Opisina ng Regional Wage Board, sinugod ng mga manggagawa


Tatlong araw bago ang Araw ng Paggawa, sinugod ng mahigit 50 manggagawa ang opisina ng National Wages and Productivity Commission (NWPC) sa Maynila, bahagi ng tinagurian nilang ‘National Day of Action’ laban sa Regional Wage Boards (RWBs). “Nagngangalit kami dahil nais ng administrasyong Aquino na ikahon sa RWBs ang mga deliberasyon para sa panawagan naming […]

Piket ng mga manggagawa sa harap ng opisina ng National Wages and Productivity Commission. (Ilang-Ilang Quijano)

Tatlong araw bago ang Araw ng Paggawa, sinugod ng mahigit 50 manggagawa ang opisina ng National Wages and Productivity Commission (NWPC) sa Maynila, bahagi ng tinagurian nilang ‘National Day of Action’ laban sa Regional Wage Boards (RWBs).

“Nagngangalit kami dahil nais ng administrasyong Aquino na ikahon sa RWBs ang mga deliberasyon para sa panawagan naming dagdag-sahod. Naipakita na sa 20 taon na pag-iral ng RWBs, kakarampot na dagdag-sahod lamang ang ibinigay nito,” ayon kay Roger Soluta, pangkalahatang kalihim ng Kilusang Mayo Uno (KMU) na nanguna sa protesta.

Sa halip na idaan sa RWBs, iginigiit ng mga manggagawa ang pagsasabatas ng pambansang dagdag-sahod. (Ilang-Ilang Quijano)

Uumpisahan ng RWB ng National Capital Region sa Mayo 2 ang deliberasyon para sa petisyon para sa dagdag-sahod. Pero ayon sa KMU, naniniwala silang hindi magbibigay ang RWB ng makabuluhang dagdag-sahod.

“Parami nang parami ang mga manggagawang iginigiit ang abolisyon ng RWBs, at pagbabalik ng implementasyon ng pambansang minimum wage,” dagdag ni Soluta.

Samantala, ayon naman kay Tony Pascual, pangkalahatang kalihim ng National Federation of Labor Unions, malinaw na layunin ng mga RWB na “paghati-hatiin ang mga manggagawang Pilipino,” sa pagtatakda ng iba’t ibang sahod sa iba’t ibang rehiyon, gayong halos pareho lang naman ang cost of living.

Idinagdag pa ni Pascual na bagaman “tripartite” ang komposisyon ng RWB o kinabibilangan ng kinatawan mula sa gobyerno, mga employer, at manggagawa, sa aktuwal ito ay buong-buo na “nagsisilbi sa kapitalista,”  dahil sinusunod lamang ng gobyerno ang dikta ng mga employer at mga dilawang unyon ang kumakatawan sa mga manggagawa.

“Tayo ang lumilikha ng yaman at nagpapa-inog sa ekonomiya ng bansa, pero tayo ang naghihirap. Nasaan doon ang katarungan?” ayon sa lider-manggagawa.

Sa pagtatapos ng kilos-protesta, hinagisan ng mga miyembro ng KMU ng paint bombs ang tarpaulin na nagsasaad na “tuta ng kapitalista” at at “kontra-manggagawa” si Pang. Benigno Aquino III.

Nakakasa ang libu-libong manggagawa na lumabas sa lansangan sa Mayo 1, Araw ng Paggawa, kasama ng iba pang mga sektor na nananawagan ng dagdag-sahod at kontrol sa presyo ng mga bilihin.

Hinagisan ng mga manggagawa ng paint bombs ang tarpaulin na nagsasaad na "tuta ng kapitalista" at "kontra-manggagawa" si Pang. Benigno Aquino III. (Ilang-Ilang Quijano)