Batas Militar: 40 taon ng protesta at himagsik


I. Putik, burak at basura ang bungad ng kalsada sa Sityo Damayan , Barangay 105, Tondo kahit pa tirik na ang araw. Ilang kanto mula sa sulok  na ito ng mga barung-barong at ulingan, sinasalubong ang dayo ng arko ng “Happy Land.”  Welkam sa “Happy Land!” – parang masamang biro na nagagawa na lang pagkatuwaan […]

Graffiti ng Baluarte Artists Collective sa Isla Puting Bato, Tondo. (Kontribusyon)
Graffiti ng Baluarte Artists Collective sa Isla Puting Bato, Tondo. (Kontribusyon)

I.

Putik, burak at basura ang bungad ng kalsada sa Sityo Damayan , Barangay 105, Tondo kahit pa tirik na ang araw. Ilang kanto mula sa sulok  na ito ng mga barung-barong at ulingan, sinasalubong ang dayo ng arko ng “Happy Land.”  Welkam sa “Happy Land!” – parang masamang biro na nagagawa na lang pagkatuwaan at lunukin. Paano nga ba magiging maligaya ang pagdating sa masayang sangsang ng tambakan? Sa sinusong wika ng marami na mula sa karukhaan ng probinsya ay napadpad sa Tondo upang makipagbuno sa lupit ng lungsod, ang Smokey Mountain nga naman ay isang literal na “hapilan” – isang lugar na pinagtatapunan, isang higanteng basurahan.

Sa loob ng ilang dekada, ang tambad ng Smokey Mountain ang nakasusulasok na paalala ng kabulukan at kabuktutan ng lipunang Pilipino – laluna sa panahon ng malaswang luho, layaw at pagpapakasasa ng rehimeng US-Marcos. Sa kumpas ng Batas Militar at Bagong Lipunan, ang dalawampu’t isang taong ito sa ilalim ni Ferdinand Marcos ay isa na lamang masamang alaala ng pasistang diktadura –  isang bangungot, na anila’y wala na ni sa hinagap ng sumunod na henerasyon ng mga anak ng mga anak ng Martial Law. Para sa iba, ito’y istadistika na lang: 3,257 ang pinaslang, mga 35,000  ang tinortyur, mga 70,000 ang ipinabilanggo.

Kabuktutan, kabulukan at karahasang wala sa ating hinagap – kung tayo’y naglalakad nang tulog at walang bait sa sarili. Kung namihasa na’t nagpakalublob sa korupsyon at ilusyon, na nakalimutan na natin kung ano ang makatao at disente.

Ang muling pag-angat sa poder ng mga Marcos ay pahiwatig lang ng mga dekadang dumaan mula nang sila’y mapatalsik sa popular na pag-aalsa sa EDSA noong 1986. Ngayo’y matagal nang ipinasara ang dating Smokey Mountain.  Sa iba’t ibang dako, yumayabong na ang mga punla sa hilera ng pulang bakod na pininturahan ng “FIRM,” habang umaasa ang mga nagtanim na isang araw sila’y bibiyayaan ng tig-isang milyong piso na pangako sa kada kasapi nitong “Friends of Imelda R. Marcos.”

Samantala, dumarami pa ang mga maralita’t nananambakan. Sa manu-manong pangangalahig, araw-araw nilang binabawasan ang tone-toneladang basurang likha ng konsumerismo sa Kamaynilaan. Sa matiyagang pagsasalansan, napapakinabangan ulit ang tinipong bakal, papel, bote at plastik. Pagkatapos pagkakitaan ng lokal na pamahalaan, malaking treyder at sindikato,  napakadali na nilang laitin at itaboy. Anang mata-pobre, ang mga barung-barong nila’y masakit sa mata, sanhi ng delubyo, dapat pasabugin. Sa Happy Land,  Damayan, at sa marami pang ibang pook sa langibing lungsod at napag-iwanang nayon, naghahabulan pa rin ang mga batang butod, yapak, hubo’t hubad; walang muwang pero malay sa sariling pagdarahop, ginagalis ang anit at nilalangaw ang puwit.

Napakarahas pa rin ng tipikal na araw. Kung hindi nanunumbat ang gutom, pagkabusabos ang ipinangangalandakan ng karahasan.  Naghahandang gumayak sa rali si Marilou Valle, 43, isang araw bago ang State of the Nation Address (SONA) ni Aquino nitong nakaraang Hulyo. Sa Barangay 105, si Valle ang lider ng lokal na tsapter ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay), militanteng organisasyon ng maralitang taga-lungsod.  Kilala si Valle bilang “Ina ng Sityo” dahil sa pagmamalasakit sa kapakanan ng kapwa. Katuwang ang asawang isa ring aktibista, itinaguyod niya ang laban para sa disenteng paninirahan at kabuhayan di lamang para sa sampung anak at labing-apat na apo.

Noong hapong iyon ng Hulyo, inisa-isa niya ang mga dampa para magyakag ng mga sasama sa rali kinabukasan. Mamamalengke na sana siya ng babauning tanghalian, palabas sa tarangkahang gawa sa kalansay na alambre ng lumang kamang kutson. Sa harap ng kanilang abang dampa pinagbabaril ang aktibistang si Marilou Valle. Dalawang oras nakahandusay sa putikan ang kanyang bangkay, habang nagbabanta ang mga salarin sa mga saksi; at ang mga saksi hanggang sa ngayon ay walang magawa kundi ang manahimik .

Si Valle ang ika-100 biktima ng pampulitikang pamamaslang sa ilalim ni Benigno Aquino III.

Bumaligtad man ang mundo ng mga Valle at ng buong sityo, anupa’t natuloy pa rin ang talumpati ng Pangulo.  Aniya: “Gaya ng marami sa inyo, namulat ako sa panggigipit ng makapangyarihan. Labindalawang-taong gulang po ako nang idineklara ang Batas Militar. Bumaliktad ang aming mundo: Pitong taon at pitong buwang ipiniit ang aking ama… naging saksi ako sa pagdurusa ng marami dahil sa diktadurya.”

Sa lansangan, akma ang pagsunog ng mga nagmartsa sa dambuhalang simbolo ng doble-karang Pangulo. “Matagal nang tapos ang Batas Militar,”ani Aquino. Apatnapung taon na nga mula nang pirmahan ni Marcos ang PD 1081, ang deklarasyon ng Martial Law.

Kung may inaagrabyado’t ninanakawan ng karapatan, siya ang kakampihan ko.”

“Kung may abusadong mapang-api, siya ang lalabanan ko.”

“Kung may makita akong mali sa sistema, tungkulin kong itama ito.”

At sinasabi ito ng Pangulo habang hinaharangan, itinataboy, dinarahas, ang dagsa ng taong nagprotesta sa labas ng Batasan. Sa loob ay palakpakan, pero ito ang katotohanang umalingawngaw sa labas ng magarang bulwagan:

“WALANG PAGBABAGO SA ILALIM NI AQUINO!”

II.

Apatnapung taon mula Setyembre 21, 1972: Walang duda, paulit-ulit pang ibibida ni Aquino na sila rin ay  biktima ng Batas Militar. Pero kasaysayan na mismo ang magrereklamo kapag sukdulan nang narindi sa mga sabi-sabi at boladas nitong barkadahang dilawan. Kasaysayan mismo ang babasag sa mito at ilusyong siwalat ng buong naghaharing sistema mula noon hanggang sa kasalukuyan.

Ang kaso ni Valle, halimbawa – mula sa kinagisnang dislokasyon at pananambakan, pagkamulat at pagkilos, at hanggang sa trahedya ng kanyang pagkakapaslang – ay hindi aksidente ni pambihira.  Sistematikong karahasan ang araw-araw na ipinapataw ng estado laban sa sambayanan. Ito ngayon ang tungkuling ipinamana ng Batas Militar kay Noynoy Aquino at sa lahat ng rehimeng sumunod kay Marcos – kung paano ipapatupad ang terorismo ng estado nang hindi ito tasahang idinedeklara sa madla.

Batas Militar ang disenyo ni Marcos para sa kontra-insurhensiya, upang maagang masawata ang paglakas ng armadong paglaban  ng sesesyunistang Moro sa Mindanao, at ng muling-tatag na rebolusyonaryong kilusan na noo’y naka-ambang magpalawak sa buong kapuluan. Ang kontra-insurhensiya (counter-insurgency o COIN), na pangunahing polisiyang pandepensa ng US hanggang sa ngayon, ay marahas na sinimulan sa Pilipinas nang agawin ng US ang tagumpay ng Rebolusyong 1896, at nang lubusin ang pagdurog sa nasyunalismo at pagbabalikwas ng sambayanan sa henosidyo ng Digmaang Pilipino-Amerikano.

Ipinataw ni Marcos ang Batas Militar para panatilihin ang sarili sa kapangyarihan, habang pinagsisilbihan ang interes ng among imperyalista. Ang pangangayupapa sa dayuhang interes, gayunpaman, ay hindi rin naman espesyal na kapintasan ni Marcos – katangian ito ng mga pulitikong ang layon ay magpayaman at mamayagpag sa poder, ng salot ng burukrata kapitalismo. Ang papet na estado ang angklahan ng mala-kolonyal at mala-pyudal na kaayusan mula nang basbasan ng imperyalismong US ang “kasarinlan” ng Republika ng Pilipinas noong  Hulyo 4, 1946.

Sa panahon ni Makoy, pinaslang ang aktibistang misyonero na si Fr. Tulio Favali; sa panahon ni Noynoy, si Fr. Pops Tentorio. Nagkokoro ang dalawa sa pagsasabing walang bilanggong pulitikal ang kanilang rehimen. Mahigit 350 na ngayon ang bilanggong pulitikal sa bansa, 170 sa kanila ang inaresto sa dalawang taon pa lang ng panunungkulan ni Aquino. Dumarami ang lumilikas – mga bakwet – hindi lang dahil sa delubyo at bagyo, kundi dahil sa abuso at militarisasyon sa kanayunan. May basbas ni Aquino ang lagim ng private army ng malalaking kompanya ng mina. Kinasuhan pero hindi napaparusahan ang berdugong heneral na si Jovito Palparan Jr., habang itinataas pa ang ranggo ng mga opisyal ng militar na sangkot sa tortyur. Sunud-sunod ang demolisyon at malawakang dislokasyon sa hanay ng mga magsasaka at maralita.

Pahirapan ang pagkakamit ng katarungan at kumpensasyon para sa mga biktima ng Batas Militar, habang ang bagong rehimen ay nag-iipon na rin ng mga bagong biktima. Pagkatapos ni Valle, mabilis na sumunod si Willem Geertman, ang magsasakang si Romulo Vaflor, ang lider-transportasyon na si  Poncing Infante.

Proyekto ng naghaharing sistema ang panatilihing baluktot ang ating pagsipat at interpretasyon sa kasaysayan. Ang kasaysayan nga naman ay pwedeng listahan lang ng mga petsang dapat kabisahin, o kaya’y mga bayaning dapat kilalanin sa panahon ng eksamen. Sa ayaw lumimot, isang bantayog ang alay para sa mga bayani  ng Batas Militar– mga makabayan, aktbista, rebolusyonaryo, desaparecido. Kinikilala bilang mga bayani laban sa diktadura maging mga namartir na gerilya’t lider ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army  (CPP-NPA),  gaya nina Magtanggol Roque, Romulo Jallores, Emmanuel Lacaba, Lorena Barros, Merardo Arce, Filomena Asuncion, Chadli Molintas, Edgar Jopson at iba pa. Pero habang ang CPP-NPA ay patuloy na binabansagang “teroristang organisasyon,” mas madalas ang papuri ng iba ay  alang-alang na lang sa nostalgia, at hindi naman talaga sa taos na pagkilala sa kawastuhan ng kanilang simulain at paninindigan.

Lalo na’t para kay Aquino, napakahalagang maaangkin ang pinakamagiting na papel bilang “bayani ng demokrasya.” Sadyang itinatampok ni Aquino ang sarili bilang tagapagmana’t tagapagsalba ng sambayanan mula sa kalupitan ng Batas Militar – habang minamaliit at binabasura ang susing papel ng kilusang masa at digmang bayan sa pakikibaka’t pagpapabagsak sa pasistang diktadura. Inaalagaan at ipinangangalandakan ni Aquino ang ilusyon ng mapayapang pagbabago, mabuting panunungkulan at mantra ng “daang matuwid” lalo na sa isang lipunang nananatiling lugmok sa inhustisya at batbat ng pamalagiang krisis – sa isang lipunang anumang oras ay maaaring sumambulat na gaya ng bulkan, pagkat laging nasa bisperas ng rebolusyonaryong pagbabago.

Si Marcos noon, at si Aquino ngayon ay parehong tuta ng Kano. Pagkatapos ni Marcos, nagpatuloy ang padron ng kontra-insurhensya ng US sa mabangis na balatkayo: mga Oplan Lambat Bitag sa panahon nina Cory at Ramos, Oplan Makabayan ni Erap, Oplan Bantay Laya sa kinamumuhiang rehimen ni  Arroyo – Oplan Bayanihan ngayon sa ikalawang rehimeng US- Aquino. Kinukutya ni Aquino ang militanteng pagkilos bilang gawaing di-produktibo – sukdulang sisihin bilang dahilan diumano ng karahasan ni Marcos, at maging sa pagka-atrasado ng lipunan kahit sa ngayon. Pero hindi pagtutol ni pagbabalikwas ang puno’t dulo ng gulo. Naunang ipinataw sa kapuluan ang malupit na pananakop, pandarambong, pang-aapi, panunupil. Sa katunayan, pananahimik at pagsasawalang-bahala ang nagpapahintulot sa ibayong pagsasamantala at karahasan sa mamamayan.

Ang protesta at himagsik kung gayon ay hindi espesyal na mga okasyon na angkop lang para sa bulok at tiwaling era ni Marcos. Kutya pa ng iba: “Bakit ka pa nga ba mag-aaktibista? Bakit ka pa mamumundok, e wala na si Marcos?” E bakit nga ba? Ang protesta at himagsik ay makatarungang tugon sa obhetibong kalagayan ng pagsasamantala at pang-aapi sa mga mamamayan, lalung lalo na sa malawak na masang anakpawis. Mananatili itong makabuluhan at angkop habang may mga nagdurusa sa hapilan, mga iskwater sa sariling bayan, mga aliping pang-eksport sa ibayong-dagat. Seryoso, pero pwede namang ibalik ang kantyaw: Magbabangon ang masa hangga’t hindi pa nakakamit ang tunay na kalayaan at demokrasya para sa sambayanan. “Kailangan pa bang i-memorize ‘yan?”

Pumunta sa bundok ng basura sa Payatas, saksihan ang karahasang militar sa Bondoc Peninsula’t sa mga liblib na nayon at bulubundukin, pansinin ang paniniil sa mga pagawaan, dumalaw sa mga bilangguang libingan ng mga buhay. Sa mismong bakuran ng mga Cojuangco-Aquino sa Hacienda Luisita,  matatagpuan ang nuknukan ng inhustisya, kasinungalingan, at karahasan sa patuloy na pagkakait sa magsasaka sa karapatan at tunay na reporma sa lupa.

Ngayong buwan ay bubuhos ang komemorasyon para sa ika-40 taon ng Batas Militar. Pero ano pa ba ang maibabahagi bukod sa mga kupas na litrato, lumang kamiseta, makinilya, dyaryo at radyo; basyong bala, mga tula, drowing, awit o kwento?

Hindi man ipinangalan sa kanila ang anumang kalsada ni esknita, maya’t maya’y maaalala ang kabayanihan ng mga kagaya nina Chadli Molintas, Merardo Arce o ni Romulo Jallores dahil sa sunud-sunod na mga ulat mula sa larangan: kapag may matagumpay na atake ang katukayo nilang kumand ng NPA laban sa destakamento’t tauhan ng pasistang militar sa kunsaang sulok ng kapuluan. Kahit ipaglihim, o ibalita nang negatibo sa telebisyon at pahayagan, ang mga opensibang ito’y ikinatutuwa ng masa – hindi dahil ang masa’y mangmang, tutol sa kaunlaran at nagbubunyi sa karahasan. Kundi dahil ang masa ay pinanday na ng mga dekada sa makauring tunggalian – makatao at matalas, at gagap nila na ang hustisya ay rekisito sa kasaganaan at kapayapaan ng buong lipunan.

Pagkat alam nila kung sino ang tunay na kakampi ng inaagrabyado at ninanakawan ng karapatan. Alam nila kung sino ang tunay na lumalaban sa abusado’t mapang-api. Bitbit ang mga aral kapwa sa kahinaan at karanasan, tungkulin nilang baguhin ang bulok na naghaharing sistema – pagkat ang pamana sa kanila ng Batas Militar ay ang panata ng pagbabalikwas mula sa madilim na yugtong ito ng ating kasaysayan. Alam nilang maaliwalas ang kinabukasan para sa aping mamamayan ng buong daigdig na nakikibaka laban sa imperyalismo. Nagpasya silang hanguin ang lipunan mula sa sangsang at lusak ng kahirapan at karahasan, dahil ngayon higit kailanman – ang maghimagsik ay makatarungan.

.

Puntahan ang memorabilia eksibit ng Karapatan na pinamagatang “Himagsik at protesta: ika-40 taon ng imposisyon ng martial law” sa basement lobby ng UP Diliman Main Library. Magbubukas ito ngayon, Setyembre 14, alas-4 ng hapon at nakadisplay hanggang Setyembre 21.