Pagpapatuloy ng impeachment laban sa Ombudsman ikinatuwa ng Bayan

September 29, 2010

Ombudsman Merceditas Gutierrez (mula sa www.ombudsman.gov.ph)

Ombudsman Merceditas Gutierrez (mula sa www.ombudsman.gov.ph)

Binati ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) ang House Justice Committee sa desisyon nitong ipagpatuloy ang proseso ng impeachment laban kay Ombudsman Merceditas Gutierrez. Ayon sa grupo, nararapat lamang igiit ng Kamara ang kapangyarihan nito lalo na’t halata namang walang ginagawa ang Ombudsman kundi iantala o pahinain ang proseso ng impeachment.

Ang desisyon ng komite ay isang magandang hakbang lalo na sa mga matagal nang naghahanap ng pananagutan sa mga opisyal ng gobyerno, pahayag ng Bayan.

Sa matagal na panahon, ang proseso ng impeachment ang naging pinakamailap na arena para sa mga mamamayang nagnanais na mapanagot ang mga opisyal ng gobyerno. Pinuri pa ng Bayan ang kasalukuyang komite dahil sa pagtugon nito sa panawagan ng publiko.

Nanindigan pa ang Bayan na wala sa panahon ang paglapit ng Ombudsman sa Korte Suprema dahil katatapos lamang ng komite sa pagdetermina sa anyo at nilalaman ng mga reklamo, at sisimulan pa lamang nito ang pagresolba sa mga batayan ng impeachment.

Naniniwala rin ang grupo na walang batas na nalabag kahit pa dalawa o higit pa ang mga reklamo sa isang proseso ng impeachment. Isa umanong makitid at maling interpretasyon ng batas ang paniniwalang isa lamang ang pwedeng isampang impeachment complaint sa laban sa isang opisyal sa loob isang taon.