Welga ng kabataang estudyante inilunsad
Nagdeklara ng welga ang mga mag-aaral ng Unibersidad ng Pilipinas sa Diliman, Quezon City, gayundin ang mga mag-aaral sa Polytechnic University of the Philippines, at iba pang state universities and colleges (SUCs).

Nagdeklara ng welga ang mga mag-aaral ng Unibersidad ng Pilipinas sa Diliman, Quezon City, gayundin ang mga mag-aaral sa Polytechnic University of the Philippines, at iba pang state universities and colleges (SUCs).
Sa PUP noong Setyembre 20, nag-walkout ang libu-libong estudyante mula sa kanilang mga klase. Sa UP Diliman kinabukasan, Setyembre 21, kapit-bisig ang mga estudyante, guro at maging mga dekano at opisyal ng pamantasan. Ang kanilang mensahe: Labanan ang pag-abandona umano ng gobyerno sa pagsusubsidyo nito sa pampublikong edukasyon.
Sinuportahan din ng administrasyon ni Pang. Dante Guevarra ng PUP ang kampanya ng mga estudyante para sa P2-Bilyong badyet. Ipinanukala ng administrasyong Aquino na maglaan lamang ng P735-Milyon para sa naturang pamantasan.
Sa UP Diliman, lumabas mismo ng kanilang mga opisina sina UP President Alfredo Pascual at Chancellor Caesar Saloma at nakiisa sa pagbabarikada ng University Avenue at paglulunsad ng programa at protestang fashion show sa harap ng Palma Hall.

Kalahok din sa protesta sa UP Diliman ang mga kawani ng pamantasan, ayon kay UP Staff Regent Jossel Ebesate. Aniya, apektado ng pagkaltas ng badyet ang ibang serbisyong panlipunan partikular sa serbisyong pangkalusugan ng Philippine General Hospital, na bahagi ng UP.
Apektado ang naturang pamantasan sa pagbaba ng alokasyon ng pamahalaan para sa badyet. Sa National Expenditre Program, mas mababa ang nakalaang P21.8-B na paghahatian ng 110 SUCs para sa taong 2012, kumpara sa P22.03-B na inilaan noong kasalukuyang taon. Samantala, mas mababa nang P200-M ang panukalang makuha ng UP sa susunod na taon.
Samantala, hindi lamang ang UP Diliman at PUP ang nagpahayag ng pagtutol sa budget cuts. Nagsagawa rin ng kani-kanilang aksiyon ang iba’t ibang pamantasan sa Kamaynilaan.
Kung nagpalabas ng isang fashion show ang UP Diliman, isang dodgeball tournament naman ang ginanap sa UP Manila bilang porma ng kanilang protesta sa isyu ng badyet.

Magsasagawa ang mga mag-aaral sa Philippine Normal University, Eulogio Amang Rodriguez Institute of Science and Technology, Rizal Technological University, sa pagbanggit lang ng ilan sa mga paaralan, ng mga pagkilos.
Tinaguriang “Strike Lead,” inilunsad ang serye ng mga protesta ng mga estudyante ng SUCs, kabilang ang militanteng mga organisasyon tulad ng Anakbayan, League of Filipino Students, Student Christian Movement, at Kabataan para sa Tunay na Kalayaan o Karatula. Kasama rin ang mga konseho at publikasyon ng mga mag-aaral sa pangunguna ng National Union of Students of the Philippines at College Editors’ Guild of the Philippines.
Sa Setyembre 23, plano ng mga estudyante magmartsa mula sa kanilang mga kampus patungong Mendiola, Manila, sa tarangkahan ng Malakanyang, para ihayag ang pagtutol ng SUCs sa pagkaltas ng administrasyong Aquino sa kanilang badyet.
Tunghayan ang mga larawan ng walkout at pagkilos sa UP Diliman sa susunod na pahina (Next page)
Para sa istorya hinggil sa kulminasyon ng student strike noong Setyembre 23, basahin ang artikulong ito.