Introduksiyon sa ‘Pitong Sundang: Mga Tula at Awit’ ni Ericson Acosta


Malamang na di na kailangang ipakilala pa sa madla ang awtor ng librong ito, si Ericson Acosta (Ka Eric dito), ibinilanggong manunulat, kompositor, mang-aawit, peryodista, at aktibistang intelektuwal. Ngunit walang katiyakan sa buong mundo. Sa kaharian ng Kapital lukob ang neokolonyang Pilipinas na  (sa turing ni Ka Eric) isang malaking “penal colony,” lahat ng matatag […]

Si Ericson Acosta, bilanggong pulitikal, bago pumasok sa emergency room ng National Kidney Institute sa Quezon City. (Darius Galang)

Malamang na di na kailangang ipakilala pa sa madla ang awtor ng librong ito, si Ericson Acosta (Ka Eric dito), ibinilanggong manunulat, kompositor, mang-aawit, peryodista, at aktibistang intelektuwal. Ngunit walang katiyakan sa buong mundo. Sa kaharian ng Kapital lukob ang neokolonyang Pilipinas na  (sa turing ni Ka Eric) isang malaking “penal colony,” lahat ng matatag (ang status quo) ay lumalambot, nalulusaw, nagsasabula. Walang permanenteng sitwasyon saanmang lugar. Nagbabago, nag-iiba ang lahat–katawan, kulungan, gawi, institusyon, ikaw, ako, tayong lahat.

Gayon ang nangyari kamakailan. Sa tulong ng mga kampanya ng SELDA, KARAPATAN at mga organisasyong internasyonal, pansumandaling nakalaya si Ka Eric, mahigit 23 buwang nakapiit, upang maikonsulta ang kalusugan. Nagkaroon siya ng malubhang sakit na bunga ng tortyur at matinding parusa na ipinataw ng rehimeng Aquino buhat hulihin siya noong Pebrero 13, 2011 nang walang warrant at ilagak sa Calbayog City jail, Samar. Sakdal sa kanya: “illegal possession of explosives,” hinalang lihim na nakipagtalik sa kinumpiskang laptop kompyuter.

Hintay, mga awtoridad ng Estadong palalo, nagsasaliksik noon ang makata tungkol sa karapatang pantao at kondisyon ng pamumuhay sa San Jorge, Samar. Krimen ba ‘yon?  Gamit ang kanyang mayamang karanasan at bihasang dunong bilang mamamahayag (UP Collegian; Manila Times; ABS-CBN, atbp), pinag-aaralan ni Ka Eric ang sitwasyon ng mga mamamayan kaakibat ng paglilingkod sa kolektibong pagsisikap umunlad. Ngunit tulad noong panahon ng panananakop ng tropang Amerikano sa Balangiga circa 1901 (tingnan ang tulang “Jacob 1901”), ang pulo’y arena ng madugong tunggalian ng mga uri. Napagitna ang makata; sa gipit at gulo dumagsa ang mga “ibong mandaragit”…  Walang pakundangan sa batas, katuwiran, at karapatang pantao, ikinulong ang iskolar ng bayan at inabuso siya–hanggang sumiklab ang galit at protesta ng libulibong nakiramay, mula Amnesty sa London hanggang PEN International at United Nations, mga samahang inireklamo ang masahol at walang katarungang pagpaparusa sa taong walang sala kundi pag-alay ng kakayahan at talino sa ikabubuti ng bayan.

Nagmamadali ang takbo ng globalisasyon, ngunit sadyang makupad ang andar ng makina ng hustisya sa ating bansa. Pwede tayong maghintay bago arestohin ang sarili, siyasatin ang prehuwisyo’t haka-haka, bago tasahin at lasapin ang nakapaloob. Itinatampok dito ang katotohanan ng danas ng isang tao sa piitan at sa iba’t ibang sitwasyon, bago makipagsapalaran sa Samar at laruin doon ng tadhana. Testimonyong personal at pakikipagtalastasang tipikal kapwa ang naihulma dito. Tiyak na makakadaupang-palad natin ang manlilikha, ang protagonista, pati na ang kanyang kinakausap. Di na dapat magpalaboy pa, tuwiran nang sagupain at subuking alamin ang kariktan at gambala ng panitik. Ngunit may ilang habilin na baka makapagpatalas sa pag-unawa’t pagkilatis.