Pagmumuni-muni ni PNoy (tula)


Mula sa isang mambabasa ng Pinoy Weekly na nakakuha ng inspirasyon mula sa pagbabakasyon ni Pangulong Aquino sa asyenda

Mula sa editor: Ang sumusunod na tula ay sinulat ni John Iremil E. Teodoro, isang mambabasa ng Pinoy Weekly na nagsabing nakakuha siya ng inspirasyon matapos mabasa ang espesyal na isyu ng publikasyon hinggil sa ika-100 araw ng panunungkulan ni Pang. Benigno Aquino III.

Pagmumuni-muni ni PNoy Tungkol sa Kaniyang

Ika-isandaang Araw sa Malakanyang Habang

Nagbabakasyon sa Hacienda Luisita

Hayyy…mas at home talaga ako dito sa hasyenda.
Masyadong maliit ang bakuran ng Malakanyang.
Kakaiba talaga ang sarap ng hangin
Ng anim na libong ektaryang lupain.
Ang hirap lang nitong presidente ka,
Bukod sa isisisi sa ‘yo ang pagkamatay ng ilang dayuhan
Dahil hinostage ng desperadong pulis
Na nawalan ng trabaho at benepisyo,
Ni hindi ako makapag-date nang maayos sa MOA.
Makukunan agad ako ng litrato na kakalat sa mga diyaryo,
Telebisyon, Facebook, at Twitter.
And speaking of Twitter, buti tumigil na si Kris.
Kunsabagay, sino ba naman ang di ma-speechless
Kung nanganganib na mahati ang iyong kayamanan?
Bakit kasi di na lamang siya nagpakasal
Sa heredero ng isa ring hasyenda?
Kung di laos na artista, laos na basketbolista
Na sasaktan lang naman siya at hahawaan pa ng sakit.
Mas mabuti nga nga sana itong si James laging MVP
Kaya lang habulin ng mga bading at babae.
Hay naku, bakit ko ba naman pinuproblema si Kris?
Mas marami ang problema ng Filipinas.
Sabi nga ng iba, dapat may “Separation of State and Kris.”
Tamang-tama di nag-rate ang “Win na Win”
Kahit kada tanghaling-tapat sumasayaw ang bunso namin.
Kunsabagay, ganito talaga ang life, parang buhay.
May kaniya-kaniya tayong mga talento at sumpa.
Kaya ‘yang mga galit sa akin na nagsasabing
Walo sa sampung mga magsasaka ang walang sariling lupa
Ay sana tumahimik na lamang.
One percent lang kasi ang share of stock ko dito sa hasyenda.
Bilang presidente wala akong kapangyarihang sawatahin
Ang Kamag-anak Incorporated na may bendisyon pa
Na sikat na sikat na tanging ina kong santa.
Ano pa ba ang gusto nilang gawin ko?
Nakipag-break na nga sa akin si Shalani
Dahil wala na akong panahong makipag-date sa kaniya.
Filipino na nga ginamit ko sa aking SONA.
Pagdududahan pa ba nila ang aking pagmamahal sa bayan?
Pati nga si Barrack Obama bilib na bilib sa akin.
Sa sobrang tuwa niya nagbigay siya ng bilyones,
Maayos na ang mga kalsada sa Samar
At magiging madali ang pagkilos ng mga militar.
Di ba si Gloria nga dinedma niya?
Anong himala pa ba ang hinahanap nila?
Heto ako, anak nina Cory at Ninoy,
Kuya ni Kris, maraming-marami ang bumoto,
Matatas mag-Tagalog-based Filipino,
Binatang hasyendero na allergic sa wangwang,
At paboritong tuta ng mga Amerikano.
Sana tumahimik na sila
Para makatulog naman ako nang mahimbing
Dito sa Hacienda Luisita.
Ayokong lalong makalbo.

-JOHN IREMIL E. TEODORO
30 Oktubre 2010 Sabado
11:38 n.u. Lungsod Pasig