Kapirasong Kritika

Sikolohiya at Seksismo


Sa ngayon, alam na ng marami ang kasong sexual harassment na isinampa ni Cristy Ramos, anak ni dating Pang. Fidel V. Ramos at match commissioner ng FIFA, laban sa dalawang manlalaro ng Azkals. Aniya, nagsasagawa siya ng “team check” sa dugout ng koponan ng football nang mangyari ang insidente. Ang manlalarong si Lexton Moy, humirit daw tungkol sa size ng bra niya, at nagtawanan ang mga manlalaro. Si Angel Guirado naman, hinarap siya nang naka-brief, parang nanunubok at hindi nagtakip.

Sa ngayon, alam na ng marami ang kasong sexual harassment na isinampa ni Cristy Ramos, anak ni dating Pang. Fidel V. Ramos at match commissioner ng FIFA, laban sa dalawang manlalaro ng Azkals. Aniya, nagsasagawa siya ng “team check” sa dugout ng koponan ng football nang mangyari ang insidente. Ang manlalarong si Lexton Moy, humirit daw tungkol sa size ng bra niya, at nagtawanan ang mga manlalaro. Si Angel Guirado naman, hinarap siya nang naka-brief, parang nanunubok at hindi nagtakip.

Ilang araw pagkatapos pumutok ang eskandalo, lumabas ang balita: “Welfare chief suggests psychiatric exams for Azkals.” Ang tinutukoy, syempre pa, ay si Sek. Corazon “Dinky” Soliman ng Department of Social Welfare and Development. Halu-halo ang panukala niya sa Azkals: pumailalim sa ebalwasyong psychiatric at sikolohikal, unawaing iba ang kultura ng Pilipinas sa kinalakhan nila, magkaroon ng pag-aaral sa pagpapahalaga (values education). Kailangan daw maganda ang asal ng mga iniidolo.

Ano ang lumalabas sa mga pahayag ni Soliman, sadya man o hindi? Na ang seksismong ipinakita umano ng mga Azkals ay isang anomalya, hindi pangkaraniwan – na may problema sila sa pag-iisip o pagpapahalaga at ang lipunan natin ay hindi seksista. Itinuturing niyang sakit ang ipinakita umano ng mga Azkals, pero kinokordonan niya ito, para hindi makitang nananalaytay ito sa buong lipunan. Ang mga Azkals lang ang may problema, hindi ang ating lipunan. Dapat silang gamutin, hindi ang ating lipunan.

Pero hindi abnormal kundi normal, hindi anomalya kundi karaniwan, ang seksismong ipinakita ng mga Azkals. May katotohanan ang pahayag ng team manager ng Azkals na si Dan Palami, na humihingi na ng paumanhin ay nagdadahilan pa: “Sa personal kong karanasan sa karaniwang nagaganap sa locker room ng mga lalake, nagdudulot ang tensyon, excitement, at nerbyosong enerhiya bago ang laban ng sangkatutak na maingay na yabangan.” Pwede raw talagang mapagkamalang “kawalang-respeto” ang ganito.

Hindi ito pag-abswelto sa mga Azkals. Dapat silang managot sa ginawa nila, at kahanga-hanga si Ramos sa pagsasampa at pagpupursige ng kaso laban sa sikat na koponan. Pero maraming tanong ang sinasagkaan ng banat ni Soliman. Ito lang ba ang kaso na ang babae ay awtomatikong itinuring na humihingi ng atensyong sekswal? Na ang babae, na sa kasong ito’y nasa awtoridad, ay “inilugar” ng kalalakihan? Paano ang sexual harassment sa kababaihan sa mga call centers, mga export-processing zones, at iba pa?

Sosyal-demokratiko ang pulitika ni Soliman, na umaasa sa indibidwal na pagbabago ng ugali at pagpapahalaga para sa pagbabagong panlipunan. Sa kasong ito, itinuturing niyang pribado – isinasapribado, pribatisasyon? – ang isang suliraning panlipunan. Tugma rito ang galaw ng neoliberalismo na tinukoy ni Mark Fisher, progresibong blogger na Ingles. “Ang tanong,” aniya, “ay hindi na ‘paano ka nagkasakit dahil sa trabaho?’ kundi ‘ano’ng mayroon ka at hindi mo nagawa nang tama ang trabaho mo?’”

Nasa saklaw ng normal para sa kalalakihan ang inasal ng mga Azkals. Kaya higit sa kanila, ang nangangailangan ng psychiatric exams ay ang ating buong lipunan.

08 Marso 2012