Kape Ko’y Walang Krema Ni Asukal
kape ko’y walang krema ni asukal / maitim tulad ng gabing / humahalik makapal na ulap / sa mata ng gaplatong buwan

kape ko’y walang krema ni asukal
maitim tulad ng gabing
humahalik makapal na ulap
sa mata ng gaplatong buwan
mapait tulad ng lugaming buhay
ng mga nilikhang namahay
namuhay sa ilalim ng tulay
yumakap-nangarap
sa mabahong tiyan at balikat
ng gumagapang na tripa de gallina
ng nakalupasay na canal de la reina
at naglilingkisang mga eskinita.
maitim ang gabi
tulad ng aking kape
sa mga kalyehon ng kalunsuran
sa mga kariton at barungbarong
sa tabi ng mga basurahan
sa mga parkeng himlayan
ng mga pagal na katawan
maitim ang gabi
sa gilid-gilid ng dalampasigan
habang binabayo ng mga alon
pusod ng lungsod ng karalitaan.
mapait ang buhay
tulad ng kape kong walang asukal
sa labi ng batang mapintog ang tiyan
kahit hangin lang ang laman
sa susong natigang-naluoy
ng inang laging nagdarasal
sa bibig na puno ng ngitngit
ng amang laman ay nilamon
ng grasa’t makina sa mga pabrika
at dugo’y nilagok ng lupang di kanya
upang maging ginto mga kabukiran
at maging asukal ang laksang tubuhan.
kailan tatamis itong aking kape?
kailan pupusyaw ang itim na kulay?
kailan magtatalik ang krema at tubig?
oo, kape ko’y walang krema ni asukal
simpait ng buhay
ng mga nilikhang ibinayubay
sa krus ng luha ng dalita’t lumbay
oo, kape ko’y dinikdik na apdo ang pait
tamis ay sinaid ng mga gahaman
krema’y sinuso ng mga dayuhan
ngunit huwag magulumihanan
sa lipunang pinaghaharian
ng iilang imbing diyus-diyosan
mga galit na anino’y laging naglalamay
maglalagablab din sigang sinindihan
sa dibdib ng kanayunan
sa puklo ng kalunsuran
ng la tierra pobrezang pinakamamahal
at, sa wakas, kape nati’y magkakaasukal
linamnam ng krema ay malalasahan
magiging singtamis ng pulut-pukyutan!