Hatol kina Cumpio, Domequil, pinanindigan ng korte sa Tacloban


Pinagtibay ng korte sa Tacloban City ang hatol na may sala sa gawa-gawang kasong terrorism financing sina Frenchie Mae Cumpio at Marielle Domequil, dalawa sa tinaguriang “Tacloban 5.”

Sina Marielle Domequil at Frenchie Mae Cumpio sa promulgation of judgment hearing nila para sa mga kasong illegal possession of firearms and explosives sa Tacloban City, Leyte noong Ene. 22. Tinay Palabay/Facebook

Pinagtibay ng Tacloban City Regional Trial Court (RTC) ang hatol na may sala ang community journalist na si Frenchie Mae Cumpio at manggagawang simbahan na si Marielle Domequil sa kasong terrorism financing nitong Marso 27. Tinanggihan nito ang apela ng dalawang bilanggong politikal hinggil sa desisyon at sa pagpiyansa upang pansamantalang makalaya.

Sa pagbaba ng hatol noong Ene. 22, sinentensiyahan ang dalawa ng 12 hanggang 18 taon sa Correctional Institution for Women (CIW) sa Mandaluyong City. Samantala, ibinasura naman ang nauna nilang kasong illegal possession firearms and explosives.

Kasama si Alexander Abinguña at dalawa pa na tinaguriang “Tacloban 5” na mga aktibista at tanggol-karapatan na inaresto sa mga gawa-gawang kaso noong Peb. 7, 2020.

Nakapagpiyansa sa parehong taon ang dalawang kabilang ng Tacloban 5 na sina Mira Legion at Marissa Cabaljao, ngunit mahigit anim taon namang nakapiit sa Tacloban City Jail sina Cumpio, Domequil at Abinguña.

Binatikos ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) ang desisyon ng Tacloban RTC sa kaso nina Cumpio at Domequil batay sa testimonya ng mga nagpoposturang sumukong rebelde.

“Nagtatakda ito ng pamantayan na, kahit walang matibay na ebidensiya, maaaring hatulan ng korte ang mga walang sala dahil sa mga indibidwal na nagpapagamit sa mga armadong puwersa ng estado,” anila sa Ingles.

Nanindigan naman ang #FreeFrenchieMaeCumpio Coalition, alyansa ng mga internasyonal na press freedom organization, na patuloy nitong ikakampanya ang pagkalaya ni Cumpio. Nanawagan din sila kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para sa kagyat na pagbasura ng mga kaso laban sa Tacloban 5.