Tumitindig na tinig sa balita
Bakit nga ba bumababa ang tiwala sa midya? Pagkukulang ba ito ng mga mamamahayag o sintomas ng mas malawak na pagkadismaya sa mga institusyon?
Nakakabahala ang balita tungkol sa balita at nagbabalita. Ayon sa pinakahuling pahayag ni Irene Khan, United Nations Special Rapporteur on Freedom of Expression, patuloy ang iba’t ibang atake sa mass media. Pinakamasahol dito ang lumalalang red-tagging sa mga mamamahayag, sanhi ng pagkakakulong o pagkamatay ng ilan.
Samantala, ayon sa Digital News Report ng Reuters Institute, 37% na lang ng mga tao sa buong mundo ang nagtitiwala sa balita habang 42% ang sadyang umiiwas dito.
May dalawang peligro sa balita: ang panggigipit ng mga nasa poder para kitilin ang malayang pamamahayag at ang pagkalunod ng katotohanan sa ilalim ng kumakapal na disimpormasyon sa internet.
Hindi na bago ang una. Matagal nang kabilang ang Pilipinas sa mga pinakadelikadong lugar sa buong mundo para sa mga mamamahayag. Sa sariling bayan natin naganap ang pinakamadugong masaker sa midya, ang Ampatuan Massacre.
Pero mahalaga ang pagtutukoy ni Khan. Red-tagging ang isa sa pinakamabisang modus ng mga kalaban ng kalayaan. Para sa estado, sino nga naman ang magrereklamo kung terorista ang pinatay o kinulong? Kumbaga, nahahanda na ang katuwiran bago pa gawin ang krimen.
Ngunit bakit nga ba bumababa ang tiwala sa midya? Pagkukulang ba ito ng mga mamamahayag o sintomas ng mas malawak na pagkadismaya sa mga institusyon?
Alam naman ng gobyerno na siya ang numero unong boses na lumalabas sa radyo, TV at internet. Kaya pamilyar ang buong makinarya nito kung paano magpabango at magpapogi habang sinisiraan ang sinumang umaalma sa kanila.
Mababalik ang tiwala sa midya kung boses ng madla ang nilalaman nito at hindi panloloko ng mga nasa poder. Kung talagang isyung pambayan at interes ng tao sa maayos na lipunan na may kalayaan at demokrasya ang laman ng balita, at nakakaengganyo pa, titibay ang ugnayan ng mamamayan at mass media.
Kaya kung nababawasan ang tiwala sa midya, malamang may kaugnayan din ito sa bumababang tiwala ng tao sa mismong mga lider ng bansa.
Matapos ang eleksiyon noong 2022, mataas ang mga approval rating ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Pangalawang Pangulong Sara Duterte. Mahigit 60% ang pagpabor ng mamamayan sa kanila ayon sa mga sarbey. Pero nitong Marso, nalaglag na sa 36% ang may tiwala sa mga lider.
Maaaring dismayado ang tao sa balita dahil madalas laman nito ang mga magnanakaw na opisyal na hindi napapanagot, mga taong patuloy na nabibigyan ng pagkakataong magpalusot kahit na malinaw naman ang pagkakasala.
Ang tendensiya naman ng publiko, maghanap ng panibagong pagkukuhanan ng impormasyon. Para sa kahit naman sino, mas nakakatuwang panoorin, mas nakikilala, mas namumuo ang tiwala. At kaya hindi nakakagulat kung bakit kung sinong influencer o vlogger na ang mga sumisikat.
Ngunit hindi rin garantiya ng katotohanan ang kasikatan. Marami ring influencer ang may sariling interes o among politiko. Madalas, ang mensahe rin ng mga bossing nila ang bitbit, pero sa paraang ikatutuwa ng followers nila. Ang sinusunod ng lahat ng mga iyan ay magbitaw ng mga salitang alam nilang makakakiliti sa diwa ng followers. Sa madaling sabi, kuwentong gusto mong marinig imbis na balitang kailangan mong malaman.
Mababalik ang tiwala sa midya kung boses ng madla ang nilalaman nito at hindi panloloko ng mga nasa poder. Kung talagang isyung pambayan at interes ng tao sa maayos na lipunan na may kalayaan at demokrasya ang laman ng balita, at nakakaengganyo pa, titibay ang ugnayan ng mamamayan at mass media.
At sa gitna ng lahat ng ito, dapat patuloy na dinggin ang babala ni Khan sa buong mundo at partikular sa Pilipinas. Ani Khan, sandata ng mapang-api ang red-tagging at panlilinlang. Kung ganoon, ang panangga at sandigan natin ay pagtatanggol sa malaya, independiyente at makamasamang paghahatid ng impormasyon.
Hindi madali. At marahil lipas na ang mga araw na basta na lang tayong nanonood o kumokonsumo ng balita. Panahon ngayon ng pagiging kritikal at mapagmasid, kapwa sa panlilinlang.