Nakapiit na mamamahayag sa Tacloban, nominado sa int’l press freedom award
Nominado sa Courage Prize ng Reporters Without Borders Press Freedom Awards 2025 ang nakakulong na community journalist sa Tacloban City na si Frenchie Mae Cumpio.
Isa sa anim na nominado ang nakakulong na community journalist sa Tacloban CIty na si Frenchie Mae Cumpio para sa Courage Prize ng Reporters Without Borders (RSF) Press Freedom Awards 2025.
Iginagawad ang Courage Prize sa mga mamamahayag, media outlet o non-government organization na nagpapakita ng tapang sa praktika, pagtatanggol o pagtataguyod ng peryodismo sa kabila ng panganib at bansa sa kanilang kalayaan o seguridad.
Kabilang sa mga nominado para sa nasabing pagkilala sina Atiana Serge Oulon (Burkina Faso), Sevinj Vagifgizi (Azerbaijan), Angélica Cárcamo (El Salvador), staff ng N1 TV channel (Serbia) at Noor Swirki (Palestine).
Isa ang Courage Prize sa limang kategoryang gagawaran ng parangal ng RSF sa darating na Nob. 15 sa Paris, France. Kabilang sa mga kategorya ang Impact Prize, Independence Prize, The Mohamed Maïga Prize for African Investigative Journalism at Lucas Dolega–SAIF Photo Award. May kabuuang 29 na nominado mula sa 18 bansa para sa limang kategorya ng RSF Press Freedom Awards ngayong taon.
Nagpahayag naman ng suporta ang National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) kay Cumpio matapos ilabas ng RSF ang opisyal na listahan ng mga nominado.
Ayon sa NUJP, isa itong pagkilala sa katapangan ni Cumpio sa pagpapahayag ng katotohanan sa isang bansang nananatiling delikado para sa mga peryodista at nagsasabi ng katotohanan.
“Liban sa karangalang indibidwal, ang nominasyon niya’y patunay sa matatag na diwa ng lahat ng mga Pilipinong mamamahayag na walang pagod na naglilingkod sa publiko sa kabila ng panliligalig, pagbabanta at panunupil, kadalasan at pangunahin ng estado at ng mga ahente nito,” pahayag ng NUJP sa Ingles.
Higit limang taon nang nakakulong si Cumpio sa Tacloban City Jail matapos ang magkakasabay na reyd ng pulisya sa opisina ng Eastern Vista, isang alternative media outlet sa Eastern Visayas, at iba pang opisina ng mga progresibong organisasyon sa Tacloban City noong madaling araw ng Peb. 7, 2020.
Patuloy ang kampanya ng NUJP at Altermidya Network para sa pagpapalaya at pagbabasura sa mga gawa-gawang kaso ni Cumpio na kabilang sa tinaguriang “Tacloban 5” na inaresto sa mga nasabing reyd.
Itinuturing si Cumpio na pinakabatang babaeng mamamahayag na nakakulong sa mundo at nagpapatuloy ang suporta ng mga pandaigdigang organisasyon tulad ng RSF sa panawagan sa kanyang paglaya.
Nakatanggap rin ng suporta si Cumpio mula kay United Nations Special Rapporteur on freedom of opinion and expression Irene Khan matapos siyang dalawin ng eksperto sa piitan noong Ene. 27, 2024 bilang bahagi ng opisyal na imbestigasyon sa kalagayan ng kalayaan sa pamamahayag at pagpapahayag sa Pilipinas.
Kaisa rin ang mga bansang kabilang sa Media Freedom Coalition sa panawagang palayain na ang mamamahayag at itigil na ang panunupil ng estado sa kalayaan ng mga peryodista.