Sa pagtatapos ng Balikatan: ‘Abuso sa kababaihan, laganap sa ‘R&R’ ng tropang Kano’
Sa mga bar, sa mga gimikan, sa mga lugar kung saan ginaganap ang R&R (rest & recreation) ng tropang Kano matapos ang Balikatan: Magbabantay sila.

Sa mga bar, sa mga gimikan, sa mga lugar kung saan ginaganap ang R&R (rest & recreation) ng tropang Kano matapos ang Balikatan: Magbabantay sila.
Ito ang sinabi ni Joms Salvador, pangalawang pangkalahatang kalihim ng militanteng organisasyon ng kababaihan na Gabriela, sa pagtatapos ng ehersiysong militar na Balikatan sa pagitan ng humigit-kumulang 4,000 tropang Kano at Pilipino.
Tuwing magtatapos ng Balikatan, naglalaan ng ilang araw ang iba’t ibang kalahok na yunit-militar ng Balikatan para sa R&R ng mga tropang Kano.
Sa karanasan sa mga lugar palibot ng baseng militar ng US hanggang 1991 at sa nakaraang mga Balikatan, kadalasang nauuwi ito sa pagsasamantala at pandarahas sa kababaihan, ayon sa Gabriela.
“Hindi isang palaruan ang Pilipinas para pagdausan ng war games. At lalong hindi laruan ang ating kababaihan para gawin nilang parausan,” sabi ni Salvador.


“Mahaba ang rekord ng karahasan ng militarista at may-kaisipang superyor na militar ng US. Sa Pilipinas man o sa Okinawa, sa Iraq o saan man naroroon sila para magbase, manggyera o magdaos ng military exercises, parausan ang tingin nila sa kababaihan at mga bata. Nararapat lang silang palayasin dahil sa kanilang panggagahasa sa kababaihan at sa ating soberanya at patrimonya,” sabi pa ni Salvador.
Paliwanag niya, magbabantay ang iba’t ibang tsapter ng Gabriela sa mga rehiyon kung saan ginanap ang Balikatan para pagbantayan umano ang mga tropang Kano.
“Hinding hindi natin dapat palusutin ang mga kabuktutan ng mga sundalong Amerikano. Sila’y tila mga bisitang ayaw na ngang umalis ay sumasalakay pa ng pang-aabuso sa ating kababaihan,” pagtatapos ni Salvador.