Maralita hinamon si Mar Roxas na itigil ang mga demolisyon
Nilusob ng mga maralita ang tanggapan ng Department of Interior and Local Government (DILG) para hamunin ang sekretaryo nito na si Manuel Roxas III na aksiyunan ang mga mararahas na demolisyon, at magpatupad ng moratoryo. Naganap ito habang marahas na dinedemolis ang kabahayan ng mga maralita sa Guatemala, Makati. Marami ring nakaambang demolisyon sa iba […]

Nilusob ng mga maralita ang tanggapan ng Department of Interior and Local Government (DILG) para hamunin ang sekretaryo nito na si Manuel Roxas III na aksiyunan ang mga mararahas na demolisyon, at magpatupad ng moratoryo.
Naganap ito habang marahas na dinedemolis ang kabahayan ng mga maralita sa Guatemala, Makati. Marami ring nakaambang demolisyon sa iba iba’t ibang maralitang komunidad sa Kamaynilaan.
Ayon sa Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay), nilalabag ng lokal na mga pamahalaan ang kanilang karapatan na magkaroon ng disenteng paninirahan sa pamamagitan ng pagtaboy sa kanila palabas ng Metro Manila.
Kinondena din ng Kadamay ang tangkang pagdemolis sa mahigit 250 kabahayan na sakop ng 870,000 metro kuwadro ng lote sa Guatemala, Makati. Plano umano ng lokal na pamahalaan ng Makati na magtayo ng tatlong palapag na gusali para sa barangay hall, health center at isang covered court. “Ang marahas na demolisyon sa Guatemala, Makati ay nagpapakita ng brutalidad sa mga maralita ng rehimeng Aquino. Berdugo siya ng mga maralita,” ani Gloria Arellano, pangkalahatang kalihim ng Kadamay.
Plano ng lokal na pamahalaan ng Makati na ilipat ang mga residente sa Caluan, Laguna. Pero tiuntutulan ito ng mga residente dahil sa wala naman umanong nakatayong istrukturang pabahay na kailangan ng isang pamilya sa lugar, maliban pa sa malayo sa pinagkukunan nila ng kabuhayan.
“Hinahamon namin si Pangulong Aquino na tumira siya sa mga relokasyon kahit isang araw lang,” sabi ni Arellano.

Samantala, nagsumite ng sulat ang Kadamay kay Roxas na naghihiling na imbestigahan ng DILG ang nagaganap na mararahas na demolisyon sa mga komunidad sa Metro Manila at magpalabas ng isang moratoryo sa mga demolisyon habang isinasagawa ang demolisyon.
“Hinahamon namin si Sek. Roxas na harapin niya ang problema ng mga maralitang lungsod, na hinarap noon ng dating Sek. Jesse Robredo at napatigil ang mga demolisyon,” sabi ni Arellano sa midya.
Dismayado din ang Kadamay dahil inuuna umano ng kalihim ang pakikipag-usap sa dayuhang mga mamumuhunan kaysa sa pagharap sa problema ng mga maralita.
“Hindi pa siya nakakaupo sa kanyang puwesto, wala na siya, umaalis na siya at nandoon sa ibang bansa,” pahayag pa ni Arellano.
Pangamba ng grupo na nakikipag-usap si Roxas sa mga mamumuhunan para pondohan ng mga ito ang mga proyektong Public-Private Partnership ng gobyerno.
Kasalukuyang delegado ng bansa si Roxas sa China-ASEAN Expo na nagsimula isang araw bago pinal na aprubahan ang pagkatalaga sa kanya bilang kalihim noong nakaraang lingo.
Inaasahang matatapos ang nasabing expo sa Setyembre 25.
Ayon pa sa grupo, ang programang Public-Private Partnership ng administrasyong Aquino ang dahilan ng malawakang demolisyon sa mga komunidad ng maralita sa Metro Manila.
Sinabi rin ng grupo na handa silang depensahan ang kanilang komunidad at kabuhayan laban sa tangkang demolisyon.