Paglaya ni Frenchie Mae Cumpio, ngayon na
Mag-aanim na taon nang nakakulong sina Frenchie Mae Cumpio, Marielle Domequil at Alexander Abinguna sa mga gawa-gawang kaso. At tulad ng inaasahan, pinababagal at pinatatagal ng estado ang pagdinig sa kanilang mga kaso.
Sa darating na Nob. 15 sa Paris, France, kikilalanin ng Reporters Without Borders (RSF) ang mga natatanging perdyodista at organisasyong midya sa buong daigdig sa kanilang patuloy na pagsusulong ng katotohanan sa kabila ng mga banta sa kanilang mga karapatan.
Isa sa mga nominado para sa Courage Prize ng RSF Press Freedom Awards 2025 ang alternatibong mamamahayag na si Frenchie Mae Cumpio ng Eastern Vista. Kung papalaring manalo, isang malaking karangalan ito para sa kanya, sa mga kapwa peryodista at sa mga nagsusulong ng kalayaan sa pamamamahayag at pagpapahayag sa Pilipinas.
Isa rin itong matibay na patunay sa katapangan at katatagan ni Cumpio at marami pang mamamahayag sa buong mundo na humaharap sa araw-araw na hamon ng paghahatid ng napapanahong balita at impormasyon kahit may mga banta at nagpapatuloy ang mga paglabag sa mga kalayaan sa pamamamahayag at impormasyon.
Sa kabila ng pagkilala sa pandaigdigang larangan, nananatiling nakapiit si Cumpio sa Tacloban City Jail dahil sa mga gawa-gawang kaso laban sa kanya at sa iba pang aktibista at tanggol-karapatan. Tinawag na “Tacloban 5,” inaresto sila sa magkakahiwalay na reyd noong madaling araw ng Peb. 7, 2020.
Ang paratang ng estado: tagasuporta at miyembro umano sila ng Communist Party of the Philippines at New People’s Army (CPP-NPA).
Sa ngayon, si Cumpio ang pinakabatang babaeng mamamahayag sa daigdig na nakapiit. Siya rin ang nag-iisang mamamahayag na patuloy na pinagkakaitan ng pisikal na kalayaan sa Pilipinas.
Kamakailan, pinawalang-bisa ng Court of Appeals (CA) Third Division ang kasong civil forfeiture laban kay Cumpio at sa manggagawang simbahan na si Marielle Domequil.
Sabi ng CA, walang kapangyarihan ang Anti-Money Laundering Council na kumpiskahin ang ari-arian at imbestigahan ang mga indibidwal na hindi idineklarang “terorista” sa ilalim ng Anti-Terrorism Act of 2020.
Para sa gobyerno at mga tutang puwersa nito, “terorismo” ang pagmamalasakit sa mga kababayang inaabuso ng estado, panginoong maylupa at malaking negosyo. “Terorista” ang turing sa mga naghahangad ng mas malaya at masaganag buhay at kinabukasan para sa nakararaming mamamayan.
Kaugnay ito ng kasong “terrorism financing” laban sa dalawa sa ilalim ng Terrorism Financing Prevention and Suppression Act of 2012. Sa mga nasabing reyd, kinumpiska ng mga operatiba ang halagang P557,360 na para sa Stand with Samar-Leyte, isang kampanya para sa mga komunidad ng magsasaka sa Eastern Visayas na biktima ng militarisasyon.
Paratang ng mga nagsampa ng kaso, nagbibigay sina Cumpio at Domequil ng pinansiyal na suporta sa CPP-NPA.
Ilang araw matapos ilabas ng CA ang desisyon, kinatigan naman ng Laoang Regional Trial Court Branch 21 sa Northern Samar ang Motion to Quash Information sa mga kasong murder at attempted murder laban kay Cumpio. Ngunit sa kasamaang-palad, hindi pinagbigyan ang parehong mosyon ni Alexander Abinguna, dating tagapagsalita ng Karapatan Eastern Visayas.
Mag-aanim na taon nang nakakulong sina Cumpio, Domequil at Abinguna sa mga gawa-gawang kaso. At tulad ng inaasahan, pinababagal at pinatatagal ng estado ang pagdinig sa kanilang mga kaso.
Larawan ang tatlo ng masalimuot na kalagayan ng mga peryodista, aktibista at tanggol-karapatan sa Pilipinas. Pinupuntirya sila ng mga puwersa ng estado sa pagsisiwalat ng totoong nangyayaring paglabag sa mga karapatang pantao sa mga komunidad sa kanayunan sa ngalan umano ng pagsawata sa “terorismo.”
Hindi lang silang tatlo ang nakararananas ng ganitong inhustisya. Sa ngayon, may mahigit 700 bilanggong politikal sa Pilipinas. Ang karaniwan sa kanilang lahat ang bintang na “terorista” o “sumusuporta sa mga terorista.”
Para sa gobyerno at mga tutang puwersa nito, “terorismo” ang pagmamalasakit sa mga kababayang inaabuso ng estado, panginoong maylupa at malaking negosyo. “Terorista” ang turing sa mga naghahangad ng mas malaya at masaganag buhay at kinabukasan para sa nakararaming mamamayan.
Sabi nga ng yumaong lider-obrero at Anakpawis Partylist Rep. Crispin Beltran, “If helping the poor is a crime, and fighting for freedom is rebellion, then I plead guilty as charged.”
Habang pinagpupugayan natin ang katapangan at katatagan nina Cumpio, Domequil, Abinguna at marami pang bilanggong politikal, patuloy nating kalampagin ang mga korte at mga bulwagan ng kapangyarihan para palayain na ang mga ipiniit dahil sa mga kasinungalingan at imbentong paratang.