Relihiyoso, nagkaisa para ipagtanggol ang mga maralitang lungsod
Nakipagkaisa ang mga alagad ng iba’t ibang simbahang Kristyano para ipagtanggol ang karapatan sa kabuhayan at pabahay ng mga maralitang lungsod.
Nakipagkaisa ang mga alagad ng iba’t ibang simbahang Kristyano para ipagtanggol ang karapatan sa kabuhayan at pabahay ng mga maralitang lungsod.
Sa isang kumperensiyang tinaguriang “Church-Urban Poor Solidarity Conference” sa Adamson University noong Nob. 28, ipinanawagan ng mga taong simbahan mula sa Simbahang Katoliko, United Church of Christ of the Philippines (UCCP) at Iglesia Filipina Independiente (IFI) sa administrasyong Aquino na wakasan na ang polisiya nitong pagdemolis sa mga komunidad ng mga maralita sa Kamaynilaan at iba pang lungsod.
Katunayan, ayon kay Carlito Badion, tagatipon ng Alyansa Kontra Demolisyon (AKD), habang nagaganap ang kumperensiya ay may tatlong bantang demolisyon nang nagaganap, sa Quezon City pa lamang: sa BIR Road sa East Triangle, sa Brgy. San Roque sa North Triangle at sa Sityo Looban, Novaliches.
Nagpaputok ang mga pulis sa tangkang demolisyon sa BIR Road, umano’y para takutin ang mga residente rito (Basahin ang kaugnay na balita).
“Tinatanong ako, ano nga ba ang proyekto sa maralita ni Pangulong Aquino? Ang alam ko, wala. Ang alam ko, demolisyon. Relocation, pero hindi para sa benepisyo nila. Displacement,” sabi ni Rev. Homar Distajo, conference minister ng UCCP.
Sinabi pa niyang dapat na komitment ng mga alagad ng simbahan ang “magsalita para sa kanilang hindi naririnig ang boses. “Makikibaka kami kasama sila. Ito ang komitment namin sa mga maralitang lungsod,” sabi pa ni Distajo.
Dahil sa serye ng mga demolisyon sa Kamaynilaan, nanawagan si Fr. Charly Ricafort, MI, tagapangulo ng Task Force for Urban Conscientization (TFUC- Association of Major Religious Superiors of the Philippines o AMRSP), “(huwag) dapat palampasin ng pangulo ang mga nagaganagp paglabag sa karapatan ng mga maralita.”
Sinabi naman ni Fr. Joe Dizon ng Solidarity Philippines at National Clergy Discernment Group na layunin ng kumperensiya na “samahan (ang mga maralita) sa kanilang pagsusuri ng mga kasalukuyang programa ng kasalukuyang gobyerno na hindi lumulutas sa problema ng kahirapan.”
“Panahon na bigyang atensiyon ang pangangailangan ng mga mahihirap,” sabi pa ni Dizon.
Ikinatuwa naman ng mga lider-maralitang lungsod ang suporta at pakikiisang binigay ng mga taong-simbahan.
Para kay Gloria Bea Arellano ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay), malaking tulong ang pakikiisang ito ng mga taong-simbahan, dahil dagdag-boses ito sa pagkondena sa mga “polisiyang kontra-mahihirap” tulad ng tila-abuloy-lamang na Conditional Cash Transfer (CCT) ng administrasyong Aquino.
Dahil din sa posisyon ng mga taong-simbahan, pakikinggan sila ng higit na mas maraming bilang ng mga mamamayan.
Sinabi naman ni Joy Lumawod, tagapangulo ng Kadamay-NCR, na kailangan nila ang suporta ng mga taong-simbahan para labanan ang “giyera kontra sa maralita” ng administrasyong Aquino sa uri ng walang-patid na pagdemolis sa mga komunidad ng mga maralita sa Kamaynilaan.
Binatikos din ni Lumawod ang tinaguriang pondo raw ng administrasyon na P7-Bilyon para sa pabahay sa taong 2012.
“Ang badyet (na ito) sa General Appropriations Act para sa 2012 ay hindi pondo sa pabahay. Pondo po iyan sa demolisyon. Matagal po yang hindi para sa housing ang pondong ito. Kasi iyung housing projects ay hindi gobyerno (ang nagpapatakbo) kundi ng private developers. Hindi po namin tatawaging housing budget kundi demolition budget,” paliwanag pa ni Lumawod.
Sa isang pahayag sa midya, nanawagan si Badion ng AKD sa administrasyong Aquino ng isang “pambansang tigil-demolisyon.”
“Nakakpanlumo ang kawalang-aksiyon ng pambansang pamahalaan sa mga nagaganap na demolisyon ng mga kabahayan ng mga maralitang lungsod,” ayon kay Badion. “Kami na nga ang naghihirap at walang makain, kami pa ang tinatanggalan ng tirahan ng gobyerno.”