Presyo ng langis, nagtaas na naman sa gitna ng ‘Noynoying’


Nagdeklara ng dagdag-presyo sa mga produktong petrolyo ang ilang kompanya ng langis ngayong araw. Ito ay matapos hindi magtaas ng presyo ng langis noong nakaraang linggo, sa gitna ng malawakang Protestang Bayan laban sa pagtaas ng presyo ng langis. Epektibo kaninang 12:01 ng madaling araw, nagtaas ang Shell sa presyo ng unleaded at premium gas ng 70 […]

'Noynoying' pinauso bilang porma ng protesta sa Protestang Bayan vs. oil price hikes noong Marso 15 (PW File Photo/Pher Pasion)

Nagdeklara ng dagdag-presyo sa mga produktong petrolyo ang ilang kompanya ng langis ngayong araw. Ito ay matapos hindi magtaas ng presyo ng langis noong nakaraang linggo, sa gitna ng malawakang Protestang Bayan laban sa pagtaas ng presyo ng langis.

Epektibo kaninang 12:01 ng madaling araw, nagtaas ang Shell sa presyo ng unleaded at premium gas ng 70 sentimo kada litro, habang 60 sentimo ang itinaas sa presyo ng kada litro ng kerosene (gaas) at regular gas.

Sumunod ang Petron, Total at Chevron kaninang alas- 6 n.u. Nagtaas ng 70 sentimos ang presyo ng premium gas ng Chevron at Petron, habang 60 sentimos kada litro naman ang itinaas ng presyo ng diesel.

Sa pamumuno ng Koalisyon ng Progresibong Manggagawa at Mamamayan (KPMM) at Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), binatikos ng iba’t ibang sektor ang “pagiging bingi at bulag” ng gobyernong Aquino sa panawagan ng publiko na ibaba ang presyong petrolyo sa pamamagitan ng pagsugpo sa overpricing ng oil cartel, pagsuspinde sa Value-Added Tax ( VAT) sa langis, at pagbabasura sa Oil Deregulation Law.

Sa Protestang Bayan noong Marso 15, inilarawan ng grupong Anakbayan ang kawalan ng aksiyon ng gobyernong Aquino bilang “Noynoying.” Ang “pagtunganga sa panahon na dapat mayroon nang ginagawa” ay tinuligsa ng mga kabataan bilang gawi ni Pangulong Aquino sa gitna ng mga pagtataas ng presyo ng langis, bilihin at matrikula.

Poster ng Anakbayan na nagtuturo sa kabataan kung paano gamitin ang 'Noynoying' bilang porma ng protesta.

Ang “Noynoying” bilang meme sa internet ay mabilis ngayong lumalaganap sa pamamagitan ng Twitter at Facebook, mula sa inisyal na panawagan ng Anakbayan na magsagawa ng sariling “Noynoying” at i-post ang litrato ng mga ito sa social networking sites.

Samantala, isinantabi ng Malacanang ang protesta bilang “malikhain, pero walang epekto.”

Ngunit ani Vencer Crisostomo ng Anakbayan, “Nagtaas na naman ng presyo ng langis. Ano na, Noynoy?”

Heto ang ilang halimbawa ng “Noynoying”: