Paggawa: Sahod, trabaho’t karapatan, ipinagkakait pa rin


Tatlong buwan pa lang na nakaupo sa puwesto ang gobyernong Aquino, pero humarap na sa matinding dagok ang mga manggagawa ng ilan sa malalaking kompanya sa bansa. Dulot ito ng pananatili ng mga patakaran na umiiral panahon pa ng nagdaang mga presidente. Ilan sa mga signipikanteng isyu sa sektor ng paggawa sa loob ng 100 […]

100-daysTatlong buwan pa lang na nakaupo sa puwesto ang gobyernong Aquino, pero humarap na sa matinding dagok ang mga manggagawa ng ilan sa malalaking kompanya sa bansa. Dulot ito ng pananatili ng mga patakaran na umiiral panahon pa ng nagdaang mga presidente.

Ilan sa mga signipikanteng isyu sa sektor ng paggawa sa loob ng 100 daang araw ng panunungkulan ni Aquino ang protesta ng mga manggagawa sa Philippine Airlines (PAL) laban sa spin-off at outsourcing. Gayundin, bagamat hindi iniere ang balita hinggil sa malawakang tanggalan ng mga tagapaghatid ng balita sa higanteng estasyong ABS-CBN-2, nilabanan ng mga manggagawa ng nasabing estasyon ang di makatwirang kontraktuwalisasyon na naging sanhi ng nasabing tanggalan.

Nariyan pa rin ang isyu hinggil sa kawalan ng trabaho at kabuhayan na nagdudulot ng matinding kahirapan, at higit sa lahat ang patuloy na panawagan ng mga manggagawa para sa mataas na sahod.

Hindi rin naresolba ng kasalukuyang administrasyon ni Aquino and pamamaslang sa mga mganggagawa at aktibista. Bagkus, nagpapatuloy ang terorismo sa kilusang paggawa.

Kawalan ng kabuhayan

Nitong nakaraang buwan, naglabas ang National Statistics office (NSO) nag datos ng pagtaas ng employment rate kumpara noong mga nakaraang taon.

Sinasaad dito ang pagtaas ng bilang ng may trabahong mamamayan. Ayon sa estadistika, bumaba nang 400,000 ang walang trabahong Pilipino na nagtala ng 2.7 milyon mula sa 3.2 milyon noong Abril.

Batay sa Labor Force Survey (LFS) ng NSO, ang unemployment rate ay bumaba sa 6.9 porsiyento noong Hulyo mula sa 8 porsyento noong Abril.

Kaagad namang kinontra ito ng Kilusang Mayo Uno (KMU). Wala umanong pinagkaiba ang gobyerno ni Aquino sa nakaraang gobyerno ni Arroyo ganitong pag-aaral. Parehas na “magic trick” umano ang paraan ng sarbey kung saan hindi kasama sa mga unemployed ang mga taong nawawalan na ng pag- asang maghanapbuhay.

Noong Abril 2005 sa parehas na paraan ng sarbey, bumaba ang unemployment rate mula 12 porsiyento sa mahigit 8 porsiyento na lamang. Ayon sa KMU, bumaba ito hindi dahil nakapagbigay ng sapat na trabaho ang administrasyon noon ni Arroyo, kundi dahil manipulado ang nasabing sarbey. Pinapatunayan lamang umano nito na sa halip na bigyan ng seryosong solusyon ang problema hinggil sa kakulangan ng hanapbuhay sa bansa, mas pinili ng kasalakuyang administrasyon na maglabas ng maling larawan ng kalagayan ng mga mamamayan.

Batay sa pag-aaral ng grupo, kinokonsiderang “employed” ng gobyerno ang taong nagtatrabaho nang isang oras sa loob ng isang linggo ng kahit anumang tarabaho. Katulad ng nakaraang administrasyon, bumabangko umano kasalukuyang adminsitrasyon sa informal economy para masabing tumaas ang employment rate ng bansa. Kahit na ang propesyong GRO ay kinikilalang trabaho ng nasabing sarbey.

Panunupil sa kilusang paggawa

Bukod sa mga kasong hindi pagkilala sa mga unyon ng mga mangagawa sa mga malaking korporasyon at pagawaan, nagpapatuloy ang panunupil sa mga lider manggagawa ng KMU.

Sa loob ng isang araw na panunungkulan ni Aquino, hindi natapos ang panunupil sa kilusang paggawa. Nitong nakaraang buwan lamang, inakusahan ng mga kasong multiple murder, multiple frustrated murder, carnapping, at malicious mischief ng mga militar si Leo Caballero, miyembro ng pambansang konseho ng KMU at 10 iba pang lokal na mga lider manggagawa ng Bicol.

Ayon kay Elmer Labog, tagapangulo ng KMU, nararamdaman umano sa ganitong kaaga ng panunungkulan ni Aquino ang sarili nitong Martial rule. “Nangako ang pangulo na ipagpapatuloy nia ang Oplan Bantay Laya na pumaslang sa maraming kasamahan naming aktibista at sibilyan,” ani Labog.

“Malayo  sa pagiging anti-Martial Law icon si Pangulong Noynoy. Ang kanyang 100 araw na panunungkulan ay minarkahan na ito ng atake sa progresibong mga organinsasyon ng mga mamamayan,” pahayag ni Labog.