Engkuwentro vs NPA sa Samar, 2 sundalo, patay
Dalawang sundalo ng 8th Infantry Division ng Philippine Army ang napatay nang palagan ng nakorner nilang mga kasapi ng New People’s Army sa Barangay Babaclayon, San Jose de Buan, Western Samar madaling araw ng Dis. 3.
Dalawang sundalo ang napatay nang palagan ng nakorner nilang mga kasapi ng New People’s Army (NPA) sa Barangay Babaclayon, San Jose de Buan, Western Samar madaling araw ng Dis. 3.
Ayon sa Arnulfo Ortiz Command (NPA-Western Samar), pinalibutan at pilit pinapasuko ng mga tropa ng Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines (ISAFP) at Military Intelligence Battalion ang dalawang mandirigma ng NPA na nasa loob ng isang bahay.
“Naunang namutok ang isang kasama na ikinagulat ng kaaway. Sa mismong harapan ng mga kaaway dumapa ang Pulang mandirigma habang namumutok ng kanyang dalang pistola,” sabi ni Tirado Dagohoy, tagapagsalita ng NPA-Western Samar.
Isa lang aniya sa dalawang NPA ang may dalang baril. Bahagyang nasugatan pero nakatakas sa pagkakasukol ang dalawang NPA matapos tumalon palabas ng bahay habang pinapaputukan ng mga sundalo.
Kinumpirma ng 8th Infantry Division (8ID) ng Philippine Army ang pagkamatay ng dalawang sundalo.
Sa ulat ng Philippine News Agency, sinabi ng 8ID na dumepensa lang ang kanilang tropa matapos salubingin ng “heavy gunfire” pagpasok nila sa baryo.
Nagpunta umano ang mga sundalo sa naturang barangay dahil sa sumbong ng mga residente na sapilitang pinasok ng mga NPA ang kanilang bahay.
Kinondena rin ng Philippine Army ang anila’y pagsasawalang bahala ng NPA sa kaligtasan ng mga sibilyan.
Pero sa isang pahayag, sinabi ni Karlos Manuel, tagapagsalita ng Efren Martires Command (NPA-Eastern Visayas Regional Operational Command), na pumunta sa baryo ang dalawa nilang kasama para tulungan ang mamamayan doon na sinalanta ng nag-ooperasyon na higit 20 tropa ng 8ID.
“Mula Oktubre pa pabalik-balik ang mga tropa ng 46th [Infantry Battalion] para pasukuin ang ilang residente ng baryo,” ani Manuel.
Tiniyak din aniya ng dalawang NPA na nakalabas muna ang mga sibilyan sa tinutuluyang bahay bago nagpaputok sa nakapalibot na mga sundalo.
“Nilubid na kasinungalingan ng [8ID] ang kuwentong ginawa raw ‘human shield’ ng mga kasama ang isang bata. Katunayan, ang [NPA] ang nagtiyak na ligtas na nakalabas ng bahay ang pamilya,” dagdag niya.
Paglabag sa karapatan
Bilang ganti, pinaulanan ng bala ng mga sundalo ang naturang bahay kahit ‘di nila tiyak kung mayroon pang sibilyan sa loob, ayon sa NPA.
Sa tala ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) , umabot na sa 800 ang biktima ng paglabag sa karapatang pantao ng 8ID sa buong Eastern Visayas mula Hunyo 2022 hanggang Disyembre 2025. Pinakamarami sa biktima ay mga magsasaka, matatanda at bata.
Noong 2023, napatay sa pamamaril ng mga sundalo sa kanilang bahay ang dalawang taong gulang na bata at kanyang Lolo sa San Jose de Buan.
Naitala rin ng NDFP na higit 500 na barangay ang militarisado at kinampuhan ng mga sundalo sa ilalim ng Retooled Community Support Program (RCSP) ng 8ID.
Noong 2018, idineklara ang buong isla ng Samar bilang priority area sa programang kontra-insurhensya ng dating administrasyong Duterte na nagpapatuloy ngayon sa ilalim ng National Action Plan for Unity, Peace and Development ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ceasefire
Idineklara naman ng Communist Party of the Philippines (CPP) ang apat na araw na ceasefire mula Dis. 25 hanggang 26, 2025 at Dis. 31, 2025 hanggang Enero 1, 2026. Inatasan nito ang NPA na ilagay sa aktibong depensa ang moda ng mga komand nito, lalo sa mga matitindi ang operasyon ng Armed Forces of the Philippines.
Karaniwan nang nagdedeklara ng sariling ceasefire ang CPP tuwing Disyembre para magbigay daan sa pagdiriwang ng kapaskuhan at ng ika-57 anibersaryo ng partido ngayong Dis. 26.
Magpapatuloy naman ang mga operasyong militar ng AFP. Tumanggi ang sandatahang lakas at Department of National Defense na magpatupad ng ceasefire.
“Magpapatuloy ang responsibilidad ng militar at hindi saklaw ng mga pahayag ng mga armadong grupo [Military responsibilities are continuous and are not subject to unilateral pronouncements by armed groups],” pahayag ng AFP.