Cumpio, simbolo ng katapangan laban sa panunupil—IWMF


Pararangalan ng International Women’s Media Foundation si Frenchie Mae Cumpio dahil sa ipinakita niyang tapang sa paglalantad ng karahasan ng militar sa Silangang Visayas.

Pararangalan ng International Women’s Media Foundation (IWMF) si Frenchie Mae Cumpio ng 2026 Wallis Annenberg Justice for Women Award dahil sa ipinakita niyang tapang sa paglalantad sa karahasan ng militar sa Silangang Visayas.

Inaresto ang mamamahayag sa opisina ng Eastern Vista noong Peb. 7, 2020 at kinasuhan ng illegal possession of firearms and explosives. Idinagdag naman noong Oktubre 2021 ang kasong terrorism financing. Pinawalang-sala ng Regional Trial Court ng Tacloban City, Leyte si Cumpio sa naunang kaso habang nahatulan siyang guilty sa panghuli. Nasentensiyahan ang mamamahayag ng 12 hanggang 18 taon na pagkakakulong.

Kilalang radio broadcaster at dating executive director ng Eastern Vista, ibinunyag ni Cumpio ang kalagayan ng mga maralitang magsasaka maralita at mga biktima ng sakuna pati ang pang-aabuso ng militar sa Silangang Visayas sa kabila ng mabigat na militarisasiyon sa lugar mula sa Memorandum Order No. 32 ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

“Dahil sa kriminalisasyon sa pagsasabi ng totoo, tapang ang bubuo sa kinabukasan ng pamamahayag,” pahayag ni IWMF president Elisa Lees Muñoz.

Dagdag pa ni Muñoz, nanganganib ang propesyon ng pamamahayag dahil paghaharang ng mga awtoridad sa katotohanan bago pa ito masulat at maisapubliko bukod sa sensura.

“Kinalakihan ko ang isa sa pinakamahirap na rehiyon dito sa ating bansa, hindi sakin naging desisyon kundi pangangailangan ang ihayag ang katotohanan at pang-aabuso.” pahayag ni Cumpio mula sa piitan.

Sa 2026 World Press Freedom Index ng Reporters Without Borders (RSF), nasa kategoryang “Difficult Situation” ang Pilipinas na pumwestong 114 sa 180 na bansa.

Ayon sa RSF, dulot ito ng red-tagging, kakulangan ng batas na pumoprotekta sa kalayaan ng mga mamamahayag na magbalita, legal na panliligalig at ang pampolitikang pagkakahati ng mga Pilipino.

“Ang IWMF award ay isa na namang pagtatanggi sa gagawang naratibo ng estado,” pagsasabula ng National Union of Peoples’ Lawyers (NUPL) ukol sa walang basehang pag-aresto kay Cumpio.

Naninindigan ng NUPL na hindi kriminal si Cumpio at patuloy ang kanilang apela laban sa hatol sa kasong terrorism financing dahil sa kakulangan ng beripikasiyon mula sa internasyonal na institusyon, malayang tagamasid at tapat na pag-iimbestiga alinsunod ng kaniyang anim na taong pagkakakulong.  

Parte si Cumpio sa tinaguriang “Tacloban 5” kasama sina Marielle Domequil na nahaharap rin sa parehong kaso, Alexander Philip Abinguña, Mira Legion at Marissa Cabaljao.

Bukod kay Cumpio, ipinagkaloob rin ang parangal kina sa independyenteng perydistang si Georgia Fort ng United States, ang magkapatid na sina Elaheh at Elnaz Mohammadi ng Ham-Mihan sa Iran, at isang mamamahayag na itinago sa pangalang Nay Min Ni ng Myanmar Now sa Myanmar.

Opisyal na ibibigay ang 2026 IWMF Courage in Journalism Awards sa New York City sa darating na Nob. 10 at sa Los Angeles, California sa Nob. 12.