FEATURED

Cha-cha: Sayaw na rin ni PNoy


Gaano man niya itanggi, hindi maikukubli: Pabor sa administrasyon ni Benigno Aquino III kung magkakaroon ng Charter Change (Cha-cha).

Gaano man niya itanggi, hindi maikukubli: Pabor sa administrasyon ni Benigno Aquino III kung magkakaroon ng Charter Change (Cha-cha).

Hindi maaasahang tututol si Aquino sa pagrepaso sa Saligang Batas. Panahon pa ni Pang. Fidel V. Ramos, panawagan ito ng gobyernong US at ng maraming bilang ng tradisyunal na mga pulitiko, negosyante, kumprador at iba pang maimpluwenisya’t mayayaman sa bansa; tanging malakas na kilusang masa sa lansangan lamang ang nakakapagpapigil nito.

Kung mayroon mang ipinakitang husay at listo ang mahigit isang taong sa puwestong si Aquino, ito ay ang husay at listo niya sa pagtugon sa pangangailangan ng mayayama’t makapangyarihan sa bayan.  Kung sabagay, ika nga ng sikat na beer na pag-aari ng tiyuhin ng Pangulo, iba na ang may pinagsamahan. Tulad ng katapatang ipinakita niya sa interes ng kapwa mga asendero sa isyu ng Hacienda Luisita at ang puno-ng-butas na Comprehensive Agrarian Reform Program-Extension with Reforms o Carper, malamang ay pananatilihin ni Aquino ang pagiging tapat sa interes ng kapwa mga negosyante’t kumprador.

Dahil ito ang interes na pinakaunang matutugunan ng isang Cha-cha, laluna ng isang Cha-cha na naglalayong baguhin ang bahagi ng Saligang Batas na nagpipigil sa dayuhang mga kapitalista na buung-buo (100 porisyentong) makapagmay-ari ng mga negosyo at lupain. Bonus na lamang kung makakalusot ang matagal nang pinaglalawayan ng mga pulitiko na ekstensiyon ng termino ng mga kongresista, senador at pangulo.

Atubili raw si Aquino na sumuporta sa Saligang Batas, sabi sa midya ni House Speaker Feliciano Belmonte Jr., laluna’t wala namang plano ang Pangulo na manatili sa puwesto matapos ang termino sa 2016. Kinailangan pa raw niyang siguruhin kay Aquino na iyung mga probisyong pang-ekonomiya lamang magiging pokus ng pagrepaso sa Konstitusyon.

Sa kabila ng pampublikong deklarasyon ni Aquino na di niya ipaprayoritisa ang mga panukalang Cha-cha, ibang iba ang ikinikilos ng mga kaalyado siya sa Kongreso. Linggu-linggo na ang sesyon ng House Committee on Constitutional Amendments sa Batasan at iba’t ibang probinsiya. Ayon sa ilang tagamasid, pambihira sa mga panukalang batas ang atensiyon na nakukuha ng panukalang Cha-cha sa Kamara. Samantala, kumikilos na rin ang liderato ng Senado, ang matagal-nang-nagtutulak-ng-Cha-cha na si Sen. Juan Ponce Enrile. Sa Senado at Kamara, kapwa dominante ang partido ni Aquino. Malinaw na hindi ito ang hitsura ng isang administrasyon na “atubili” sa Cha-cha.

Sinabi ng tagapangulo ng House Committee on Constitutional Amendments na si Misamis Occidental Rep. Loreto Leo Ocampos na nakapokus nga ang mga diskusyon sa mga “repormang pang-ekonomiya.” Sa pagbukas ng bansa sa dayuhang pag-aari, magagawa raw ng ekonomiya na maiangat ang Foreign Direct Investments (FDI) sa bansa. Isa raw ito sa mga kondisyon ng International Monetary Fund (IMF) at Asian Development Bank (ADB) para patuloy na kapangutang ang gobyerno sa kanila: iangat mula 14 prosiyento tungong 20 porsiyento ang FDI sa bansa.

Samantala, hayagan namang sumusuporta sa Cha-cha si Harry Thomas, embahador ng US sa Pilipinas. Sinabi rin ni Thomas na para makapasok ang bansa sa Trans-Pacific Partnership (isang free trade bloc na pinamumunuan, siyempre, ng US), kailangang amyendahan muna nito ang Saligang Batas.

Gobyernong US, lokal na mga negosyante’t komprador, panginoong maylupa at tradisyunal na mga pulitiko: Sa kanila nanggagaling ang presyur kay Aquino na itulak sa agarang panahon ang pagrepaso sa Saligang Batas. Tulad ng panahon ni Ramos, at ng sumunod na mga administrasyon nina Joseph Estrada at Gloria Arroyo, tanging malakas, maingay at malawak na kilusang protesta laban sa Cha-cha lamang ang nakakapagpapigil dito. Minsan nang nilahukan ng ina ng Pangulo na si dating pangulong Corazon Aquino ang malawak na hanay ng kontra-Cha-cha.

Kaya di-kataka-taka ang pagtanggi ni Aquino na pinaprayoritisa niya ang pagrepaso sa Saligang Batas. Gayunman, hindi niya maikukubli: pabor siya sa Cha-cha.