Kaso vs Cumpio, Domequil, pinawalang-bisa ng CA
Ibinasura ng Court of Appeals ang isinampang civil forfeiture case ng Anti-Money Laundering Council laban sa community journalist na si Frenchie Mae Cumpio at layworker na si Marielle Domequil sa desisyon ng korte nitong Okt. 29.
Ibinasura ng Court of Appeals (CA) ang isinampang civil forfeiture case ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) laban sa community journalist na si Frenchie Mae Cumpio at manggagawang simbahan na si Marielle Domequil alinsunod sa desisyon ng korte nitong Okt. 29.
Kaugnay ito sa P557,360 na nakuhang salapi kina Cumpio at Domequil noong reyd na isinagawa ng pulisya noong Per. 7, 2020 sa ilalim ng malawakang crackdown ng rehimen ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sinabi ng AMLC na ginagamit ang pera bilang tulong-pinansiyal sa Communist Party of the Philippines at New People’s Army.
Ayon sa desisyon ng korte, walang kahit anong legal na basehan para sabihing miyembro sina Cumpio at Domequil ng mga naturang grupo. Hindi rin napatunayan ng AMLC na ginamit ang halos kalahating milyong piso para sa terrorism financing.
Nakalaan ang perang kinumpiska ng pulisya sa kampanyang Stand with Samar-Leyte na inorganisa bilang tulong sa mga magsasakang biktima ng pasismo ng Eastern Visayas.
Nilinaw ng CA Third Division na alinsunod sa implementing rules and regulations ng Anti-Terrorism Act, na siyang naging basehan sa kasong isinampa kina Cumpio at Domequil, maaari lang paimbestigahan ng AMLC ang ari-arian ng mga itinakdang tao at organisasyong terorista ayon sa batas. Hindi kasama rito sina Cumpio at Domequil kaya walang bisa ang kaso sa dalawa.
Mariin ding kinondena ng korte sa dokumento na itigil ang walang habas na red-tagging sa mga indibidwal at organisasyong nagsusulong ng paglaban at pagdepensa sa karapatan ng mga mamamayan.
Malugod na tinanggap ng National Union of Peoples’ Lawyers ang naging desisyon ng CA at sinabing hindi lang ito tagumpay nina Cumpio at Domequil, kundi maging ng mga iba pang mamamahayag at tanggol-karapatan na patuloy na lumalaban para sa karapatan at hustisya ng normal na mamamayan.
Maliban sa tagumpay ni Cumpio sa civil forfeiture case, inaprubahan rin ng Laoang Regional Trial Court Branch 21 sa Northern Samar ang mosyon upang mapawalang-bisa ang mga gawa-gawang kasong murder at attempted murder na isinampa sa kanya.
Sa desisyong nilagdaan noong Nob. 6, nakasaad na “invalid” ang naging pag-aresto sa kanya dahil sa malabnaw na ebidensiya rito.
Kasama sa petisyong inihain sa Laoang ang pagbabasura rin sana sa kaso laban sa tanggol-karapatan na si Alexander Abinguna, ngunit hindi ito pinanigan ng korte at idiniin na may sapat na basehan ang pag-aresto sa kanya.
Nagsilbing tagapagsalita ng Karapatan Eastern Visayas si Abinguna bago ang pag-aresto.
Bahagi sina Cumpio, Domequil at Abinguna ng tinaguriang “Tacloban 5,” mga tanggol-karapatan at aktibista na inaresto sa magkakahiwalay na reyd noong 2020.