Manggagawa

Sa malamig na pabrika ng bakal

Labing apat na taon nang nagtatrabaho sa Pentagon Steel Corporation si Nestle Gabriel, 36. Pero isang araw na papasok na sana siya sa pabrika, hindi na siya pinapasok ng manedsment. Tanggal na raw siya sa trabaho. Hindi pala siya nag-iisa. Kabilang si Gabriel sa 140 manggagawa ng naturang pabrika ng bakal na sabay-sabay tinanggalan ng […]

Mga nakawelgang manggagawa ng Pentagon Steel Corp: Makatarungang hiling. (Maricristh Magaling)
Mga nakawelgang manggagawa ng Pentagon Steel Corp: Makatarungang hiling. (Maricristh Magaling)

Labing apat na taon nang nagtatrabaho sa Pentagon Steel Corporation si Nestle Gabriel, 36. Pero isang araw na papasok na sana siya sa pabrika, hindi na siya pinapasok ng manedsment. Tanggal na raw siya sa trabaho.

Hindi pala siya nag-iisa. Kabilang si Gabriel sa 140 manggagawa ng naturang pabrika ng bakal na sabay-sabay tinanggalan ng hanapbuhay noong Abril 13. Bago ang araw na iyon, nauna nang nagprotesta ang mga manggagawa dahil sa hindi magandang kalagayan sa loob ng pagawaan.

Simpleng kahilingan

Manggagawa sa piketlayn: Pinababayaan ng dilawang unyon. (Maricristh Magaling)
Manggagawa sa piketlayn: Pinababayaan ng dilawang unyon. (Maricristh Magaling)

“Simple lang ang hiling namin at naaayon sa batas,” paliwanag ni Gabriel sa Pinoy Weekly, nang puntahan namin ang kanilang piket sa Brgy. Apolonio Samson, Quezon City. Ang tinutukoy niya’y karaniwang benepisyo na dapat na tinatamasa ng isang manggagawa, 13th month pay, overtime pay, at kaligtasan sa loob ng pabrika.

Reklamo ng mga manggagawa ang mga aksidenteng nagaganap sa loob ng pagawaan dahil sa kakulangan ng mga gamit pangkaligtasan.

“Bakal ang ginagawa namin, pero wala kaming safety shoes, mask at iba pang kasuotan na poprotekta sa amin mula sa singaw at pitik ng bakal habang nasa pagawaan.

Mga yero, barbed wire, pako, cyclone wire at iba pang produktong bakal ang minamanupaktura ng Pentagon. Sa paggawa ng yero, singaw ng kumukulong tingga ang nasisinghot ng mga nagtatrabaho sa galvanizing department. Sa paggawa ng iba’t ibang klase ng alambre, naiipit ng makina, napuputulan ng mga daliri, nalalapnos ang mga palad, at napipitikan ng alambreng tumatagos sa kalamnan ang mga hamak na obrero.

Sariwa pa ang sugat sa binti ni Arthur Pagara, 47, habang sila’y nakapiket sa labas ng pabrika. Kasama siya sa mga nawalan ng trabaho.

Sa wire drawing nakadestino si Arthur nang mangyari ang aksidente. Pumasok at tumagos sa kanyang binti ang alambreng napatid na halos kasingkapal ng kanyang daliri. Nang bigyan siya ng pera ng manedsment, ibabawas daw iyon sa kanyang suweldo.

“Sa loob ng pabrika naganap ang aksidente. Bakit ako pa ang magpapagamot sa sarili ko?” himutok ni Arthur. Isa pa iyon sa kanilang inirereklamo—walang maayos na klinika ang pabrika. Ayon sa mga manggagawa, gamot sa sakit ng ulo lang ang mayro’n sa klinika. Walang first aid kit, walang doktor.  Kung maaksidente sila, bahala silang dalhin ang sarili sa ospital.

Ganito ang nangyari kay Estacio Rodolfo, manggagawang 22 taon nang nagtatrabaho sa Pentagon. Halos maputol na ang kanyang hintuturo nang maipit sa makina nito lamang Marso 2. “Pero walang umaasikaso sa akin. Parang diring-diri ang manedsment sa kamay kong puro dugo. Ni walang kumilos. Ako, kasama ng aking asawa, ang nagpagamot sa ospital,” paliwanag ni Rodolfo.

Binigyan naman siya ng perang pampagamot, na halos umabot ng P5,000, pero itinuturing daw iyong “bale” ng manedsment. Ibig sabihin, ikakaltas din sa kanya ang perang ipinampagamot sa sugat na nangyari sa kanya sa loob ng pabrika.

Sariwa pa ang sugat sa binti ni Arthur Pagara, 47, habang sila’y nakapiket sa labas ng pabrika. Kasama siya sa mga nawalan ng trabaho. (Maricristh Magaling)
Sariwa pa ang sugat sa binti ni Arthur Pagara, 47, habang sila’y nakapiket sa labas ng pabrika. Kasama siya sa mga nawalan ng trabaho. (Maricristh Magaling)

Malalang kalagayan sa pagawaan

Ilan lamang ito sa kanilang kahilingan kaya sila nagprotesta. Pero may masahol pa. Ayon kay Gabriel, may iba’t ibang uri ng panghaharas na ang ginagawa ng manedsment para takutin silang mga manggagawa at sirain ang kanilang pagkakaisa. Halimbawa nito ang diskriminasyon, pagbawas sa oras at araw ng trabaho at ilegal na suspenyon.

May mga kasong basta na lamang ililipat mula sa isang departamento tungo sa iba ang isang manggagawa. “Mahirap iyan, dahil ako halimbawa, sa galvanizing department ako, mahirap para sa akin na basta na lamang ako ilipat sa wire drawing,” paliwanag ni Gabriel. Isang kasanayan iyon na nangangailangan ng panahon para matutuhan.

Mayroon namang apat na manggagawa na sa halip na anim na araw na nagtatrabaho’y ginawang tatlo na lamang. Malaking bawas ito sa kinikita ng mga manggagawa.

May walong manggagawa naman sa delivery truck ang basta na lamang tinanggalan ng trabaho. Ang dahilan ng manedsment, nasira raw ng walo ang tatlong trak ng kompanya. Ipatatawag na lamang daw sila kapag nagawa ang mga trak. Pero pansin ng mga manggagawa, tumatanggap na ng bagong drayber ang manedsment.

Nabawasang manggagawa, pekeng unyon

Apat na raan dati ang manggagawa sa Pentagon, pero kuwento ni Gabriel, nabawasan sila nang nabawasan dahil tila wala nang makatagal sa loob ng pagawaan. “Ang iba’y kusa nang umaalis, ang masama nito walang separation pay na ibinibigay ang manedsment,” aniya. Binibigyan lamang ng P5,000 hanggang P10,000 ang mga manggagawa gaano man ang itinagal nila sa serbisyo.

“Parang pamasahe lang, naiiba ang ibibigay sa iyo depende sa lugar na uuwian mo. Halimbawa’y kung taga-Mindanao ka, mas malaki ang ibibigay sa iyo kumpara kung sa Bulacan ka lang nakatira,” paliwanag ni Gabriel.

May unyon sa Pentagon, ang Pentagon Workers Union na nasa ilalim ng Trade Union Congress of the Philippines, pero hindi umano ito kumakatawan sa interes ng mga manggagawa sa loob ng pabrika.

Halimbawa’y nang magreklamo sila tungkol sa kanilang mga hinaing sa manedsment, ang itinutugon ng presidente ng unyon: “Kayo na ang bahala diyan. Kaya na ninyo ’yan.”

Kaya hindi na sila nagtatakang hindi nila kasama sa piketlayn ang mga opisyal ng unyon. Hindi sila nagtaka na matapos silang pagsusuntukin at pagpapaluin ng posas ng pinaghalong goons ng manedsment at pulis noong Abril 15 habang nasa piketlayn, hindi man lamang nila nakita ang anino ng mga opsiyal ng unyon na dapat sana’y kakampi nila.

Nagkakaisa

Ngayo’y wala na silang sasandigan kundi ang sariling lakas, ang kanilang pagkakaisa.

Si Gabriel na may asawa’t limang anak ay handang magsakripisyo. Kuwento niya, napaliwanagan na niya ang kanyang asawa tungkol sa kanilang ipinaglalaban. Desidido siya, kasama ng mga katulad niyang mga manggagawa, na ilaban hanggang sa ibigay ng mandesment ang kanilang mga kahilingan.

“Kung hindi, magpapatuloy sa loob ng pabrika, at baka sa susunod pang henerasyon, ang malalang kalagayan ng mga manggagawa, hindi lamang sa Pentagon kundi maging sa iba pang mga pagawaan,” pagwawakas ni Gabriel.