‘All-out justice’ na giyera ni PNoy sa Basilan, kinontra ng grupong Moro

October 27, 2011

Mapa ng Basilan (Google Maps)

Mapa ng Basilan (Google Maps)

Ipinaalala ng isang grupong nangangalaga ng karapatan ng mga mamamayang Bangsamoro na “walang pinag-iba” ang direktiba ni Pang. Benigno Aquino III na “all-out justice” kontra sa ilang kumander ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa Basilan sa mga direktibang “all-out war” ni dating Pang. Joseph Estrada at “all-out peace” ni Gloria Macapagal-Arroyo.

Ayon sa Suara Bangsamoro, mistulang pagpapalit lamang ito ng panawagan o termino. Alinsunod pa rin ito sa “militaristang patakaran ng gobyerno sa paglutas ng suliranin sa Mindanao.”

Sinabi pa ng Suara na kahit palitan ang termino pareho pa rin ang kahihitnan nito: Magbubunsod umano ito ng inhustisya, paglabag sa karapatang pantao, pagkamatay, pagkawasak ng kabuhayan at magtutulak sa pag-atras ng usapang pangkapayapaan sa Mindanao.

“Kung tunay na ayaw ni Pangulong Aquino ng all-out war, dapat na ipakita niya ang kanyang kapangyarihan bilang Commander-in-Chief ng AFP: Iutos niya sa militar na itigil ang kasalukuyang  agresyon sa mga komunidad sa Basilan at Zamboanga Sibugay,” ani Neil Murad, pangkalahatang kalihim ng Suara.

Matapos ideklara ni Aquino na tutol siya sa all-out war at magbigay ng direktiba na all-out justice ang tugon sa pagsugpo sa ilang “elementong kriminal” sa Mindanao, lumikas naman ang aabot sa 20,000 mamamayan sa Basilan at Zamboanga Sibugay.

Ayon mismo ito sa datos ng National Disaster Risk and Reduction Management Council (NDRRMC). Lumikas ang mga sibilyan matapos ang isinagawang air strikes ng AFP.

Sinabi pa ni Murad na nakikiramay ang kanilang grupo sa pamilya ng 19 sundalong namatay sa labanan noong Oktubre 18 sa pagitan ng MILF at AFP. Pero hindi umano dapat gawing dahilan ang pagkamatay nila upang atakehin ang mga komunidad ng sibilyan sa Basilan at Zamboanga Sibugay.

“Kung hinahabol nila ang iilang elementong kriminal, bakit binobomba ang buo-buong komunidad?” pagdidiin ni Murad.

Ayon pa sa grupo, noong taong 2000, nagdulot ang “all-out war” ni Estrada sa paglikas ng 200,000 katao. Daan-daan ang ilegal na inaresto at tinortyur, at marami ang mga sibilyan namatay.

Ang “all-out peace” naman ni Arroyo, kinatampukan ng dalawang mayor na giyera laban sa MILF—noong 2003 at 2008. Nagdulot naman ito sa paglikas ng 750,000 katao.

Ayon pa sa Suara, bago pumutok ang pinakabagong kaguluhan sa naturang mga lugar, noong Abril 2011 ay aabot pa sa 125,000 katao ang nanatili sa mga ebakwasyon sa buong Mindanao.