Migrante

OAV natapos na sa Dubai, Hongkong


Dalawang mukha ng katatapos na Overseas Absentee Voting (OAV) ang makikita sa Dubai at Hongkong, dalawa sa mga bansang may malaking bilang ng migrante at manggagawang Pilipino. Idineklara ni Philippine Consul General Frank Cimafranco na tagumpay ang katatapos na OAV sa Dubai dahil ito aniya ay “mapayapa, malinis at maayos.” Ngunit lumabas na matumal na […]

“I do not want to waste my vote. It's very important to choose the right leaders for our country I chose the candidates who are pro-migrant Filipinos,” saad ni Mary Anne Granada, ang huling bumoto sa Overseas Absentee voting sa Dubai. (Kuha ni Angel Tesorero) .
“I do not want to waste my vote. It’s very important to choose the right leaders for our country I chose the candidates who are pro-migrant Filipinos,” saad ni Mary Anne Granada, ang huling bumoto sa Overseas Absentee voting sa Dubai. (Kuha ni Angel Tesorero) .

Dalawang mukha ng katatapos na Overseas Absentee Voting (OAV) ang makikita sa Dubai at Hongkong, dalawa sa mga bansang may malaking bilang ng migrante at manggagawang Pilipino.

Idineklara ni Philippine Consul General Frank Cimafranco na tagumpay ang katatapos na OAV sa Dubai dahil ito aniya ay “mapayapa, malinis at maayos.”
Ngunit lumabas na matumal na 3,543 sa kabuuang 55,842 rehistradong botante sa Dubai at Northern Emirates ang bumoto.

Batid ni Cimafranco na malaki ang potensiyal ng Dubai na magtagumpay ang OAV dahil sa dami ng mga Pilipinong naroon. Dugtong pa niya na ikinampanya ng konsulado ang halalan sa mga paaralan, simbahan, kainan, malls, maging sa mga opisina at pagawaaan ng mga Pilipino. “We should have reached at least 10,000 voters,” aniya.

Sa bilang na lumabas sa midterm elections para sa labindalawang senador, lumabas na nanguna si Chiz Escudero sa 2,389 boto.

Sinundan siya nina Alan Peter Cayetano (2,354), Loren Legarda (2,225), Aquilino Pimentel III (2,171), Richard Gordon (1,909), Juan Edgardo Angara (1,797), Risa Hontiveros (1,788), Antonio Trillanes III (1,773), Bam Aquino (1,728), Gringo Honasan (1,560), Ramon Magsaysay Jr. (1,515).

Nakakuha si Teddy Casiño ng Makabayan Coalition ng 1,000 boto.

Samantala, nakakuha ang Migrante ng 291 boto, habang humamig ang Gabriela Partylist ng 203, at Bayan Muna ng 153.

Kung matumal ang OAV sa Dubai, nakakalap ng malaking bilang ng mga botante ang mga nasa Hongkong.

Nakakuha ang Migrante Partylist ng 10,201 boto at pinangunahan ang mga partylist sa naturang bansa, habang kumamal ng 12,568 boto si Casiño upang makapasok sa ikapitong puwesto sa botohan sa Hongkong.

Samantala, nakapasok sa top 12 ang lima sa pitong kandidato na nai-endorso ng Makabayan Coalition, na sina Grace Poe-Liamansares, Chiz Escudero, Loren Legarda, Koko Pimentel, Alan Cayetano, Cynthia Villar at Jun Magsaysay.

Pinuri ni Eman Villanueva ang bolunterismo at organisadong kampanya nila, na suportado ng mga malalaking pederasyon at alyansa ng mga OFW sa Hongkong. “It is the untiring sacrifices and volunteerism of our members and friends that made us the most visible and most-loved partylist in this OAV in Hong Kong”, saad niya.

Dugtong pa niya na kung anuman ang lumabas na resulta ng halalan, magpapatuloy sila sa kanilang adbokasiya para sa karapatan at kagalingan ng mga OFW. “This is our commitment and we will honor this with or without a seat in Congress,” pagtatapos ni Villanueva .