Sa Cinemalaya at sa pangkalahatang indie filmmaking, mapagpalaya nga ba?
Nagbukas at nagwakas na ang ika-8 Cinemalaya Independent Film Festival ng Cinemalaya Foundation at Cultural Center of the Philippines sa mga sinehan ng CCP at sa Greenbelt at Trinoma at nasilayan at naramdaman na naman ng buong kapuluan ang mga adhikain ng malayang paggawa ng pelikula o sa wikang Ingles ay tinatawag na independent […]
Nagbukas at nagwakas na ang ika-8 Cinemalaya Independent Film Festival ng Cinemalaya Foundation at Cultural Center of the Philippines sa mga sinehan ng CCP at sa Greenbelt at Trinoma at nasilayan at naramdaman na naman ng buong kapuluan ang mga adhikain ng malayang paggawa ng pelikula o sa wikang Ingles ay tinatawag na independent o indie filmmaking.
Sa pangkalahatan, talagang malayang pagpapahayag ng mga saloobin at paksa ang nangingibabaw sa kilusang ito ng paggawa ng pelikula sa showbiz.
Pero talagang may mga produktong pangkultura pa rin sa hanay ng mga indie filmmaking na pamburgis pa rin at hindi naman talaga nagtataguyod ng kapakanan ng mas nakararaming mamamayan ng lipunang ito.
Gayunman, ang pelikula ay palaruan ng mga ideya at hanggat lohikal at may batayang malayang sining ay sige na nga’t subaybayan ang paglago at pag-usad ng mga kamalayan ng mga indie filmmaker lalo na ng mga kabataang sektor na atat na atat, pasyonata at masigasig sa paglalahad ng kanilang pananaw gamit ang sining at komersyo ng pelikula.
***
Nakakaintriga at may butil ng katotohanan ang sinabi ng dating kasapi ng prestihiyosong Manunuri ng Pelikulang Pilipino, ang alagad ng sining, kritiko at manunulat na si Justino Dormiendo, kilala rin sa tawag na Gino Dormiendo: “Masisipag ang mga bagong filmmaker. Pero may kulang pa. Maraming mga pelikula ang kulang sa maturity. Sa unang tingin, sasabihin mo, okay. Pero pag pinag-aralan mong mabuti, kulang pa. Kasi, karamihan sa kanila, mga thirty years lang o mas bata kaya hindi pa sapat sa karanasan.”
Kaya ‘yon nga, pulos parang personal ang pagtingin sa pelikula.
Kung mapupuna, kapos pa sa matinding bisyon sa papel na ginagampanan ng pelikula sa pagbabago ng lipunan tungo sa mabuting buhay pang-ekonomiya lalo na.
***
Kung pagbabatayan ang mga prinsipyo sa pagpapalaya ng sinasamantalang bayan ng mga tulad nina Lino Brocka at Ishmael Bernal, kailangan pang pag-ibayuhin ng mga alagad ng sining pampelikula ang metikulosong tunggalian ng mga uri sa lipunan na mga tauhan ng bawat pelikula kahit na kung anuman ang klase ng pamumuhay ng mga karakter ng mga ito sa puting tabing, mayaman man o mahirap, nasa gitna man ng lipunan o nasa ituktok ng kaayusan o kahit na ang nasa ibabang bahagi ng bahagdan ng sosyedad.
May takot pa ang karamihan sa mga filmmaker na banggain ang mapang-aping sistema ng kaayusan bagamat ang paglalayag sa malayang pamamahayag ay simula ng paglaban para sa mas makatuturan at mas makatarungang pamayanan lalo na sa parte ng pang-ekonomiyang pamumuhay.
Ang malayang sining na tumatalakay sa mga ugat ng kahirapan kahit na hindi tungkol sa squatters area o mga nanggigitatang mga lunan ay simula ang paglilinaw sa mga detalyadong kabalintunaan at kawirwiran ng mga paghahari ng mga puwersang pansarili lamang para mapangalagaan ang mapagsamantalang kaayusan habang sinusuri ang tunggalian din sa mga pinangyayarihan ng mga sitwasyon sa mas mababang antas ng lipunan.
***
Burgis o pagpapanatili ng walang habas na pagpapabaya pa rin ang namamayaning pananaw sa paggawa ng lokal na pelikula.
Habang nang-aaliw ay maaari ring makapagpalinaw sa kabuluhan ng showbiz sa ating lahat dahil hindi naman talaga dapat tingnan na mababa o walang silbi ang showbiz sa pagpapalaya ng bansa sa kawing-kawing na mga problema.
Kung tutuusin ay repleksyon ang showbiz ang mga suliranin ng buong bayan na kailangan ding sipatin at suriin para makatulong na makapagpaliwanag sa kalituhan ng mga mamamayan.
At malaki ang papel ng pelikula sa misyong ito.