Konteksto

Kung bakit hindi dapat pangalanan ang nagpakamatay


Salamat sa midya, alam na nating lahat ang kanyang pangalan. Umaga pa lang ng Biyernes (Marso 15), unti-unting kumalat ang balitang nagpakamatay ang isang estudyante ng Unibersidad ng Pilipinas (UP) Manila dahil sa diumanong kawalan ng pambayad sa matrikula. Sari-saring kuwento, kanya-kanyang haka-haka. Sa kabila ng limitadong impormasyon noong araw na iyon, hindi nagdalawang-isip ang […]

Prop. Danilo A. Arao

Salamat sa midya, alam na nating lahat ang kanyang pangalan.

Umaga pa lang ng Biyernes (Marso 15), unti-unting kumalat ang balitang nagpakamatay ang isang estudyante ng Unibersidad ng Pilipinas (UP) Manila dahil sa diumanong kawalan ng pambayad sa matrikula.

Sari-saring kuwento, kanya-kanyang haka-haka. Sa kabila ng limitadong impormasyon noong araw na iyon, hindi nagdalawang-isip ang ilang blogger at social media user na ipagkalat hindi lang ang pangalan kundi ang mukha ng nagpakamatay. Gayundin ang nangyari sa ilang organisasyong pang-midya. Sa kanilang pangunang ulat (breaking news), binanggit ang buong pangalan ng estudyante.

Nagpaalam ba ang midya sa magulang ng nagpakamatay? Kung ang sagot ay hindi, malinaw ang paglabag sa pamantayan ng peryodismo dahil kailangan ang permiso sa sitwasyong katulad nito, lalo na’t maituturing na menor de edad ang nagpakamatay batay sa kanyang edad. Kung ang sagot ay oo, nangangahulugan ba ito ng responsableng peryodismo? Ang sagot sa puntong ito ay malalaman kung pag-iisipang mabuti ang isa pang tanong: Sa iyong propesyonal na opinyon, nasa tamang pag-iisip ba ang magulang ng estudyanteng nagpakamatay na gumawa ng desisyon, lalo na sa sitwasyong kamamatay pa lang ng anak?

Mainam na tandaan ang isang prinsipyo sa peryodismo na masusuma sa dalawang salita kung gagamit ng wikang Ingles: Minimize harm. Sadyang kailangang isaalang-alang ang epekto ng agarang pagsasapubliko ng pangalan sa pinagdaraanan ng mga naiwang mahal sa buhay. Ang pagpapakamatay ay isang sensitibo at komplikadong usapin. Tulad ng biktima ng panggagahasa, may stigma sa sinumang nagpakamatay at ang opinyong pampubliko ay kadalasang hindi umaayon sa kanya. Ang anumang negatibong pahayag laban sa nagpakamatay ay nakakadagdag sa pinagdaraanan ng naiwang pamilya niya.

Kung hindi isasapubliko ang pangalan, mapapangalagaan kahit paano ang dignidad hindi lang ng nagpakamatay kundi ng buong pamilya. Kung itataguyod ng midya ang pinakamataas na pamantayan ng peryodismo, mas makakakuha ng mahalagang aral sa trahedya.

Pero nasaan ang pamantayan ng peryodismo sa sitwasyong mas nabubulatlat ng ilang organisasyong pangmidya ang personal na buhay ng nagpakamatay? Dumarating pa nga sa puntong minamaliit ang pagkatao niya dahil siya raw ay mahina. Nagkakaroon din ng argumentong siya raw ay may diperensiya sa pag-iisip kaya naisipan niyang tapusin ang kanyang buhay.

Dahil sa ganitong pagtrato sa isyu ng midya, nagkakaroon ng kakaibang perspektiba ang publiko. Hindi mapigilan ng isang indibidwal, halimbawa, na ikumpara ang sarili sa nagpakamatay. Ganito siguro ang pumapasok sa isip sa panahon ng pagmumuni-muni: “Bakit siya nagpakamatay samantalang kailangan lang niyang magpunyagi tulad ko? Sana nagtrabaho na muna siya at bumalik na lang sa pag-aaral kung nakapag-ipon na, tulad ko. Kung nangutang lang siya sa mayayamang kaklase, makakapagtapos din siya sa pag-aaral, tulad ko!”

Tulad mo? Tulad mo. Tulad mo! Tila ang diskurso sa pagpapakamatay ng estudyante noong Marso 15 ay nakatutok lang sa tatlong punto: Ikaw, ikaw at ikaw. Walang batayan ang pagkukumpara kung malinaw na magkaiba ang sirkunstansiya. Hindi dahil pareho kayong mahirap ay nagtutugma na ang paghihirap na nararamdaman. Hindi dahil pareho kayo ng edad ay pareho na rin kayo ng perspektiba. Hindi dahil pareho kayo ng kinuhang kurso at pinasukang pamantasan ay iisa lang ang inyong pinagdaanan.

Hindi ikaw kundi siya. Pero hindi siya mismo ang dapat tutukan ng mga balita. Una sa lahat, hindi datos sa personal niyang buhay ang mahalagang malaman. Ikalawa, hindi nararapat ang pagsusuri sa kanyang isipan dahil magreresulta lang ito sa mga haka-haka. Ikatlo, hindi katanggap-tanggap ang paulit-ulit na pagkuha ng pahayag sa mga naiwang mahal sa buhay dahil kailangan silang bigyan ng espasyo para magdalamhati.

Ang pagbabalita ay paghahatid ng impormasyon, hindi ng drama. Ang peryodismo ay dapat na naghuhubog ng opinyong pampubliko, hindi nagbibigay-aliw sa pamamagitan ng telenovela. Ang mga panayam sa naiwang pamilya ay dapat na nagpapalalim sa epekto ng panlipunang kalagayan sa kanilang buhay. Walang lugar ang mga walang-saysay na tanong tulad ng “Ano ang iyong mensahe sa anak mong sumakabilang buhay na?”

Ang makabuluhang peryodismo ay dapat na nagpapalalim at hindi nagkakalat ng kababawan. Sa isang masalimuot na paksa tulad ng pagpapakamatay, nararapat lamang na busisiin ang konteksto ng pangyayari.

Higit pa sa dramang dulot ng pag-iyak ng isang mataas na opisyal ng UP sa isang press conference, mas kailangang ibalita ang tunay na kalagayan hindi lang sa UP kundi sa iba pang state universities and colleges (SUCs). Sa halip na alamin kung totoong nag-aaway ang magulang ng nagpakamatay dahil sa pera, mas dapat suriin ang limitadong badyet na ibinibigay ng pamahalaan sa edukasyon, lalo na ang pondong dapat na nakalaan sa pag-aaral ng mahihirap na estudyante.

Hindi siyang nagpakamatay kundi silang nabubuhay pa. Hindi dapat personal na buhay kundi politikal na kalagayan. Kung nais bigyan ng mukha ang nagpakamatay, ito ay hindi ang larawan niya mismo kundi ang larawan ng malawakang kahirapan. Kahit na may dramang nakapaloob sa larawang nagpapakita ng kanyang inosenteng ngiti noong siya’y nabubuhay pa, mas kailangan ng publiko ang matinding paalala sa kanilang kinasasadlakan.

Tigilan na ang pagsasabing ang nagpakamatay ay isang martir dahil siya ay isa lang sa maraming biktima ng panlipunang kaayusan. Tigilan na ang panghuhusga sa kanyang ginawa. Tigilan na ang panghuhula kung ano ang nasa isip niya nang siya’y magpakamatay. (Tanging siya lang ang nakakaalam, wala nang iba!)

Sa kontekstong ito, sana’y huwag masamain ng mga kaibigang peryodista ang tatlong suhestyon. Una, huwag iulat ang mga insidente ng pagpapakamatay maliban na lang kung ito ay may panlipunang konteksto (tulad ng nangyari noong Marso 15 na sa aking palagay ay dapat lang na malaman ng publiko). Ikalawa, huwag nang ibigay ang buong pangalan ng biktima sa mga ulat para protektahan ang kanyang dignidad (sa kaso ng nagpakamatay na estudyante ng UP Manila, kapansin-pansin ang walang-batayang pagbatikos sa kanya). Ikatlo, huwag tutukan ang detalye ng personal na buhay ng nagpakamatay dahil higit na mahalaga ang panlipunang konteksto.

Sana’y magkaisa ang mga peryodista sa pag-uulat ng impormasyong mas mahalaga para mapataas ang antas ng diskurso, hindi ang pagbibigay ng pangalan at mukha para mapataas ang antas ng drama.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.