Sa Press Freedom Day: Mga banta sa kalayaan sa pamamahayag, tumitindi
“Ang kalayaan ng pamamahayag ay ’di lang para sa midya. Para ito sa bawat mamamayan.” Ito ang sinabi ni Melanie Pinlac ng Center for Media Freedom and Responsibility (CMFR), sa ika-20 na pagdiriwang ng World Press Freedom Day noong Mayo 3 na nilahukan ng ilang media groups at indibidwal. Nagpalipad ng mga saranggol ang naturang […]
“Ang kalayaan ng pamamahayag ay ’di lang para sa midya. Para ito sa bawat mamamayan.”
Ito ang sinabi ni Melanie Pinlac ng Center for Media Freedom and Responsibility (CMFR), sa ika-20 na pagdiriwang ng World Press Freedom Day noong Mayo 3 na nilahukan ng ilang media groups at indibidwal.
Nagpalipad ng mga saranggol ang naturang mga grupo at indibidwal, malapit sa estatwa ng Oblation sa Unibersidad ng Pilipinas sa Diliman, Quezon City.
Sinabi ni Rupert Mangilit, pangkalahatang kalihim ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP), na nilunsad nila ang kite-flying event na ito para ipagdiwang ang World Press Freedom Day sa mas positibong paraan. Simboliko ang mga guryon ng paglipad para sa malayang pamamahayag sa Pilipinas.
“It’s a symbolic way of showing that we’re soaring high for a freer Philippine press,” sabi ni Mangilit.
Sinabi naman ni Sonny Fernandez ng NUJP na mahalagang gunitain ang araw ng kalayaan sa pamamahayag “sa kabila ng mga pamamaslang, sa kabila ng mga hamon sa pamamamahayag…patuloy tayo na nagkakaisa at nakikibaka para protektahan ang malayang pamamahayag.”
Nilahukan ang event ng mga grupong pangmidya tulad ng CMFR, NUJP, Philippine Press Institute (PPI), Philippine Center for Photojournalism (PCP), Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ) at Union of Journalists of the Philippines – UP Diliman (UJP-UP).
Kamakailan, naglabas ng talaan ang Committee to Protect Journalists (CPJ) ng mga bansang pinaka-mapanganib para sa mga peryodista para sa taong 2013. Ikatlo ang Pilipinas talaang ito.
Ayon sa CMFR, umabot na sa 197 ang bilang ng mga peryodista’t media workers na napatay simula noong 1986. Sinabi ng CPJ na hindi bababa sa 55 na kaso ng pagpaslang sa mga mamamayag ang hindi pa nareresolba sa nagdaang dekada.
“Sa kabila ng pangako ni Pangulong Aquino na baliktarin ang impunity index, tuluy-tuloy pa rin ang pamamaslang ,” ani Fernandez.
Katunayan, aniya, umabot sa 14 na mga mamamhayag na ang napapatay sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon.
“Yun nga yung ironic. Sinasabing may demokrasya tayo sa Pilipinas, pero magtataka ka bakit tuluy-tuloy ang pamamaslang sa journalists. Ang Iraq naman ay maya giyera. Sa atin, wala,” sabi pa ni Fernandez.
147 sa 179
Dagdag pa sa mataas na ranking ng Pilipinas sa Impunity Index ang pagbaba nito ng pitong puntos ngayong taon sa Press Freedom Index ng Reporters Sans Frontieres (RSF).
Ika-147 na ang Pilipinas sa 179 na bansang sinusuri sa kung papaano nito nirerespeto ang kalayaan sa pamamahayag.
Ayon sa RSF, hindi lamang pagpatay ng mga peryodista ang kinikilala sa Press Freedom Index. Kasama rin ang pluralismo o mga maaaring pagpilian ng midya, independensiya ng midya mula sa gobyerno, sariling pagsesensura at censorship na dulot ng kapiligiran, mga batas para sa malayang ekspresyon ng sarili, transparency at infrastructure.
Kaya ayon kay Mangilit, bumaba man ang bilang ng mga pinapatay na peryodista sa nagdaang taon, “lahat halos nung mga kaso ng pagpatay noong nakaraang administrasyon ay hindi pa naso-solve. Kung may na-solve man, hindi napaparusahan ang mastermind. ’ Yung mga [triggermen] lang. ’Yung mga gunman, ’yung lookout,” sabi pa niya.
Dagdag pa rito ang patuloy na dinadanas ng mga mamamahayag na iba’t ibang porma ng pagbabanta’t panghaharas.
Isa ring maaaring dahilan ng paglala ng estado ng kalayaan sa pamamahayag sa Pilipinas ang hindi pagkapasa ng Freedom of Information Bill (FOI Bill) sa Kongreso.
‘Chilling effect ‘
Dahil sa patuloy na pandarahas sa mga peryodista, nakikitang nagkakaroon ng “chilling effect” sa iba pang mga mamamahayag.
“Chilling effect” ang pagpigil ng mamamhayag ng nais niyang sabihin o gawin dahil sa takot na natatanim sa utak niya.
“Kung mayroon silang nakikitang hindi maganda at kailangan iulat, nagdadalawang-isip sila kasi iisipin nila: Paano kung sabihin ko ’yung totoo pero maaaring masaktan ako at ang pamilya ko?” ani Mangilit.“Nalalagay sa kompromiso, hindi lang ’yung trabaho ng peryodista, kundi pati ’yung pagsisiwalat ng katotohanan.”