‘Mga armadong nangangampanya, bawal sa teritoryo ng rebolusyonaryong kilusan’
Kasabay ng paghingi ng dispensa ng yunit ng gerilyang New People’s Army (NPA) sa pamilyang Guingona, muling ipinaliwanag ng mga rebolusyonaryo na istriktong ipinapatupad nila ang pagbabawal sa armadong mga tauhan ng nangangampanyang mga pulitiko sa kanilang mga teritoryo. Malubhang nasugatan si Mayor Ruthie Guingona, habang nasawi ang magkapatid na tauhan niya na sina Nestor […]

Kasabay ng paghingi ng dispensa ng yunit ng gerilyang New People’s Army (NPA) sa pamilyang Guingona, muling ipinaliwanag ng mga rebolusyonaryo na istriktong ipinapatupad nila ang pagbabawal sa armadong mga tauhan ng nangangampanyang mga pulitiko sa kanilang mga teritoryo.
Malubhang nasugatan si Mayor Ruthie Guingona, habang nasawi ang magkapatid na tauhan niya na sina Nestor at Bartolome Velasco, sa palitan ng putok ng isang yunit ng NPA at mga escort ng alkalde sa Gingoog City, noong Sabado, Abril 20.
“The New People’s Army-North Central Mindanao Regional Command expresses its sincere apology to the Guingonas, the Velasco family and the people of Gingoog City for the unfortunate incident last night, April 20, around 10:20 PM in Capitulangan, Gingoog City, Misamis Oriental,” pahayag ni Alan Juanito, tagapagsalita ng NPA North Central Mindanao Regional Operations Command (Jiito Tito Command).
Humingi ng dispensa ang mga gerilya sa pagkamatay ng dalawang escort ni Guingona at pagkasugat ni Mayor Guingona. Sinabi ng rebolusyonaryong grupo na nirerespeto nila bilang progresibong pamilya ng mga pulitiko ang mga Guingona, lalo na ang asawa ng alkalde na si dating Bise-Presidente Teofisto Guingona Jr.
Ipinangako ng grupo ang indemnipikasyon sa kaanak ng dalawang nasawi, at masusing iimbestigahan ang nangyari.
Pahayag ni Juanito, hindi ambush ang naganap. Pinaputukan umano ng armadong mga escort ni Mayor Guingona ang tsekpoint ng NPA sa Capitulangan, 15-kilometro ang layo mula sa lungsod ng Gingoog.
“The group was on its way home when it passed by the NPA checkpoint near the bridge in Capitulangan. The lead vehicle of Mayor Guingona’s convoy rammed against the bamboo roadblock mounted by the Red fighters while her escorts opened fire at the NPAs flagging down the convoy. The Red fighters immediately returned fire in self defense,” pahayag pa ni Juanito.
Sa hiwalay na pahayag, ipinaliwanag ng CPP na istriktong ipinapatupad ng mga gerilya ang pagbabawal ng armadong mga tauhan ng mga pulitikong nangangampanya sa kanilang mga teritoryo. Ayon dito, bahagi ito ng mga polisiya ng rebolusyonaryong kilusan para “pangalagaan ang karapatan at kagalingan ng mga mamamayan” sa kanilang mga lugar.
Sunud-sunod ang pagkondena ng administrasyong Aquino, Team PNoy, partidong Akbayan at ang Armed Forces of the Philippines sa anila’y pag-atake ng NPA sa konboy ni Mayor Guingona. Nanawagan din sila na kondenahin ng iba pa ang NPA sa mga polisiya nito hinggil sa eleksiyon.
Pero ang mismong asawa ng alkalde, si dating Bise-Presidente Guingona, ay nagsabi sa pahayagang online na Mindanews na “hindi nagbabago ang (kanyang) respeto” sa rebolusyonaryong kilusan.
Hiniling niya sa National Democratic Front (NDF) na masusing imbestigahan ang insidente at panagutin ang mga gerilya kung napatunayang maysala sila.
“My personal friendship to some of its leaders will not be changed. We were saddened by what had happened and I would like to know the details that lead to this tragedy,” sabi ni Guingona sa Mindanews.
Nagpahayag din ng kritisismo ang progresibong kandidato sa pagkasenador na si Bayan Muna Rep. Teddy Casiño sa naturang atake.
“I strongly criticize the New People’s Army’s military action on Mayor Ruthie Guingona’s convoy that resulted in the death and injury of civilians. What happened is wrong and unacceptable. Civilians, especially women and the elderly, should be spared from such actions,” ani Casiño.
Idingugtong ni Casiño na kahit umamin na ang NPA sa kanilang kamalian, umaasa siya na magsasagawa rin ang NDF ng masinsing imbestigasyon sa insidente, gumawa ng mga aksiyon, at makipagtulungan sa pamilya ng mga biktima.
“Isa pa itong bagay na maaaring buksan sa NDFP-GRP Joint Monitoring Committee on the Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (Cahrhihl),” sabi pa ni Casiño.
Sinabi naman ni Renato Reyes Jr., pangkalahatang kalihim ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), na tama lamang na humingi ng dispensa ang NPA sa mga pagkamatay at pagkasugat ng mga sibilyan. Sinusugan din niya ang pahayag ni Casiño na dapat idiretso ang reklamo sa NPA sa monitoring committee ng NDF at gobyerno ng Pilipinas para sa implementasyon ng Cahrhihl.
May mga mekanismo na para masiguro ang masusing imbestigasyon at pagpapanagot sa mga maysala, kung mayroon, sabi pa ni Reyes.
“(R)ather than making a general statement on ‘dismantling NPA checkpoints’, the Aquino regime should be more concerned in addressing the root causes of the armed conflict so that a just and lasting peace can be attained,” sabi pa niya.
Pagkakataon din umano ito para muling itulak ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng NDF at gobyerno.
“The Aquino government has previously placed many obstacles to the resumption of the peace talks, including the refusal to honor previous agreements such as the Hague Joint Declaration and the Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees. Even the supposedly faster “special track” for the peace negotiations is not moving due to government disinterest,” ani Reyes.
May ulat ni Darius R. Galang