Leksiyon ng mga guro sa labas ng klasrum
Tungkulin ng mga guro na hubugin ang kaisipan ng kabataan na siyang pag-asa ng bayan. Pero para sa Alliance of Concerned Teachers (ACT), tungkulin din ng mga guro ang makipaglaban – para sa kanilang sariling interes, at sa interes ng mga mamamayan. Noong Oktubre 5, pinagdiwang ng mga guro ng ACT ang International Teachers’ […]

Tungkulin ng mga guro na hubugin ang kaisipan ng kabataan na siyang pag-asa ng bayan. Pero para sa Alliance of Concerned Teachers (ACT), tungkulin din ng mga guro ang makipaglaban – para sa kanilang sariling interes, at sa interes ng mga mamamayan.
Noong Oktubre 5, pinagdiwang ng mga guro ng ACT ang International Teachers’ Day. Pinagdiwang nila ito hindi sa loob ng mga klasrum at paaralan, kundi sa lansangan – dahil ang pakikipaglaban umano ang pinakamahalagang leksiyong kailangang ituro sa kabataan.

Isa sa pangunahing ipinaglalaban nila, ayon kay Benjamin Valbuena, tagapangulo ng ACT, ang sariling karapatan nilang mga guro. Nitong nakaraang mga taon, pabulusok ang kalagayan ng mga guro; tumitindi ang pangangailangang tiyakin ng pamahalaan ang kanilang nakabubuhay na sahod at marangal na pamumuhay.
Isang leksiyon: Hindi ibibigay ng pamahalaan ang nararapat sa atin hangga’t hindi natin ito ipinaglalaban.
Matagal nang hiling
Ayon kay ACT Teachers Rep. Antonio Tinio, bagamat nanatiling malakas ang suporta ng mga kongresista para sa House Bill 2142 o panukalang batas para sa pagtaas ng suweldo ng mga guro tungo Salary Grade 15 (P 24,887 kada buwan), ang kawalan ng suporta mula sa Department of Budget and Management (DBM) at Malakanyang ang dahilan kung bakit hindi pa ito naipapatupad.
“Dahil ang pagtingin natin, kung sa Kongreso lang, napakalawak na ng ating suporta na nakuha ng ating HB 2142. Mahigit 180 kongresita na ang co-author ng ating House Bill.”
Paliwanag ni Tinio, kung sa Kongreso lang ay sobra-sobra na ang suporta para sa naturang panukalang batas. Pero ang nakakapigil sa pag-abruba nito: Kawalang suporta ng Malakanyang at DBM.
“Sa badyet para sa taong 2013, mayroon bang salary increase doon na nakapaloob? Wala. Tinanong natin si Sec. (Butch) Abad ng DBM: Bakit wala ngayon, bakit wala sa 2013? Kailan magkakaroon ng salary increase? Wala po siyang tiyak na kasagutan,” dagdag ni Tinio.
Kabilang ang HB 3746 sa mga panukalang naglalayong dagdagan ng P 6,000 ang sahod sa minimum pay ng non-teaching personnel ang ipinasa ng ACT Teachers Party-list. Pero nakabinbin din ito sa Kongreso.
Mula nang unang manungkulan si Aquino, walang malinaw na programa ang administrasyon sa paglalaan ng badyet para sa dagdag-suweldo ng mga guro, ayon kay Valbuena.
“Dalawang taon nang Presidente si Aquino, pero wala pang sinasabi siya na pabor sa kagalingan ng mga guro. Ni ha-ni-ho sa tatlong SONA (State of the Nation Address), wala pa tayong narinig kay PNoy kung ano ang makabubuti para sa mga guro,” ayon kay Valbuena.
Samantala, lumalala ang kalagayan ng mga guro ngayon, sabi ni France Castro, pangkalahatang kalihim ng ACT. Kasama sa nagpapahirap sa kanila ang mga polisiya mismo ni Aquino tulad ng kontraktuwalisasyon sa empleyo at kawalan o kakulangan ng badyet na inilalaan ng gobyerno para sa mga guro.
“Nakita nating mula 1966 hanggang sa ngayon, ang kalagayan ng mga guro ay lumalala pa. Ang estado ng guruan, di lamang sa Pilipinas kundi maging sa buong mundo, ay lumalala pa kagaya ng kontraktuwalisasyon at hindi pagbibigay ng sapat na sahod,” ayon kay Castro.
Dagdag pa ni Castro, bagamat isang positibo ang pagkilala ng gobyerno sa Pandaigdigang Araw ng mga Guro, hindi umano sapat ang freebies o diskuwento para sa mga guro na ang dagdag sahod ang siyang makatwiran sa kasalukuyan.
“Krusyal na panahon para sa atin, katulad ng dahilan kung bakit tayo may World Teacher’s Day. Ito’y para magkaroon tayo ng disente, nakabubuhay, at marangal na sahod ang mga guro. Ito ang nakapaloob sa rekomendasyon noong 1966 pa,” ayon kay Castro.
Pandaigdigang paglaban

Ayon kay Castro, hindi lamang ang guro sa Pilipinas ang nakakaranas ng mga isyu gaya ng kontraktuwalisasyon, mababang pasahod at kakulangan ng badyet sa edukasyon.
Sa pahayag ng International League of Peoples’ Struggle (ILPS) para sa Pandaigdigang Araw ng mga Guro, sinabi nitong minarkahan ang taong 2011 ng kilusang masa sa iba’t ibang kontinente ang paglaban para sa kanilang mga karapatang inaatake ng iba’t ibang gobyerno sa buong mundo.
Sa Latin Amerika, bunsod ng mga kilusan ng mga guro at iba pang sektor, nabigyan ang sektor ng edukasyon sa Argentina ng karagdagang pondo para sa mataas na edukasyon. Tumaas ang kanilang pagpondo sa edukasyon mula sa 0.47% GDP noong 2003 tungo sa 1.05% sa 2012.
Sa Australia at Pasipiko, Sa Queensland Catholic School, isang walkout ang isinagawa noong Setyembre 11 ng mga guro mula sa Ignatus Park College. “Domino effect” umano ang ibinunga ng pagkilos. Nagwelga ang 6,500 kasama nila ang nagprotesta laban sa mababang pasahod at pagtaas ng workload sa Catholic schools sa buong bansa.
Sa Shandong, China, pinigilan ng mga pulis ang 4,000 guro sa komunidad na nagtipon noong Setyembre 10 para sa araw ng mga guro. Magsusumite sana ang mga guro ng petisyon na naggigiit ng dagdag sahod at kompensasyon para sa mga nagawang katungkulan sa mga rural na lugar taon na ang nakakaraan.
Inabot ng limang buwan ang kampanya ng protesta at welga para sa guro at mag-aaral ng Bangladesh University of Engineering and Technology para paalisin ng gobyerno sa puwesto ang dalawang Vice Chancellors na may kasong korupsiyon.
Sa Africa, nagwelga ang mga guro sa Kenya sa pamamagitan ng pagsara ng pampublikong mga paaralan para igiit ang 300% dagdag-sahod .
Sa London, 24-oras na welga ng mga empleyado ng gobyerno kabilang ng mga guro ang sumiklab para sa paglaban ng public sector pension reforms ng gobyerno.
At sa unang pagkakataon sa loob ng 25 taon, libu-libong guro ang nagpiket sa Chicago na nagdulot ng pambansang implikasyon sa mga isyu ng mahigpit na badyet, underperforming ng mga paaralan at sistema sa pensiyon. Umabot sa 29,000 guro at support staff ang pangatlo sa pinakamalaking school system sa Estados Unidos.
“Kailangang kilalanin ng buong daigdig ang napakahalagang papel na ginagampanan ng mga guro sa ating lipunan,” ayon kay Valbuena.
Inaning tagumpay
Sa Pilipinas, samantala, umani rin ng mga tagumpay ang paglaban ng mga guro.
Isa na rito, ang akreditasyon ng Civil Service Commission sa Alliance of Concerned Teachers-National Capital Region (ACTNCR) Union bilang natatangi at eksklusibong negotiating agent ng lahat ng public school teachers sa Department of Education-NCR. Umabot sa 26,000 guro ang pumirma at sumuporta sa petisyon ng ACT.
“Nakikita natin sa nakaraang mga panahon, umani ng tagumpay ang ACT sa pamamagitan ng militante, progresibo at sama-samang pagkilos para ipaglaban ang karapatan ng mga guro at mga mamamayan,” ayon kay Castro.
Sinabi niyang pinakamalaking karangalan sa mga guro ang sundin ng mga nasa poder ng gobyerno, ng public officials, ang tamang itinuro ng mga guro noong bata pa sila.
“Tingin ko, ito ang tanging karangalan ang maibibigay at dapat nating ibigay sa ating mga guro,” ayon kay Bayan Muna Rep. Teddy Casino, isa sa mga kongresistang mahigpit na sumusuporta sa laban ng mga guro.
Sa kanilang pakikipaglaban sa loob at labas ng klasrum, muli tayong binibigyan ng leksiyon ng ating mga guro.