Pluma at Papel

Makulimlim Ang Aking Enero


enero ko’y makulimlim / puso’y inaambon ng sagimsim / ayaw manlisik ang mga bituin / sa gabi ng dahas at lagim

enero ko’y makulimlim
puso’y inaambon ng sagimsim
ayaw manlisik ang mga bituin
sa gabi ng dahas at lagim
di magkulay-ginto ang mga bukirin
balumbon ng ulap
sa mata ng araw
laging nakapiring
di ko naririnig ang daing ng tagak
o biglang pag-iyak ng uwak
walang kumikislot na pugo at tikling
sa kasukalang laging naglulunoy
mata ng panimdim
maging maya-kapra’t malikot na pipit
sa sanga ng mangga’y di kumakandirit.

makulimlim ang aking enero
nagliliwaliw ang amihan
sa nagsisimulang manilaw na damuhan
tumatakas ang mga dahon
sa bisig ng punong kabalyero
at nangaluluoy mga bulaklak
sa hardin ng mga pangarap
di ko maunawaan yaring panagimpan
mga daliri’y waring ginalyusan
at di maitipa sa mga teklado
ng antigong piyano
o maikalbit kaya sa mga bagting
ng gitarang laon nang nahimbing
paano ngayon tutugtugin
dumarambang mga nota
ng marahas na musika ng pakikibaka
para sa pinakasisintang la tierra pobreza?

enero ko’y makulimlim
nagliliparan man langkay-langkay
ng mga langay-langayan
sa abuhing papawirin
di maaninag ng paningin
puno’t dulo ng mithiin
ni ayaw umalab ang dugo sa ugat
ni ayaw lumiyab himagsik ng utak
gayong lupain ko ng dalita’t dusa
nililinlang lamang pinaglalaruan
ng magkakauring gahaman sa yaman
itinatanghal tagisan ng dangal
ipinipinta sa mata ng bayan
karangalan nila ay di nadungisan
ni isa mang kudlit ng katiwalian.

makulimlim ang aking enero
ngunit pasasaan ba’t yayakapin din ako
ng init-liwanag ng abril at mayo
muling babangon sa karimlan
humimlay na mga anino
sa nangulubot kong noo
tulad ng mga punglong sumingasing
sa kasukalan ng dilim
maglalagos din maningning
na sikat ng araw
mga palaso iyong tutudla’t babaon
sa baluti ng huwad na dangal at layon
ng mga diyus-diyosan ng lipunan
ng mapang-aliping panahon
kung malaon, oo, kung malaon
di na makulimlim
at di na abuhin
ang aking enero!