Pluma at Papel

Silang Nagbabaging Sa Gubat Ng Dilim


sa gubat ng dilim at sagimsim / bakulaw silang nagbabaging / nakabiti’t sumisigaw sa hangin

sa gubat ng dilim at sagimsim
bakulaw silang nagbabaging
nakabiti’t sumisigaw sa hangin
silang mga intelektuwal
na iniluluwal ng mga toreng-garing
silang kinapon ng mga unibersidad
silang nakabilanggo sa mga aklat
silang binulag ng mga letrang
tiwalag sa reyalidad
silang pinasakan ng bulak sa ilong
at inimbalsamo ng teorya’t ideya
ulong di tiyak direksiyon ng dunong
silang ibig nguyai’y puro pormularyo
at bawat salita’y laging de numero
at inililibing ang angking talino
sa mundo ni focault, derrida at plato
sa baging ba lamang laging nakabitin
silang ang totoo’y malabo sa tingin?

silang nagbabaging sa gubat ng dilim
ang dagat ng buhay ay ayaw sisirin
gayong hinahanap perlas na maningning
sa dampa’t kubakob ng bukid at bundok
ni ayaw pumasok-mangarap-matulog
ni ayaw titigan nag-usbong na hamog
upang makita luha ng dayukdok
ni ayaw yumapak sa lupang maputik
ni ayaw lumusong sa linang ng bukid
ni ayaw tahakin nagdipang pilapil
habang sumasayaw kugon at talahib
upang madama ang tibok ng dibdib
ng uring dinusta at naghihimagsik
kailan isasawsaw sa patis at suka
daliring nilandi’y mga porselana
pilak na kutsara’t kristal na kopita?
kailan lalamasin malamig na kanin
upang bukalan ng katotohanan
bibig na namaga
sa pagnguya-pagngata
sa inanay at pilas na aklat
na ayaw ilahad-ihantad
maalingasaw na reyalidad
ng lipunang nagnaknak na’t
nagpipista’y mga uod.

silang nagbabaging sa gubat ng dilim
ni ayaw makita pulandit ng dugo
mula sa daliring naputol
nginasab-nilunok ng makinang hayok
hanggang balat
dugo’t-buto’t-laman
ng hinlalaki’t hintuturo
sa nagiling na karne’y humalo
carne norteng igigisa
ipipritong longganisa
sa mantika ng lungkot at dusa
silang nagbabaging sa gubat ng dilim
silang pilosopiya’t hungkag na ideya
pansabaw sa ulam at kanin
silang nakikipagpatintero
kina hume, heidegger
nietzche’t mga henyo
hanggang mga teoryang ibinabando
naging sangkutsado
di tuloy matiyak
adobo ba o asado
at kalimita’y di malunok
ng lalamunang titiguk-tigok
ng masang sambayanang
parang trumpong pinaikot.

kayong nagbabaging sa gubat ng dilim
bakit di ninyo talunin ang bangin?
bakit ayaw ninyong bitawan ang baging
paa ay isudsod sa lupa ng lagim
amoy ng pulbura ay inyong langhapin?
anghit ng magsasaka
ay inyong singhutin
habang binubungkal
bukiring di kanya
bakit di titigan ang mga sakada
habang nakaluhod sa imbing asyenda
aba ginoong maria ay nililitanya
sa mga kabyawan at asukarera?
bakit di dinggin hagulhol ng ina
sumpa’t himutok ng galit na ama
hinagpis ng nabaog sa inhustisya
at plegarya ng sinikil na kaluluwa
baka masagot din ng hagupit ng habagat
singasing ng punglo’t sagitsit ng kidlat
laksang tanong ng madilat na reyalidad
bombang sasambulat din
mga tugong di maipaliwanag
ng inaamag na mga aklat!