubok, hinihikayat namin ang sambayanang Pilipino na sama-samang singilin at panagutin ang administrasyon ni Marcos Jr. Magkaisa tayong tahakin ang landas ng tunay na pagbabago, kung saan walang buhay ang mawawala dahil sa kapabayaan ng gobyerno,” sabi ni Adonis. /May ulat mula kay Jackylyn Sadje