Hamon kay PNoy: Gloria, panagutin sa mga abusong militar


Sa gitna ng pagsimula ng impeachment trial kay Chief Justice Renato Corona, ipinaaalala ng mga grupong pangkarapatang pantao na kailangang mas igihan ang pagpaparusa kay dating pangulong Gloria Arroyo, laluna sa mga paglabag niya sa karapatang pantao noong pangulo pa si Arroyo.

Pang. Noynoy Aquino at dating pangulong Gloria Arroyo, noong inagurasyon sa pagkapangulo ng nauna. Hinamon ng mga grupong pangkarapatang pantao si Aquino na parusahan si Arroyo, hindi lamang dahil sa diumano'y pangungurakot, kundi pati sa mga paglabag nito sa karapatang pantao. (Boy Bagwis/PW File Photo)
Pang. Noynoy Aquino (kasama si dating pangulong Gloria Arroyo): Hinamon ng mga grupong pangkarapatang pantao na parusahan si Arroyo, hindi lamang dahil sa diumano'y pangungurakot, kundi pati sa mga paglabag nito sa karapatang pantao. (Boy Bagwis/PW File Photo)

“Wala kaming makakamit na hustisya sa kasalukuyang sistema. Sistema ng gobyerno ang nagpoprotekta sa mga akusado.”

Ito ang madiing sinabi ni Edita Burgos sa paglulunsad ng Gloria Panagutin! Movement, isang alyansang binubuo ng iba’t ibang grupo at personalidad na layuning habulin at panagutin ang dating pangulong Gloria Macapagal-Arroyo. Suportado rin ng grupo ang impeachment trial sa Senado laban sa punong mahistrado ng Korte Suprema na si Renato Corona.

Hinihinalang dinukot ng mga ahente ng militar ang anak ni Burgos na si Jonas noong Abril 28, 2007 sa Ever Gotesco Mall sa Quezon City. Idinulog nila ang kaso ni Jonas sa Korte Suprema, pero inalis pa ng huli bilang akusado sa pagdukot si Arroyo.

Sinabi ni Burgos na mahalaga ang proseso ng impeachment trial para sa mga biktima ng paglabag ng karapatang pantao tulad ng ekstra-hudisyal na pamamaslang at sapilitang pagkawala. Naniniwala umano siya na ang pagtanggal kay Corona ay isang hakbang tungo sa pagpapanagot kay Arroyo.

Panawagan ng Gloria Panagutin! Movement kay Pangulong Aquino, sampahan pa ng mas maraming kaso si Arroyo. “The resolution of the plunder cases and charges of human rights violation still pending in the courts and before the Ombudsman are long overdue,” bahagi ng unity statement ng grupo.

Sa kabila kasi ng pagsampa ng kasong graft and corruption ng Ombudsman laban kay Arroyo bunsod na rin ng maanomalyang transaksiyong NBN-ZTE, pagsampa ng kaso na may kaugnayan sa eleksiyong 2007 at ang pagpapaaalis sa mga hinihinalang protektor ni Arroyo sa hudikatura tulad ni Corona (kaugnay na artikulo), hindi sapat ang kasong naisampa ng gobyerno upang lubusang mapanagot ang dating pangulo.

Paliwanag ng grupo, sa halip na kasuhan ng plunder ang dating pangulo dahil sa ma-anomalyang NBN-ZTE, dalawang kaso ng graft and corruption ang isinampa ng Ombudsman noong Disyembre 23.  Ikinatwiran ng Ombudsman na hindi sapat ang ebidensiya upang kasuhan ng plunder ang dating pangulo. Siyempre, dismayado rito ang iba’t ibang grupo.

Sa motion for reconsideration na isinampa noong Enero 10 sa Ombudsman ng mga complainant na sina Carol Araullo, tagapangulo ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), Bayan Muna Rep. Teodoro Casiño at  Liza Maza, pangalawang tagapangulo ng Makabayan at tagapangulo ng Gabriela, sinabi nilang may mga batayang sampahan ng kasong plunder ang dating pangulo.

The testimony of Dante Madriaga alone clearly establishes the fact that money indeed changed hands during the signing of the NBN-ZTE contract. From the testimony of Madriaga, it clearly appears that he has personal knowledge of the fact that GMA received kickbacks from ZTE DURING the signing of the contract since GMA herself confirmed to him the delivery of the US$30Million,” ayon sa kanilang motion.

Ayon pa rin sa naturang mosyon, dapat na isama sa kasong plunder sina dating Unang Ginoo Jose Miguel Arroyo, dating tagapangulo ng Commission on Elections (Comelec) na si Benjamin Abalos at dating Department of Transportation and Communications  o DOTC Secretary Leandro Mendoza. Sa orihinal na reklamo, kasama sila ni Arroyo sa kasong plunder. Ayon sa grupo, kasangkot sila ni Arroyo sa pagpirma ng kontratang NBN-ZTE. Lahat sila may kinalaman sa pagbulsa diumano ni Arroyo ng $30 Milyon na suhol mula sa ZTE.

“Gaano kaseryoso ang administrasyong Aquino sa pagpapanagot kay Gloria Arroyo sa mas malalaking kaso,” tanong ni Fr. Joe Dizon, isa sa convenor ng Gloria Panagutin! Movement. Sinabi niyang dapat palakasin ng gobyerno ang mga kasong isinampa at di-tulad ng nangyaring pagpapahina sa kasong plunder.

Ganito rin ang pagtingin ng iba pang biktima ng paglabag sa karapatang pantao. Sa hiwalay na panayam kay Jigs Clamor, tagapagsalita ng grupong pangkarapatang pantao na Karapatan, dismayado ang karamihan sa mga biktima dahil halos lahat ng mga kasong kriminal na isinampa, inalis bilang akusado ang dating pangulo.

“Wala pang naisasampang kaso ang gobyernong Aquino laban kay Arroyo, hinggil sa mga paglabag sa karapatang pantao,” aniya. Tanging mga kaanak at biktima ang nagsasampa ng kaso laban sa mga kagawad, opisyal ng militar at sa dating pangulo, tulad ng kasong sibil na isinampa ng Morong 43 at United Church of Christ in the Philippines (UCCP) hinggil sa paglabag sa karapatang pantao ng nakaraang administrasyon. Mga biktima rin ang nagsampa ng kasong kriminal at admininistratibo sa tinaguriang mga “berdugo” tulad ni dating heneral Jovito Palparan Jr. at iba pang mga kagawad ng militar.

Ang kasong sibil ng Morong 43 at UCCP ay nakabinbin pa rin sa mga korte hanggang sa kasalukuyan at nananatiling pugante si Palparan sa kabila ng diumano’y malawakang manhunt at paglalagay ng isang milyong pabuya ng gobyerno.

Sinabi ni Clamor na may pagtatangka naman ang administrasyong Aquino sa pagbubuo ng Truth Commission noon na idineklara ng Korte Suprema na unconstitutional. Ngunit ayon kay Clamor, bitin ang saklaw ng Truth Commission dahil anti-corruption lamang ang saklaw nito.

Iba't ibang personalidad at grupo na nagkaisa para ilunsad ang Gloria Panagutin! Movement kamakailan. (Macky Macaspac)
Iba't ibang personalidad at grupo na nagkaisa para ilunsad ang Gloria Panagutin! Movement kamakailan. (Macky Macaspac)

Dagdag pa niya, malaki ang limitasyon ng bagong batas hinggil sa pagtortyur (Republic Act 9745 o Anti-Torture Act of 2009) dahil ayon sa batas, mga kagyat na opisyal (immediate superior) lamang ang maaaring kasuhan maliban sa direktang may mga kinalaman sa pagtortyur. “Hindi umaabot sa commander-in-chief  bilang may  command responsibility ang batas,” aniya. Gayundin, hindi pa rin naipapasa ang panukalang batas hinggil sa command responsibility na naisampa noon pang 2007 ng progresibong mga kinatawan kasama na ang namayapang si Anakpawis Rep. Crispin Beltran.

“Nakabinbin pa rin ito sa appropriate committee. Ang alam ko, sa committee on defense o kaya sa committee on justice,” ani Casiño. Samantala, sinabi rin niya na bagamat mas mahirap na usigin ang sinuman dahil sa command responsibility dahil sa kawalan ng batas hinggil dito, posible pa rin na makasuhan si Arroyo. “Mayroon nang jurisprudence, mayroon nang international conventions na puwedeng gamitin tungkol diyan,” aniya.

Dagdag pa ni Casiño, hindi na kailangang hintayin ang kaukulang batas hinggil sa command responsibility upang masampahan at mausig ang pinakamataas na opisyal ng gobyernong lumabag sa karapatang pantao.

Sinabi pa niya na dahil sa pag-usad ng naisampang kaso laban kay Palparan at sa iba pang kaso, bibigyan daw ng prayoridad ng progresibong mga kinatawan ang pagpasa sa naturang batas sa pagbubukas ng Kongreso.

Samantala sa hiwalay na mensahe sa Pinoy Weekly, sinabi ni Edre Olalia, abogadong pangkarapatang pantao at pangkalahatang kalihim ng National Union of People’s Lawyers, na kung gugustuhin ng administrasyong Aquino na habulin o kasuhan si Arroyo sa command responsibility sa mga paglabag sa karapatang pantao ng militar sa ilalim ng kanyang pamumuno, maaring panagutin siya sa pamamagitan ng mga umiiral na jurisprudence.

“May basis pa rin sa old jurisprudence. Sa post-war Kuroda vs. Jalandoni, command responsibility was applied against a commander. Sa latest jurisprudence (Noriel Rodrigues SC ruling), ibinukas ang posibilidad ng kriminal na pananagutan ni GMA as a matter of principle,” paglilinaw ni Edre.

Sa lumang SC  jurisprudence na Kuroda vs. Jalandoni noong 1949, kinatigan ng Korte Suprema ang pagsampa ng kaso sa Military Commission laban kay Shigenori Kuroda, pinakamataas na opisyal ng hukbong Hapon na nadestino sa Pilipinas. Binuo ang komisyon sa pamamagitan ng isang executive order ni dating pangulong Manuel Roxas upang litisin ang mga sundalong hapon hinggil sa kanilang pang-aabuso sa panahon ng digmaan.

Bagamat hindi napabilang si Arroyo sa inirekomendang kasuhan sa Noriel Rodriguez ruling dahil sa kawalan ng ebidensiya, inilagay pa rin siya bilang respondent na may posibilidad na mapanagot batay sa command responsibility. “In the particular case of Noriel, it was not applied for lack of allegation and/or proof that she knew about the violation,” wika pa ni Olalia.

Thus, in the case at bar, the Court of Appeals, in its Decision [71] found respondents in G.R. No. 191805 – with the exception of Calog, Palacpac or Harry – to be accountable for the violations of Rodriguez’s right to life, liberty and security committed by the 17th Infantry Battalion, 5th Infantry Division of the Philippine Army. [72]The Court of Appeals dismissed the petition with respect to former President Arroyo on account of her presidential immunity from suit. Rodriguez contends, though, that she should remain a respondent in this case to enable the courts to determine whether she is responsible or accountable therefor. In this regard, it must be clarified that the Court of Appeals’ rationale for dropping her from the list of respondents no longer stands since her presidential immunity is limited only to her incumbency,” bahagi ng desisyon ng Korte Suprema.

Idinagdag pa ni Olalia na kahit sa internasyunal na mga batas, maaaring saklawin si Arroyo kung maagap na nasampahan ng kaso ang dating pangulo. “Sa International law, saklaw sana siya sa International Criminal Court o ICC, pero wala itong retroactive effect kaya lusot siya. Unless may special international tribunal that will be formed, which is unlikely,” dagdag ni Olalia.

Ayon pa kay Olalia, sa panahon ngayon, lumalabas na mas malakas ang kasong graft at plunder laban kay Arroyo.  “Unfortunately, itong mga graft and plunder cases ang mas malakas kaysa sa human rights violations, kaya dapat habulin pa rin ang Hello Garci, PCSO and other cases,” aniya.

Pagdating sa command responsibility ni Arroyo hinggil sa mga paglabag sa karapatang pantao, ang pagpaparusa kay Palparan ang nakikitang may malinaw na may tunguhin.  “Realisticaly, mas mapapanagot natin si Palparan as her poster boy sa Cadapan-Empeno and Raymond Manalo cases,” ani Olalia.

Pero hindi ibig sabihing hindi na dapat managot si Arroyo sa mga abusong militar noong panahon niya sa poder.