Larawan | Kabataan, nasa harap ng paglaban sa batas militar
Muling ipinakita ng kabataan at estudyante noong Setyembre 20 na handa itong harapin ang laban ng panahon: ang paglaban sa bagong batas militar at pasismo.
Ginunita ng iba’t ibang grupo, lalo na ng mga grupo ng kabataan, ang ika-47 anibersaryo ng batas militar ni Ferdinand Marcos sa pamamagitan ng malaking pagtitipon sa Luneta Park sa Manila.
Pero hindi simpleng paggunita ang naganap: pagkondena at paglaban ito sa kasalukuyang de facto o mistulang batas militar — ni Rodrigo Duterte, ang kasalukuyang nag-aastang diktador, alyado ng mga Marcos, alyado ng maraming may kasalanan sa bayan tulad ng mga Arroyo, promotor ng madudugong giyera kontra droga at insurhensiya.
Kabataang nagsagawa ng walkout mula sa kanilang mga eskuwelahan ang pinakamalaking bulto ng mga nagprotesta. Sa kabila ito ng kawalan nila ng karanasan sa nakaraang malagim na yugto sa kasaysayan ng bayan. Pero sa lagim ng kasalukuyang panahon, isa sila sa pinaka-napupuruhan. Target ng paninira at legal na atake ngayon ang mga organisasyong progresibo ng kabataan. Binibintangan silang tagarekluta ng armadong mga gerilya. Pinararatangan silang aktibong sumusuporta sa armadong rebolusyon.
Pero ano nga ang isa sa sumikat na kataga noong batas militar? Si Marcos ang pangunahing rekruter ng mga nag-aarmas laban sa gobyerno. Dahil sa pang-aabuso niya sa puwesto, dahil sa laganap at lantarang paglabag sa mga karapatang pantao, lalong dumami ang nag-aklas at pumili ng armadong landas sa paglaban sa tiraniya.
Ngayon, sa panahon ni Duterte, tila masasabi rin: Ang mga pandarahas at pang-aabuso ng Pangulo, siyang nagpapalakas pa lalo sa mga rebolusyonaryo. Priscilla Pamintuan