OFWs sa Hong Kong, tutol din sa budget cut sa edukasyon
Tutol din sa budget cut sa edukasyon ang mga migranteng Pilipino sa Hong Kong na nagpapaaral sa kani-kanilang mga mahal sa buhay. Ngayong araw, nagtungo sa Philippine Consulate General ang militanteng OFWs (Overseas Filipino Workers) para kondenahin ang umano’y kapabayaan ng gobyernong Aquino sa mga mamamayan dahil sa malalaking kaltas sa badyet para sa serbisyong sosyal, […]

Tutol din sa budget cut sa edukasyon ang mga migranteng Pilipino sa Hong Kong na nagpapaaral sa kani-kanilang mga mahal sa buhay.
Ngayong araw, nagtungo sa Philippine Consulate General ang militanteng OFWs (Overseas Filipino Workers) para kondenahin ang umano’y kapabayaan ng gobyernong Aquino sa mga mamamayan dahil sa malalaking kaltas sa badyet para sa serbisyong sosyal, kabilang na ang badyet para sa OFWs.
“Bilang mga OFW na bulnerable sa panganib at bilang mga magulang o kapatid na nagpapa-aral sa aming mga mahal sa buhay, isa lamang ang mensahe sa amin ng badyet ni Aquino: na kami ay mga pinabayaan at pinabibigatang mga bayani,” ani Dolores Balladares, tagapangulo ng United Filipinos in Hong Kong (Unifil-Migrante-HK) at Gabriela-HK.
Inihayag ni Balladares na nasa P30 Milyon lamang ang badyet para sa Legal Assistance Fund, habang hindi naman nakasaad kung magkano ang Assistance to Nationals sa ilalim ng badyet ng Department of Foreign Affairs.
“Kung 10 milyon ang OFWs sa buong mundo, ibig sabihin, P3 lang kada isa ang badyet ng gobyerno para sa legal assistance. Kaya naman pala marami sa amin ang hindi nakakatanggap ng tulong,” aniya.
Sinabi naman ni Rowena dela Cruz, bise-presidente ng Gabriela-HK, na suportado nila ang laban ng mga kabataan laban sa pagkaltas sa badyet sa edukasyon. Para sa 2012, may 50 State Colleges and Universities ang may budget cut na aabot sa P569.8-M.
“Bilang mga tagasuporta ng aming mga anak o kapatid na nag-aaral, ang ibig sabihin nito ay mas kakailanganin naming magpaka-alipin sa abroad dahil siguradong mangangahulugan ito ng mas mataas na tuition fee o iba pang mga bayarin,” aniya.
Nananawagan sila sa gobyernong Aquino na sa halip na kaltasan ang badyet sa serbisyong sosyal, bawasan na lamang ang badyet ng militar at pambayad sa utang panlabas.
Umano’y nakakalap na ang mga Pilipino ng 4,000 pirma kontra sa budget cuts mula sa komunidad ng OFWs sa Hong Kong.