Pambansang Isyu

Pagpayag kay GMA na makapagpiyansa, binatikos ng mga progresibo


Biglaang nagpiket ang mga miyembro ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) sa harap ng Veterans Memorial Medical Center sa Quezon City para ihayag ang disgusto nila sa pagpayag ng Pasay Regional Trial Court na makapagpiyansa si dating pangulong Gloria Macapagal Arroyo. Kasalukuyang nasa hospital arrest si Arroyo sa kasong electoral sabotage. “Kinokondena namin ang paggawad ng […]

Piket ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) sa VMMC matapos ianunsiyong makakapagpiyansa na si Arroyo sa Pasay RTC. (Arnold Padilla)
Piket ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) sa VMMC matapos ianunsiyong makakapagpiyansa na si Arroyo sa Pasay RTC. (Arnold Padilla)
Piket ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) sa VMMC matapos ianunsiyong makakapagpiyansa na si Arroyo sa Pasay RTC. (Arnold Padilla)

Biglaang nagpiket ang mga miyembro ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) sa harap ng Veterans Memorial Medical Center sa Quezon City para ihayag ang disgusto nila sa pagpayag ng Pasay Regional Trial Court na makapagpiyansa si dating pangulong Gloria Macapagal Arroyo.

Kasalukuyang nasa hospital arrest si Arroyo sa kasong electoral sabotage.

“Kinokondena namin ang paggawad ng piyansa kay Arroyo, ang kriminal na utak ng pandaraya sa eleksiyon noong 2007, at kahit na ang eleksiyon bago nito. Nagpupuyos kami sa debelopment na ito, pero di kami nagtataka,” sabi ni Renato Reyes Jr., pangkalahatang kalihim ng Bayan.

Sinabi naman ni Joms Salvador, pangalawang pangkalahatang kalihim ng Gabriela, na mistulang pinayagan ni Aquino si Arroyo na makalaya.

“Ipinagmamalaki ni Aquino ang pagsunod daw ng kanyang administrasyon sa due process pero hindi  siya kailanman nagpakita ng political will para itaguyod ang interes ng mamamayan sa pamamagitan ng pagtugis kay Arroyo hanggang maparusahan siya sa ginawa niyang pandarambong, pandaraya sa eleksiyon at matinding paglabag sa karapatang pantao,” ani Salvador.

Para naman kay Elmer Labog, tagapangulo ng Kilusang Mayo Uno (KMU), walang ibang dapat sisihin sa pagpapalaya kay Arroyo kundi si Aquino.

“Sa kabila ng pagpapanggap nitong nagpapanagot kay Arroyo, wala itong mapagpasyang hakbang para ma-convict at tuluyang makalaboso si Arroyo. Hindi pa ito nagsasampa ng kaso kaugnay ng malalaking krimen at anomalya ni Arroyo. Nagtagal pa bago ito nagsampa ng kaso laban kay Arroyo at kaliwa’t kanan naman ang special treatment na ibinigay rito,” pahayag ni Labog.

Sinabi rin ni Labog na habang patuloy ang detensiyon ng mga bilanggong pulitikal sa iba’t ibang kulungan ng gobyerno sa buong bansa, madali naman nitong pinalaya ang dating pangulo.

“Dapat palayain ang mga bilanggong pulitikal dahil wala silang krimen sa mga manggagawa at sambayanan. Higit pa diyan, naglilingkod sila sa mga manggagawa at sambayanan. Dapat i-convict at ikulong si Arroyo, dahil sa napakarami niyang krimen sa mga manggagawa at sambayanan,” sabi pa ng lider-obrero.

Para naman kay Anakpawis Rep. Rafael Mariano, dapat managot si Aquino kung tuluyang malusutan ni Arroyo ang kaso laban sa kanya.

“Nasaan ang hustisya sa sistemang ito na pumapayag na makatakas ang isang mandarambong, kriminal at korap na dating presidente? Tila naghintay muna ang Malakanyang na matapos ang SONA (State of the Nation Address) bago palayain si Arroyo mula sa hospital arrest,” ani Mariano.

Minadali ang kaso

Sinabi ni Reyes na mukhang ito na ang resulta ng pagmamadali sa isinampang laban kay Arroyo noong Nobyembre 2011 para pigilan ang pag-alis sa bansa ng dating pangulo.

“Walang duda na dapat managot si GMA para sa electoral sabotage noong 2007. Pero kailangang ipaliwanag ng gobyerno ni Aquino kung bakit lumalabas na mahina ang kasong minadali nitong isampa sa Pasay RTC, na siyang nagbigay-daan sa pagpiyansa ni GMA,” sabi pa ni Reyes.

Para kay Labog, lumalabas na nagsampa lamang ang administrasyong Aquino ng kaso laban kay Arroyo para pigilan si Arroyo na makalabas ng bansa noong Nobyembre 2011 at hindi para mapanagot ang dating pangulo sa maraming krimen nito sa bansa.

Paliwanag ng Bayan, lumipas na ang 500 araw sa opisina bago minadali ng administrasyong Aquino na magsampa ng kaso laban kay Arroyo.

“Ipinapakita ng pagpayag kay GMA na magpiyansa na may pangangailangang magsampa ng marami pang mga kaso, mas malalakas na mga kaso, laban sa dating pangulo; mula sa electoral fraud noong 2004, paglabag sa karapatang pantao at iba pang kaso ng pandarambong. Ito lang ang paraan para mapanagot siya,” paliwanag pa ni Reyes.

Sinabi naman ni Labog na ipinagmamalaki pa ni Aquino sa State of the Nation Address niya noong Hulyo 23, ipinapanagot daw niya si Arroyo.

“Pinalabas niyang pagpapanagot kay Arroyo, hindi pagkontrol ng mga Cojuangco-Aquino sa Hacienda Luisita, ang dahilan kung bakit pinatalsik si Chief Justice Renato Corona. Magaganap ang paglaya ni Arroyo sa panahong kumpleto ang kontrol ni Aquino sa gobyerno,” paliwanag pa ni Labog.

Sa kasalukuyan, nagsampa na ang militanteng mga grupo ng mga kaso laban kay Arroyo, pero di pa ito naaaksiyunan ng mga korte at ng mga tagausig ng administrasyon.

Kabilang sa mga isinampa nila ang mga kaso kay Arroyo kaugnay ng NBN-ZTE scam, anomalya sa Philippine Charity Sweepstakes Office, at iba’t ibang kaso ng paglabag sa karapatang pantao tulad ng pag-aresto at tortyur sa mga manggagawang pangkalusugan na tinaguriang “Morong 43.”