FEATURED

Wakasan ang pasikat


Habang pasikat ang Malakanyang sa pagpapatalsik sa kabanggang Punong Mahistrado, tahimik nitong inilalatag ang mga kondisyon ng lalong pagpapahirap sa atin.

Habang pasikat ang Malakanyang sa pagpapatalsik sa kabanggang Punong Mahistrado, tahimik nitong inilalatag ang mga kondisyon ng lalong pagpapahirap sa atin.

Araw-araw nitong huling buwan, sa telebisyon, radyo, pahayagan at internet, nakapokus ang atensiyon ng midya sa impeachment trial ng Punong Mahistrado ng bansa na si Renato Corona. Pero tila walang gaanong interes ang masa, dahil malayo sa bituka nila ang impeachment ni Corona.

Ang sabi ng mga komentarista’t brodkaster, makasaysayan daw ang nagaganap na impeachment trial. Pero may ibang makasaysayang pangyayari na mas ramdam natin. Makasaysayan ang kahirapang dinaranas natin. Ang antas ng kagutuman, tindi ng pagsasamantala sa karamihan ng iilan, ay walang kaparis sa kasaysayan. Halos dalawang dekada nang napapako ang sahod ng mga manggagawa samantalang linggu-linggo ang taas-presyo, ng langis, ng mga serbisyo, ng mga bilihin. Dumarami ang walang trabaho, nagugutom, nasasadlak sa desperadong mga sitwasyon.

Sa kabila ng pasikat ng Palasyo, halata na bangayan lang ng mga makakapangyarihan ang impeachment.

Malinaw na bumigwas si Corona kay Pangulong Aquino nang itulak nito ang pagdesisyon pabor sa pamamahagi ng lupa sa mga manggagawang bukid ng Hacienda Luisita. Tama lamang ang desisyong ito, pero siyempre may sariling motibo ang Punong Mahistrado at Korte Suprema at isa na diyan ang pagtatanggol kay Arroyo. Kung kaya gumanti si Aquino, sa pamamagitan ng impeachment. Isang paraan lang para ipresyur ni Aquino si Corona na bumigay sa gusto ng Malakanyang, o kaya’y magbitiw na, para buong makontrol ni Aquino ang mataas na korte, at mabaliktad ang naunang desisyon sa Hacienda Luista na kontra sa kaanak ng Pangulo.

Sa pagdesisyon kontra kay Aquino at sa angkan niya, mandi’y pumanig si Corona sa mga aping sektor tulad ng mga manggagawang bukid ng Luisita. Sa ganitong bangayan ay may pakinabang ang masa. Pansamantala lamang ito, at hindi nangangailangan ng pag-atras sa pagpapanagot sa tiwaling Punong Mahistrado, o, laluna, kay Arroyo.

Pero dahil tanghalan lamang ng labanan  nina Aquino at Corona ang impeachment, siguradong limitado lang ang ganansiya natin dito. Samantala, sa pagsadlak sa atin sa ibayong paghihirap at gutom, lalong nabibigyang-liwanag ang katangian ng pagsasamantala sa karamihan ng mga kauri nina Aquino at Corona, at mga dayuhan. Dito, mas krusyal ang paglaban ng masa.

Nakikita, halimbawa, sa walang-tigil na taas-presyo ng langis ang tumitinding pagsasamantala ng iilan sa ating karamihan. Ito ang kongkretong manipestasyon na kinokontrol ng nagsasabwatang mga kompanya ng langis kung magkano ang ibabayad natin sa langis. Inutil ang gobyerno sa pagkontrol sa sobra-sobrang presyo o overpricing sa mga produktong petrolyo.

Sa harap ng linggu-linggong taas-presyo, pagkakataon na para magkaisa ang mga mamamayan para ipuwersa si Aquino na kontrolin ang presyo ng langis. Kung sa proseso’y kailangang ibasura ang Oil Deregulation Law, kailangan niyang gawin ito. Pero sa ngayon, di pa natitinag ang Palasyo sa isyu ng langis.

Abala ngayon ang Palasyo sa pagtugis kay Corona. Samantala, may iba pa itong pinagkakaabalahan: ang pakikipagkasundo sa gobyerno ng Estados Unidos para sa mas matinding presensiyang militar ng huli sa bansa. Inilatag kamakailan ni US Pres. Barack Obama ang plano ng US na paigtingin ang presensiyang militar sa Asya-Pasipiko. Panakot ng US ito sa bansang Tsina, na may lumalakas na negosyo sa iba’t ibang bansa sa Asya.

Malinaw na para sa interes ng gobyernong US ang presensiyang militar nito sa Pilipinas. Ngayong kailangan ng US ng maraming bagsakan ng mga sobrang produkto dahil sa tindi ng krisis sa ekonomiya nito, mahalagang maagaw nito sa Tsina ang mga merkado sa Asya. At sunud-sunuran lamang ang administrasyong Aquino sa enggrandeng planong ito ng US.  Ito pa ang pangunahing tagapagtambol ng US sa Asya-Pasipiko.

Kailangang maiuugnay ang tumitinding interbensiyong militar ng US sa pang-araw-araw na paghihirap nating sambayanan. Karugtong lamang ang interbensiyong ito ng matagal nang ipinapataw ng US na mga polisiyang neoliberal sa bansa, tulad ng deregulasyon ng langis, at pagsasapribado ng mga serbisyo-publiko. Ang mga polisiyang ito ang nagtutulak ng ibayong pagtaas ng presyo ng langis, pagtaas ng presyo ng mga bilihin, pagkamkam (nagkakamkam) sa mga lupain sa kanayunan, pagkakait ng mga serbisyong dapat iginagawad sa publiko. Dagdag pa rito ang banta sa seguridad ng bansa na dala ng kasundaluhan ng US.

Malinaw na pasikat lang ni Aquino ang ipinamumukhang pagkontra nito sa korupsiyon. Pasikat ito sa paglaban kay Corona, habang di pa rin napaparusahan si Arroyo sa mas matitinding kasalanan nito sa bayan, habang nagpapaka-inutil ito sa pagsirit ng presyo ng langis at mga bilihin, habang nakikipagkutsaba ito sa US para sa lalong pandarambong ng imperyalismo sa bansa.

Pasikat ang Malakanyang habang lalo tayo nitong pinahihirapan. Pero kung may matututunan man ang masa sa kasaysayan, ito ay may hangganan ang pasakit. May panahong magkakaisa tayong mayorya ng sambayanan, at wawakasan ang pagsasamantala ng mga pasikat.