Dahil sa P9 overpricing sa langis: Opisina ng San Miguel Corp, Petron nilusob ng mga obrero


Kinondena nang mga manggagawa at maralitang lungsod ang anila’y “kakarampot na rolbak” sa mga produktong petrolyo sa pamamagitan ng pagprotesta sa harapan ng tanggapan ng San Miguel Corporation, na pag-aari ni Eduardo “Danding” Cojuangco Jr.

Nilusob ng mga manggagawa at maralita ang tanggapan ng San Miguel Corp. ni Eduardo "Danding" Cojuangco Jr., kung saan matatagpuan ang Petron Oil Corp. na napasakamay na rin ni Cojuangco.  (Macky Macaspac)
Nilusob ng mga manggagawa at maralita ang tanggapan ng San Miguel Corp. ni Eduardo "Danding" Cojuangco Jr., kung saan matatagpuan ang Petron Oil Corp. na napasakamay na rin ni Cojuangco. (Macky Macaspac)

Kinondena ng mga manggagawa at maralitang lungsod ang anila’y “kakarampot na rolbak” sa mga produktong petrolyo sa pamamagitan ng pagprotesta sa harapan ng tanggapan ng San Miguel Corporation, na pag-aari ni Eduardo “Danding” Cojuangco Jr.

Si Cojuangco, tiyuhing buo ni Pang. Benigno Aquino III at may-ari ng SMC, ay may-ari ng 68 % ng kompanyang Petron.

Ayon sa mga manggagawa sa pangunguna ng Kilusang Mayo Uno (KMU), walang totoong rolbak na nangyari kamakailan dahil “overpriced pa rin” ang mga produktong petrolyo.

“Nakakangitngit kung paano ipagmalaki ng mga kartel ng langis, sa pakikipagsabwatan na rin ng  gobyernong Aquino, ang paglobo ng kanilang mga tubo na nagmula sa paghihihirap ng mga manggagawa at sambayanang Pilipino dahil sa overpricing at tuluy-tuloy na pagtaas ng  presyo ng mga produktong petrolyo,” pahayag ng KMU.

Kamakailan, idineklara ng Petron na lumaki ang kabuuang kita nito nang 102%. Mula sa P2.97-Bilyon noong Enero, tumaas ito sa P6-B noong Hunyo ngayong taon.

Ayon sa grupo, “halos walang kuwenta” ang nakaraang rolbak sa presyo ng mga produktong petrolyo, dapat P9 ang irolbak batay sa kanilang komputasyon.

Isiigaw ng nagpoprotestang mga manggagawa sa harapan ng tanggapan ng Petron ang pagbasura sa Oil Deregulation Law. (Macky Macaspac)
Isiigaw ng nagpoprotestang mga manggagawa sa harapan ng tanggapan ng Petron ang pagbasura sa Oil Deregulation Law. (Macky Macaspac)

Sinabi  ni Elmer Labog, tagapangulo ng KMU, na “pautay-utay at napakabagal” kung magrolbak ang mga kompanya ng langis, at mabilis naman kung magtaas sa napakataas na halaga.

“’Yung rolbak na wala pa sa dalawang piso ay napakaliit at kapus na kapos kung ikukumpara sa komputasyon na P9,” ani Labog.

Idinagdag pa ni Labog na inutil umano ang Department of Energy (DOE) na awatin ang mga kompanya ng langis sa diumano’y overpricing ng mga ito.

“Kahit sinasabi nito (DOE) na P2, shortfall pa rin yung halagang ibinaba ng mga produkto ng langis dahil wala pang P2 ang ibinaba,” aniya. Inirolbak ng Petron ang presyo nito kamakailan nang P1.70 para sa diesel at P2.50 naman sa gasolina.

Sinabi pa ng KMU na mayroon daw na sabwatang nagaganap sa pagitan ng gobyerno at mga kompanya ng langis,

“Malinaw na nakikita sa San Miguel Corp. na siya ngayong mayor na nagmamay-ari sa Petron, ang sabwatan sa pagitan ng administrasyong Aquino at sa mga kartel ng langis,” ayon sa grupo

Paliwanag ng KMU, hindi umano tinalikuran ni Aquino ang interes ng kanyang pamilya sa isyu ng Hacienda Luisita, kaya’t naniniwala silang mayroong dahilan na hindi rin niya kokontrahin ang interes ng kanyang tiyuhing si Cojuangco.

Hinamon rin ni Labog ang mga  kongresista na ibasura ang Republic Act No. 8479 o ang Oil Deregulation Law na isa sa mga dahilan ng walang humpay na pagtaas ng presyo ng mga produktong langis.

“Ito ang dapat na tumbukin ng mga mambabatas, dahil sa halip na kaluwagan, lalong nagpahirap ang Oil Deregulation Law,” aniya.

Nagbanta rin ang grupo na maglulunsad sila ng malawakang kilos-protesta sa susunod na mga araw bilang pagtutol sa overpricing ng mga produktong petrolyo.