Malaya nga ba ang Cinemalaya sa pagtanggi ni Robbie Tan sa lahok ni Mario O’Hara?

September 21, 2010

Nagdiwang ang mga alagad ng sining nang itatag ng Cultural Center of the Philippines at ng Cinemalaya Foundation ang Cinemalaya Independent Film Festival.

Ang mga tagalikha ng pelikula, maikli man o pagtatampok na may naratibong bumubuo ng isang regular na pelikulang may haba ng mahigit sa isang oras, ay natuwa dahil may kakandili na sa kanila.

Na totoo naman.

Bagamat may mga sumusulpot na mga pagtatanong at paghahamon paminsan-minsan tulad ng naganap kamakailan sa pagitan nina Mario O’Hara, isang beteranong tagagawa ng aninong gumagalaw at Robbie Tan, ang pinuno ng Monitoring Department ng Cinemalaya at prodyuer ng Seiko Films.

Ano nga ba ang nangyari?

***

Ang una’y batay sa balita ng peryodistang pampelikula na si Dennis Adobas.

Ayon kay Dennis, napag-alaman niya kay Mario na tinanggihan ni Robbie ang nakalaang lahok ng premyadong direktor sa ika-2011 Cinemalaya Independent Film Festival.

Ang proyekto ni O’Hara na isusumite niya sa 2011 Cinemalaya ay ang kuwento ni Garbiela Silang na isang babaing mandirigma na ipinaghiganti ang kamatayan ng kanyang asawang rebolusyonaryo sa kamay ng mga Kastila.

“Henerala” ang titulo ng istorya ni Mario at marami ang nanabik sa panibagong obrang historikal na gawa ng mahusay na filmmaker.

Hindi nga ba’t noong nakaraang Hulyo ay nakasama, napili at pinarangalan ng Cinemalaya ang obra ni O’Hara na “Ang Paglilitis ni Andres Bonifacio” na base sa buhay at pakikipagsapalaran ni Andres Bonifacio?

***

Gayunman, sa panahon na isinumite ni Mario ang kanyang proyekto ay sa loob ng palugit ng pagsasali ng mga nagtatangka sa 2011 Cinemalaya.

Nang makita nga namin siya mga ilang araw bago ang unang deadline ng timpalak noong bago mag-ika-30 ng Agosto, 2010 ay sinabi naming malapit na ang patay-guhit at papatak ng Lunes, Araw ng mga Bayani, walang pasok.

“Doon naman sa upisina ni Robbie Tan sa may Examiner Street ibinibigay ‘yong entries, e,” tugon ni O’Hara.

May tanggapin si Tan sa may Quezon Avenue at ayon kay Mario, doon niya dadalhin ang kanyang isasali.

Hindi na namin nakita si Mario sa loob ng panahong ‘yon hanggang magpasya ang CCP at Cinemalaya na magdugtong ng mga araw sa palugit ng pagtanggap ng lahok kaya naging September 7, 2010 ang pinal na deadline.

At sa mga panahong din ito napag-alaman ni Adobas na hinindian ni Tan ang entry ni O’Hara.

***

Noon namang unang araw ng pagtatanghal ng “American Hwangap” na dula na tinampukan nina Mario at Gina Pareño sa Little Theater o Taghalang Aurelio Tolentino ng Cultural Center of the Philippines, nakausap namin nang masinsinan at eksklusibo si O’Hara.

September 10, 2010 ‘yon.

Ayon sa kanya, tinanggihan talaga ni Robbie ang kanyang isasaling entry na “Henerala.”

“Sabi ni Robbie, huwag na lang daw munang historical film ang i-submit ko. Non-historical film na lang daw. ‘Yong parang mga ‘Insiang’ daw.

“Kasi, sabi ni Robbie, pang-international film festival daw ang tinatarget ng Cinemalaya na mga materials. Pero sabi ko, gusto ko talaga ang ‘Henerala’ dahil gusto kong mapanood ito ng mga estudyante para malinawa tayo sa ating kasaysayan,” kuwento ni Mario sa eksklusibong panayam na kaharap si Adobas at ang isa pang peryodistang pampelikula na si William Reyes.

Pero hindi ba’t ang kasong nangyaring ito ay parang prior restraint na walang puwang sa isang malaya at demokratikong lipunan na may espasyo sa Pilipinas?

Gayunman, kung nanamnamin ang sinabi ng kritiko at kasapi ng respetadong Manunuri ng Pelikulang Pilipino na si Lito Zulueta na nais din ng mga lahok sa Cinemalaya na maitinda nang maige at epektibo ang mga pelikula para tangkilikin at panoorin ng mas nakararaming Filipino dahil ang pelikula ay para sa masang Filipino.

***

Nang sulatin namin ang piyesang ito tungkol sa pagtanggi ni Robbie sa lahok ni Mario, nagpadala sa amin ng liham ang premyado ring direktor na si Laurice Guillen na siya ring Competition Director ng Cinemalaya.

Inililinaw ni Laurice ang buong pangyayari sa umano’y pagtanggi ni Tan sa lahok ni O’Hara.

Narito ang kumpleto at buung-buong sulat ni Guillen sa amin:

      Dear Mr. Villasanta,
Mario O'Hara's entry has not been rejected. The Screening Committee for 2010 has just received the entries for the Cinemalaya 2011 competition. As you know, members of the Screening Committee for the full-length features will read through all the entries encoded (names of proponents withheld) and deliberate on the semi-finalists on Sept. 30, 2010. Except for the Competition Secretary who encodes the entries, no one, including myself, knows who submitted until after the deliberations for the semi-finals. Therefore none of the committee is aware that Mr. O'Hara had intentions of joining the competition this year.
      No individual, not even myself as chair of the competition, can single-handedly decide on which of the entries will officially make it to the finals.
                       *** 
Mr. Tan was consulted by Mr. O'Hara privately
on the possibility of submitting another historical film. Mr. Tan suggested he should try this time submitting a non-historical film like Insiang, but that the choice was entirely up to him.
      Last year, Mr. O'Hara was also informed that he could submit up to 3 entries, but he was only interested in submitting Paglilitis ni Andres Bonifacio.
      Mario O'Hara is a major filmmaker and it is always an honor for Cinemalaya to receive his entry.
      I hope this serves to clarify any misunderstanding.
      Truly yours,
      LAURICE GUILLEN
      Chairperson

CINEMALAYA COMPETITION

***

Paninikil nga ba ito ng kalayaan at karapatan ng isang alagad ng sining na maibulalas ang kanyang mga opinyon at pagpili ng materyal na kanyang tatalakayin sa kanyang obra?

Ano ang mga komplikasyon at implikasyon ng desisyong ito?

Mungkahi nga ba ito o pagdidikta?