AFP, naglunsad ng malawakang opensiba vs NPA sa Mindanao
Gamit ang 105mm Howitzer cannons at mga eroplanong paniktik at pambomba, naglunsad ang apat na dibisyon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ng isang malawakang opensibang militar laban sa mga New People’s Army (NPA) sa limang rehiyon sa Mindanao kung saan may presensiya ang mga rebelde. Sa isang pahayag noong Agosto 13, sinabi ni […]

Gamit ang 105mm Howitzer cannons at mga eroplanong paniktik at pambomba, naglunsad ang apat na dibisyon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ng isang malawakang opensibang militar laban sa mga New People’s Army (NPA) sa limang rehiyon sa Mindanao kung saan may presensiya ang mga rebelde.
Sa isang pahayag noong Agosto 13, sinabi ni Jorge “Ka Oris” Madlos, tagapagsalita ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP)- Mindanao, na 30 sa 40 batalyon ng AFP na nakadeploy sa isla ang ngayo’y walang humpay na sumusuyod sa pinaghihinalaang mga baseng gerilya, partikular sa Southern Mindanao.
Nagsimula ang mga operasyon bago ang inaugurasyon ni Pang. Benigno “Noynoy” Aquino III at nagpatuloy matapos ang kanyang State of the Nation Address (SONA), aniya.
“Ngayon pa lamang, lumalabas na hindi seryoso ang rehimeng Aquino sa paglutas sa ugat ng armadong tunggalian,” sabi ni Madlos.
Aniya pa, salungat ang pagpapakawala ng AFP laban sa mga rebelde sa retorika ni Aquino noong SONA na gusto niya ng kapayapaan.
Tinukoy ng lider-rebolusyonaryo na labag sa naunang mga kasunduan ng gobyerno at NDFP ang ipinapanukala ni Aquino na ceasefire bilang kondisyon sa usapang pangkapayapaan, gayundin ang pagtulak ng localized peace talks ni Ding Deles, tagapayo ng pangulo para sa usapang pagkapayapaan.
Bukod sa pagiging katumbas ng “pagsisimula sa wala,” nauna nang binatikos ng NDFP ang localized peace talks dahil kailangan umanong mapag-usapan ang mga sosyo-ekonomikong reporma sa pambansang antas. Ginamit na rin umano ng GRP at AFP ang localized peace talks noong 1987 para sa mga taktikang divide and rule gaya ng paniniktik, pang-aatake, at pagdedemoralisa ng mga rebolusyonaryong puwersa.
“Nag-a-amoy pulbura ang kanayunan dahil nananatiling bingi ang bagong pangulo sa aspirasyon ng mga mamamayan ng kapayapaang nakabatay sa hustisyang panlipunan. Sa halip, pinipili nitong sundin ang manwal ng Estados Unidos hinggil sa kontra-insurhensiya, at sundin ang payo ng kanyang AFP chief of staff na si Gen. Ricardo David na nangangarap durugin ang NPA sa loob ng tatlong taon,” sabi ni Madlos.
Nanawagan ang NDFP-Mindanao sa mga mamamayang Pilipino na maging kritikal sa gobyernong Aquino.
Umano’y isa pa rin itong “reaksiyunaryo, pasista, at papet na rehimen na nakatuon sa ibayong pagbubuwis sa mga mamamayan at pagprotekta sa interes ng malalaking panginoong maylupa na kinabibilangan ng kanyang angkan, malalaking negosyanteng komprador, at kanyang imperyalistang among US.”
Basahin ang kaugnay na istorya: