Turing Alipin
Nang katigan ng Court of Final Appeals ang gobyerno ng Hong Kong sa hindi pagpapahintulot sa FDWs na mag-apply ng right of abode, para na rin nitong sinentensyahan ang lampas 300,000 domestic helpers dito – kabilang ang mahigit 130,000 na Pilipino – sa pang-habambuhay na tratong alipin. Isang taon matapos tangkain ni Evangeline Vallejos, isang […]

Nang katigan ng Court of Final Appeals ang gobyerno ng Hong Kong sa hindi pagpapahintulot sa FDWs na mag-apply ng right of abode, para na rin nitong sinentensyahan ang lampas 300,000 domestic helpers dito – kabilang ang mahigit 130,000 na Pilipino – sa pang-habambuhay na tratong alipin.
Isang taon matapos tangkain ni Evangeline Vallejos, isang kababayan natin na DH sa Hong Kong simula pa 1986, na hamunin ang hindi pagpahintulot sa kanyang mag-apply para sa right of abode (permanent residency), pininal ng korte na hindi eligible ang FDWs sa dahilang hindi sila “ordinarily residing” sa nasabing teritoryo.
Ano ang ibig sabihin nila ng “ordinarily residing”? Simple lang: iba ang kundisyon sa pamumuhay at paggawa ng mga FDWs.
Pero ang hindi binanggit ng gobyerno at maging ng korte, ang mismong kundisyon na ito ay nilikha ng mga patakarang kanilang ipinatutupad upang panatilihing mura ang lakas-paggawa ng FDWs at panatilihing alipin ang kanilang estado.
Pinakamalala na rito ang New Conditions of Stay, o Two-Week Rule sa mas popular na tawag, na naglalagay sa mga FDWs sa kondisyong kailangan nyang tanggapin ang mga pang-aabuso para manatili siyang may trabaho. Dagdagan pa ng mandatory live-in arrangement na nagtatali sa kanila sa kondisyong walang limit ang oras sa trabaho, walang limit sa tipo ng trabaho, at walang limit din sa abuso. Nariyan pa ang kontrol ng gobyerno sa sahod sa pamamagitan ng proseso ng Minimum Allowable Wage dahil hindi isinali ang mga FDW sa legislated minimum wage at kumpleto na ang recipe ng pang-aalipin sa FDWs!
Tunay ngang iba ang kundisyon at pamumuhay ng mga FDWs dahil tulad din ng iba pang mga migrante, lalo na yaong mga tinatawag na unskilled o semiskilled, intensiyunal ang paglalagay sa kanila sa mababa at bulnerableng posisyon.
Sila ay nilikha bilang subclass ng mga manggagawa na todo-todong pinagsasamantalahan at pinagkakaitan ng karapatan.
Sila yaong itinuturing ngayon bilang alipin ng makabagong panahon.