Pluma at Papel

Di Ako Naiinip


di ako naiinip / hanggang sumisikdo ang puso / hanggang kumikiwal ang dugo

di ako naiinip
hanggang sumisikdo ang puso
hanggang kumikiwal ang dugo

pumanaw man ang mga dekada
ng pakikipagkawit-bisig sa masa
di tatakas matingkad na alaala
ng namaalam na mukha ng mga kasama
ng nagsipag-alay ng buhay at pagsinta
sa lugaming la tierra pobreza

di ako naiinip
hanggang kumukulo ang sentido
hanggang pumipiglas ang kamao

bawat araw ay dinidilig ng pag-asa
sa lagunlong ng mga protesta
laban sa naghaharing inhustisya
nagsasayaw sa telon ng mga mata
eksena ng marahas na pelikula
luwalhati’y hinahabi ng musika

di ako naiinip
hanggang humihihip ang habagat at amihan
hanggang nagkukulay-ginto ang palayan

naniniwala akong magbabanyuhay din ang lahat
maglumot man mga batong-buhay sa mga ilog
magbitak man mga burol at kapatagan
kumutan man ng dusa’t dilim ang kabundukan
hagupitin man ng daluyong ang kaparangan
natuyong mga dahon ay magluluntian

di ako naiinip
hanggang sumasagitsit kidlat sa kalawakan
hanggang dumadagundong alon sa dalampasigan

oo, mga kasama’t kaibigan
huwag mainip
ipagpatuloy ang pagtahak
sa mabatong daan
huwag mainip
di lalaging malamlam ang buwan
di mananatiling walang bituin
sa magdamag na karimlan
huwag mainip
mahahalikan din mithiing maningning
hanggang umaalingawngaw
himno ng mga tungayaw
hanggang di maibilanggo
sa yungib ng bungo
singasing ng mga punglo
di ako naiinip
huwag kayong mainip
nagkikindatan mga alitaptap
sa mahalimuyak na daan
ng laya’t katubusang
nais nating makamtam
papailanlang din sa hangin
kalansing ng nilagot
na mga tanikala
ng pagkaalipin!