Manggagawa

Banat na buto, kapos na sahod


Sumasahod ng minimum wage sina Alfonso at Jason, at iba pang manggagawa ng isang pagawaan ng bakal. Pero malayung malayo ito sa pangangailangan ng kanilang pamilya.

Sinamantala ng mga manggagawa ng Pentagon na makapag-konsultahan hinggil sa mga gagawin hakbang ng kanilang unyon, habang hinhintay ang oras ng kanilang panggabing pasok.  (Macky Macaspac)
Sinamantala ng mga manggagawa na makapag-konsultahan hinggil sa mga gagawin hakbang ng kanilang unyon, habang hinhintay ang oras ng kanilang panggabing pasok. (Macky Macaspac)

Sa dulo ng pasikut-sikot na mga eskinita sa pagitan ng mga dikit-dikit na kabahayan sa Corocan, Brgy. Apolonio Samson, matatagpuan ang munting bahay ni Alfonso (di tunay na ngalan).

Sa loob nito, nakasalampak sa sahig ang pitong miyembro ng pamilya. Mahigit dalawang dipa lamang ang luwang ng bahay na hinati sa tatlong bahagi: ang sala, kusina at maliit na kuwartong natatabingan lamang ng manipis at lumang kurtina. Pinagsasaluhan ang hapunan nilang pinaghalong sardinas at itlog, at noodles.

Ito lang ang kinaya ng sahod ni Alfonso, na isang manggagawa sa isang pagawaan ng bakal.

Nagtitiis na lamang ang pamilya ni Joey Dubluis sa maliit na inuupahang bahay malapit sa isang estero.  (Macky Macaspac)
Nagtitiis na lamang ang pamilya ni Jason sa maliit na inuupahang bahay malapit sa isang estero. (Macky Macaspac)

“Kulang na kulang talaga ’yung sahod namin. Marami sa mga bilihin ang tumaas, pati gastusin dito sa loob ng bahay,” sabi ni Alfonso sa Pinoy Weekly. Lima ang kanilang anak na pawang mga lalaki. Pinakamatanda ang 19-anyos na nakatuntong lamang sa unang taon ng kolehiyo at ang pangalawa’y tumigil matapos ang hayskul. Ang natitirang tatlo, nasa hayskul at elementarya pa lamang.

Kalakahan ng sahod ni Alfonso ang napupunta sa pagkain. “Malakas sa bigas, puro kasi binata ang mga anak ko,” aniya. Sa loob ng dalawang araw, kulang ang tatlong kilong bigas na kanilang konsumo.

“Pinagkakasya na lamang namin ang sahod niya, kulang na kulang kaya nangungutang na lang kami para makapandagdag sa gastusin,” sabi naman ng kanyang asawang si Neneng.

Siyempre, hindi kaiba si Alfonso sa mga manggagawa, kahit sa pagawaan, na kinakapos ang suweldo. Hirap na hirap ding itawid ni Jason (di rin tunay na ngalan), ang pang-araw-araw na mga pangangailangan. Papaano kasi, sa kanyang pamilya, P1,500 ang napupunta sa upa, P400 sa tubig sa gripo kasama na ang inuming tubig, P700 sa kuryente at LPG na aabot sa P600. Ang natitira’y napupunta sa pagkain at iba pang gastusin ng pamilya.  “Lingguhan ang sahod namin, anim na araw ang trabaho, kaya yung P404 na sahod namin sa araw-araw, kulang,” aniya.

“Hindi naman namin buo na nakukuha ang sahod namin, dahil may kaltas pa tulad ng SSS, Pagibig at mga utang dito,” sabi ni Jason. Kumpara sa pamilya ni Alfonso, masuwerte pa kahit paano si Jason dahil maliliit pa ang kanyang dalawang anak (lima at tatlong taong gulang). Pero hindi pa rin siya ligtas kung may magkasakit sa kanyang anak. “Sa totoo lang, dalawang buwan na akong hindi nakakabayad sa upa ng bahay, nagkasakit ako ng tatlong araw tapos sumunod naman ang mga anak ko,”  sabi niya.

Gayunman, mas hikahos pa umano ang mga kapitbahay nila sa lugar. “Ako nga na regular ang trabaho, kulang na kulang pa ang sahod.  Paano na ang iba kong mga kapitbahay, yung iba kontraktuwal, yung iba  labandera, kapus ang kita,” ani Jason.

Maraming problema

Dahil sa kawalan ng protective gear sa loob ng pabrika, nawala sa porma ang mga kuko ng isang manggagawa dahil sa matagal na exposure sa mga kemikal tulad ng asido.  (Macky Macaspac)
Dahil sa kawalan ng protective gear sa loob ng pabrika, nawala sa porma ang mga kuko ng isang manggagawa dahil sa matagal na exposure sa mga kemikal tulad ng asido. (Macky Macaspac)

Patakaran sa kanilang kompanya ang “no work no pay.” Ayon kay Jason, madalas na magkasakit ang kanyang mga anak. Nakatira sila malapit sa isang estero na tinatapunan pa ng mga kemikal ng pabrikang kanyang pinapasukan.

Si Alfonso naman, napilitang pahintuin ang dalawang anak. Bukod dito, minamantine pa nila ang gamot at bitamina ng panganay na anak na mahina ang baga kaya hindi rin makapaghanap ng trabaho. “P44 kada araw ang gamot (kaya) mahirap namang umasa sa health center,” ani Neneng.

At tulad ng inaasahan, palaging lubog sa utang ang mga manggagawa. “Bukod sa pag-utang, madalas na mag-overtime ang mga manggagawa para lang madagdagan ang sahod nila. May isang manggagawa nga dito na matapos niyang mag-obertaym hanggang alas nuebe ng gabi, nagtitinda naman ito ng balut,” sabi ng nagpakilalang si Mark, isang organisador ng Kilusang Mayo Uno (KMU) sa lugar.

Sumasahod naman ng minimum wage ang mahigit 200 manggagawa ng pabrika. Pero walang seniority, kahit bumilang na ng tatlong dekada ang karamihan sa kanila na taliwas sa itinatakda ng batas.

Wala ring retirement pay at iba pang beneipisyo tulad ng hazard pay. Samantala, nasa mapanganib ang mga manggagawa sa klase ng kanilang trabaho. Nasaksihan ng Pinoy Weekly ang mga manggagawang naghihintay ng kanilang relyebo na nakasuot lamang ng t-shirt ang iba ay nakasando at naka-tsinelas lamang. “Walang protective gear sa loob ng pabrika, kung ano ang suot nang nakita mong manggagawa ganoon ang suot namin,” kuwento ng isang manggagawang ayaw pabanggit ng pangalan.

Matagal nang may unyon ang mga manggagawa, ngunit nasa liderato ng “dilawang unyon” (di-makamanggagawa) kaya naman hindi umusad ang kanilang Collective Bargaining Agreement. “Buti nga nasa tunay na unyon na kami,” ani Jason, patungkol sa pagtulong ng KMU sa kanila.

Makabuluhang dagdag-sahod, kagyat na kailangan

Inilabas kamakailan ng Social Weather Stations (SWS) ang sarbey na nagsasabi ng katotohanang ramdam na ng mga manggagawang tulad nina Antonio at Joey at alam na ng mga mamamayan: Lalong tumitindi ang kahirapan.

Sa naturang SWS sarbey noong Setyembre, aabot sa 52 porsiyento na may katumbas na 10.4 milyong pamilya ang nagsabing mahirap sila. Mas mataas ito sa 49 porsiyentong nairehistro noong Hunyo.

Ayon kay Roger Soluta, pangkalahatang kalihim ng Kilusang Mayo Uno (KMU), ipinapakita ng sarbey ang totoong kalagayan ng mga mamamayan. “Tuluy-tuloy kaming nagugutom at kailangan namin ng agarang lunas,” aniya. Mula pa noong 1998, ipinaglalaban na ng mga manggagawa ang across-the-board na karagdagang sahod na P125 kada araw. Pero patuloy itong binibigo ng nakaraan at kasalukuyang administrasyon at Kongreso.

Ayon sa KMU, malayung malayo na makatugon sa pangangailangan ng mga manggagawa ang P404 na minimun wage o mahigit P11,000, kahit isama pa ang P22 na Cost of Living Allowance. Hindi ito umaabot sa P15,000 kada buwan upang mapabilang sa mga pamilya na nasa above poverty. Dagdag pa ng KMU, kung maipapatupad ang dagdag-sahod na P125 na matagal na ring panukalang batas sa Kongreso, mabibigyan ang bawat manggagawa ng karagdagang P3,802 sa kita ng kanilang pamilya.

“Kahit hindi na sapat ang P125 legislated wage hike, makakaahon kahit paano sa hirap ang mga manggagawa at mabibigyan ng agarang lunas ang nagugutom nilang pamilya,” ani Soluta.

Sa pag-aaral ng Ibon, kung ibabatay umano sa presyuhan noong taong 2000, ang tunay na halaga ng P404 minimum wage ay P234.90 lamang. Mas mababa sa pagpasok ng administrasyong Arroyo na P258. Kailangan umano ang dagdag na P40 upang kahit paano ay maaabot sa tunay na halaga ng minimum wage noon bago pa lamang ang gobyernong Arroyo. Hindi rin nagkaroon ng makabuluhang dagdag sahod sa mga nakaraang administrasyon.

Nanawagan si Soluta at ang KMU sa mga mambabatas at kay Pangulong Aquino na bigyan prayoridad ang pagpasa sa panukalang batas na P125 wage hike.

Isa ito sa kongkretong hakbang na puwede nilang ipatupad upang maibsan ang kahirapan at kagutuman sa bansa ng mga manggagawang tulad nina Alfonso at Jason, at ng kanilang mga pamilya.