Kababayan Migrante

Wanted: Perfect DH


Mukhang ito ang layunin ng gobyerno ng Pilipinas para sa mga household service workers na kabilang ang domestic helpers, caregivers, caretakers, nannies, governesses at kung anu-ano pang mga termino para sa mga nagta-trabahong kasambahay sa labas ng Pilipinas. Noong 2006 sa panahon ni Arroyo, nangarap siya ng ‘Supermaids’ – yaong kayang gawin ang lahat ng […]

Mukhang ito ang layunin ng gobyerno ng Pilipinas para sa mga household service workers na kabilang ang domestic helpers, caregivers, caretakers, nannies, governesses at kung anu-ano pang mga termino para sa mga nagta-trabahong kasambahay sa labas ng Pilipinas.

Noong 2006 sa panahon ni Arroyo, nangarap siya ng ‘Supermaids’ – yaong kayang gawin ang lahat ng mga gawaing bahay, matatas sa lengguwahe ng bansang pupuntahan at marunong pa ng ibang skills na puwedeng gamitin kung gusto raw lumipat ng ibang trabaho. Gaya halimbawa raw bilang chambermaids sa mga hotel.

Ngayon naman, may pinapakulong bagong training: para naman sa personality development. Itong bagong training na ito na ipinamamarali ni DOLE Sec. Rosalinda Baldoz, na kasama sa mga nasa likod ng mga nagpakulo ng nasabing training scheme noon, ay magtuturo raw sa HSWs kung paano manamit, magsalita at kumilos sa publiko.

Animo’y may criteria ng “pleasing personality” ang mga nag-eempleyo ng kasambahay.

Samantala, tuwang-tuwa naman ang mga rekruter ng HSWs laluna yaong mga papunta sa Hong Kong. Kung maaalala nga, nag-moratorium pa ang Society of Hong Kong Accredited Recruiters in the Philippines o SHARP sa pagpapadala ng mga HSWs sa Hong Kng dahil sa awayan sa hatian ng tubo sa pagitan nila at ng mga rekruter sa HK.

Ngayon, mukang masaya na naman sila sa bagong iskema na ito dahil tiyak, katulad ng dating ipinaketeng trainings, dagdag na bayad na naman ito sa mga kawawang OFW. Tuloy ang kita, tuloy ang ligaya!

At siyempre pa, tuloy rin ang pagpapadala ng mga Pilipino sa labas ng bansa na siya namang ultimong layunin ng gobyerno.

Skills training, language training, personality development training – lahat ng ito’y para pagandahin ang mga OFW sa paningin ng mga employer. Walang pinag-iba sa produktong pineperpekto para mas maraming bumili. Perfect DH.

At ang tanging perkpektong sagot lang dapat dito: labanan.